Pag-ibig, Pag-ibig, Pag-ibig

(Repost mula sa blog entry, 22 Enero 2011)



I.

Nakitambay ako sa Teatro Hermogenes Ylagan nitong nakaraang Martes.  Kakatapos lang ng run-through ng isang dula, at sa routine company call ay pinasadahan ng direktor na si Dexter ang mga tala mula sa katatapos na run-through.  Laman ng listahan ang mga puna sa mga  bahagi ng dulang naging kapuri-puri o kaya’y kailangan ng dagdag na pagpapakinis.

May tatlong war scene ang dula.  Mahusay ang una, nakabibilib daw ang enerhiya.  Medyo nalusaw daw sa war two at war three.  Sabi ni Direk Dex, ang ilan sa mga artista’y parang ginagawa lang ang mga nakatakdang galaw at linya na parang ganoon lang—mga itinakdang galaw at linya.  Walang “swoosh,” parang going through the motions.   Nakapalibot ang mga nakaupong artista, ang iba’y nagpupunas ng pawis, o nagpapalit ng damit, o sumisilip sa cellphone, habang ipinapaalala sa kanila ang esensya ng eksena.  Gera ang kinapapalooban nila, isang mahabaang proseso ng digmaan.  Nagpapalit-palit ang mga ilaw at tunog sa entablado upang ipakita ang paglipas ng maraming taon ng dahas, ng pagkitil ng buhay.  Ano kaya ang pakiramdam na pumaloob sa panahon ng walang katapusang digma?  Anong enerhiya ang magpapanitili ng lakas, ng paniniwalang may papatda sa lahat ng dugong ibinubuhos, sa mga buhay na hinihiklat mula sa ating pisikal ba mundo?  Pina-internalize ng direktor ang ganitong proseso sa mga kasama niya sa dula, habang ihinahalo naman ang talinghaga ng buong produksyon.  Isang commercial event, parang mass produced na tsokolate raw.  Nakatungo ako’t pinipigilang mahiraya ang paglabas ng mga Oompah Loompah at ang pag-agos ng dagat-dagatang tsokolate ni Willy Wonka.  Tsokolateng matamis, nasa assembly line, masarap, magarbo, hindi mahalaga kung ano ang punto.  Ipinapabalik/ ipinapaalala ni Direk Dex ang orihinal na espiritu ng dula, na ito raw ay katulad ng paggawa ng pastillas.  Ang minatamis na ginawa sa sariling bahay, ginamitan ng pinagpiliang sangkap, hinalo’t pinagpawisan-pinagngawitan hanggang sa maabot ang angkop na lapot at lagkit, babalutin sa pabalat na may disenyong hindi masasabing hindi pinaghirapan o pinag-isipan.

Ang dula’y pinamagatang Orosman at Zafira.  Sa dula, titimbangin at ipaglalaban ng mga bidang sina Orosman at Zafira ang kanilang pag-ibig sa pagitan ng nagbabanggaang interes, ng gerang humahati’t bumibigkis sa tatlong tribo: Sa Hilaga, ang Marruecos; sa Gitna, ang Duquela; sa Katimugan, Tedenst.

II.

Ilang oras bago ang run-through, sa ikaapat na palapag ng College of Arts and Letters New Building, Timog Kanluran ng pinag-eensayuhang teatro, may mga kuwento rin ng digmaang  binubuno ng iba’t ibang mga tauhan.

Nakararamdam ako ng taas-babang pagkabalisa noong mga oras na iyon.  Una’y ang pagkabalisa mula sa natutunan kong pagkuha ng Master Number.  Ito ang numerong nagtatakda raw ng lifepath ng isang tao, at base ito sa mga numerong nakapalibot sa ating buhay, tulad ng numero sa araw ng kapanganakan.  Sa radio show namin sumulpot ang Master Number na ito, pagkatapos ng episode tungkol sa horoscope at iba pang anyo ng panghuhula.  Kinuwenta namin ang Mater Number para sa birth date kong 1-10-1982, at lumabas ang numerong “4.”  Noong sinabi ko kay Tita A—ang aming panauhing nakakabasa ng mga numero—ang aking Master Number, parang nalungkot siya at natigilan.  Masyado raw conservative ang Master Number na iyon, maraming kahon na kailangang alpasan para maging maligaya.  Conservative?  Hindi pa pala sapat na “BJ” ang nickname ko para makaalpas sa ganoong kahon.  Sana’y 5 na lang ang nakuha ko, ang life path number para raw sa mga malandi.  Minsan nakaka-depress din ang maakusahan na kulang ka sa landi, lalo’t tinatrabaho namang ma-achieve ito once in a while.

