Let’s start from the beginning–a very good place to start

Una kong naisip ang pagbili ng digital camera para sa kapatid ko.  Ilang buwan na rin niyang bukambibig na ang mga kabarkada niya ay may DSLR, gusto rin niyang magkaroon, iyon ang laging parinig niya.  Balak ko sanang gawing surpresa, Christmas gift, tutal ay naging masuwerte ang papatapos na taon sa akin.  Dumating ang Disyembre, 2009 noon, at nagpasama ako sa kaibigang si Piya na tumingin sa Quiapo ng camera.  Binili ko ang Nikon D3000, ang pinakamurang model sa listahan ng Henry’s.

Ilang araw ang lumipas, habang nakatago pa sa secret hideout ang camera, nakisuyo ako sa kapatid ko, noon kasi’y parang nahihilig ako sa mga ganoong klaseng maliit na pagsubok.  May kaibigan kasi akong guest ko sa Christmas variety show na ako ang scriptwriter, at nakisuyo ako sa kapatid kong papasukin sa teatro ang kaibigan ko, wala pa kasi ang sa teatro.  Nagkataong tantrum mode siya noong araw na iyon, ayaw niyang salubungin ang kaibigan kong nasa labas pa ng teatro.  Hayun, paalam surprise gift, hello new toy for me.  Lampas isang taon na ang lumipas, paminsan-minsan ay umaawit pa rin ang kapatid ng kung anu-anong bagay.  Saka na ako magrereklamo tungkol doon, ang mahalaga’y natuwa ako sa pagkuha ng mga litrato–matagal na naman akong nahilig sa pagtago ng mga alaala–at iniisip kong unti-unti ko nang napapakinis ang aking mga kinukuhaan.  Sa totoo lang, nitong nakaraang taon ay parang nakikiagaw sa atensyon ko ang mga litrato, agaw-atensyon sa minamahal ko ring pagsusulat.  Sana ngayong taon ay mabalanse ko ito.

Narito ang mga unang kuha sa kamerang walang pangalan (kahit sinabihan na ako ng kaibigang si Piya na pangalanan ang gamit ko).  Wala pang masyadong editing.  Halos naka-full auto mode.  Sa mga susunod na araw, dito ko itatambak ang iba pang mga alaalang naikulong ng entry-level techie toy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.