Pangalawang sanhi ng pagkabalisa ay ang inaabangang organisasyong hindi dumarating.  May kausap kasi akong youth org, magpapa-film showing sila dapat sa dalawang klase ko sa Malikhaing Pagsulat.  Hindi pala nagkalinawan kaming dalawang panig sa oras kaya imbes na 1:00 ng hapon ay 2:30 na sila dumating.  Dahil sa hindi ko na kayang ibalik ang nawalang panahon, tinanggap na lang naming pare-pareho ang di pagkakaintindihan at pinapanood sa naabutang klase ang dokumentaryong ihinanda nila para sa film showing.

Mendiola Massacre ang paksa ng dokumentaryo.  Ibinahagi ng org representative na si Sheryl ang background ng dokumentaryo.  1987 naganap ang massacre na ito, isang taon pagkatapos ng  People Power, isang taon mula sa pagluklok kay Cory Aquino bilang pangulo ng Pilipinas.  Sa loob ng maiksing dalawampung minuto, ipinakita sa dokumentaryo ang pagmartsa ng mga magsasaka papunta sa Mendiola, ang pagtatangka nilang ipaalala ang ipinangakong reporma ni Aquino sa lupa ng mga magsasaka.  Nakita’t narinig ng mga estudyanteng nanonood ang pagpapaulan ng bala, ang pagtilapon ng kamerang hinuhuli ang nagtatakbuhan-nagtutumbahang mga raliyista, ang pag-segue ng dokumentaryo sa eksena ng mga lamay.  Sa mga imahen ng kabaong, may boses na nagsasalita, ang mga magsasakang ito raw ay bayani.  Bayani, bagaman namatay.  Namatay, pero namatay para sa ipinaglalaban.  Hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolbahan ang kaso.  Ilang minuto na lang ang naghihintay habang sinusulat ko ito, ilang minuto na lang at sasapit na ang ikadalawampu’t apat na anibersaryo ng pagpaslang.

Pagkatapos ng dokumentaryo, nagsalita ang bisitang si Tatay Pido.  Si Tatay Pido ay isa sa mga magsasakang sumama sa demonstrasyon sa Mendiola noong 1987.  Bahagi siya ngayon ng grupong PAMALAKAYA, isang grupo ng mga progresibong mangingisda.  Biro niya, birong may halo ng pagkatotoo, kaya nga rin siya naging mangingisda’y sa pagkatagal-tagal ng panahon ay hindi pa rin nila nakukuha ang angkop na karapatang magbungkal at mag-ani ng makabuluhang benepisyo mula sa sariling lupa.  Naikuwento niyang nakaligtas siya mula sa pamamaril, nakaalpas siya sa panganib ng mga bala sa ulo, batok, sa mga binti, sa dibdib at sa sikmura.  2004 pa nangyari ito, at halos pitong na taon ang nakalipas, nakatungkod na’t mabagal lumakad, ang hinihiling lang sa amin ni Tatay Pido ay hayaan siyang maupo sa harap ng aming klase’t pakinggan siya sa loob ng ilang minuto.

Si Tita Amy naman, isa pang bisita noong araw na iyon, ay asawa ni Dario Tomada.  Isa si Dario sa mga unang ipinadakip sa ilalim ng administrasyon ni Noynoy Aquino.  Ikinuwento ni Tita Amy kung paano tinangkang barilin si Dario sa kanilang bahay sa Visayas noong 2006.   Tinapos ni tita Amy ang kuwento ng barilan sa pahayag na “Suwerte’t hindi nga siya tinamaan, ang tinamaan naman ay yung kapatid ko.”  Nagpunta sila sa Maynila upang makatakas sa banta sa kanilang buhay, pero naaresto din si Dario noong nakaraang Hulyo.  Ibinibintang sa kanya ang kaso ng mass graves na ayon sa kuwento ni Tita Amy ay lampas isang dekada na nangyari.  Pero dahil may sumulpot na witness, dahil may sumulpot na police order, nahuli ang kanyang asawa.

Sabi ni Tita Amy, sa gitna ng paminsan-minsang paghingi niya ng dispensa dahil sa hindi siya sanay magsalita sa Tagalog, ginagawa raw niya ito dahil naniniwala siyang walang kasalanan ang kanyang asawa, ipinaglalaban lamang niya ang karapatan ng mga kasama nilang magsasaka, na ito’y paraan para makita naming mga tagasiyudad na nagaganap ang ganitong abuso sa kanayunan, mahirap daw kasing maintindihan kapag hindi tagadoon.  Si Tatay Pido naman, nagtapos sa dalawang tanong: 1. “naiintindihan ba ninyo ang sinasabi ko?” at 2. “ngayon, ano ang pwede ninyong gawin tungkol dito?”

III.

Naging napapanahong tulong ang pagsulpot ng librong A Lover’s Discourse ni Roland Barthes sa buhay ko.  Nagsimula ito sa mga text na galing sa kaibigan kong si Caloy, matagal na ito, noong nasa Pilipinas pa siya.  Nitong nakaraang taon ay naisip kong bumili ng sariling kopya, baka kako maintindihan ko ang mga sitwasyong kinapapalooban ko, baka kako maunawaan ko kung bakit di dumarating ang “the one,” baka maunawaan ko kung bakit parang pakiramdam ko’y laging sablay ang mga banat at hirit ko pagdating sa usapin ng puso.  Isa ito sa mga libro na pag binabasa ko’y napapasabi ako ng “ay, parang ako talaga ang kinakausap nito a.”

Kay Barthes, ang pag-ibig ay nakapaloob sa mundo ng wika.  Walang iisang wikang makatutukoy dito, pero mababakas ito sa iba’t ibang “utterances” ng wika.  Walang iisang depinisyon ang pag-ibig, pero may mga kilos, eksena, pakiramdam, karanasan, iba’t ibang mga sistemang napoproseso ng ating utak na magsasabi sa ating “aba, oo nga, naranasan ko na rin ‘yan, parang pag-ibig nga yan.”  Laging kulang ang mga salita, laging lumulutang ang nakakaranas sa mga aproksimasyon, walang umpisa at wakas dahil wala naman daw kasing iisang kabuuan.  Walang higanteng love story, pero maraming love episodes.

Tulad ng mga eksena ng paghihintay.  Laging may nag-aabang, laging may inaabangan.  Isang kalaguyo mula sa kalabang tribo.  Isang asawang nakakulong na naghihintay ng pardon.  Lumang kasong naghihintay na mabuksan at malitis.  Isang dulang pinakikinis tulad ng pianakamahal na diyamante.  Panibagong Master Number.  Reporma sa Lupa.  Kalayaan. Kapayapaan.  Laging hindi pantay ang diskurso ng pag-ibig.  May mga gustong magpaliwanag, at habang may magtatakang umintindi ay may ibang walang pagnanasang makinig.  Paano’y iba ang kanilang bersyon ng pag-ibig, iba ang kanilang inaabangan.  Samantala, ang nagpapahayag ay nadaragdagan ng mga agam-agam.  Paano ipapaintindi sa iba ang grabedad ng sitwasyon?  May mali ba sa paraan ng pagpapahayag?  May mali ba sa pinaniniwalaan, sa katotohanang ipinaglalaban?  Laging may bigat sa kalooban ang taong naghahayag na siya’y nagmamahal.

At sa lahat ng agam, nagpapatuloy ang kanya-kanyang kabanata.  Noong isang araw, pinagtatalunan namin sa klase sa Panitikan at Sexualidad kung gaano kalayo ang libog sa pagmamahal (at pag sinabing “mahal kita,” ano kaya ang eksaktong ibig sabihin ng nagsasabi nito, na iba sa “nalilibugan ako sa iyo?”).  Isang araw bago ang klaseng iyon, nanggaling ako sa exhibit ng kaibigang si Ryan, kung saan hinulma niya ang mga higanteng papel sa disenyo ng iba’t ibang padron ng paggupit (gaano kalaki kaya ang pastillas na puwedeng magkasya doon?).  Kanina, tumakbo ako sa academic oval, unang disenteng jogging mode sa loob ng ilang araw.   Paano’y palaging busy, paano’y laging makulimlim ang langit, paano’y ilang araw na kasing pinapagawa ang ginasgasang sasakyan.  Kay raming excuses.  Pero anu’t anuman, tumakbo ako.  Nakatakbo ako, at ayun, ayun na nga, naabutan ng pagkalakas-lakas na ulan.    Nagsisisi man o kampante sa mga araw na nagdaan, di man sigurado kung ang mga paghahayag ko’y tumatakbo papunta sa kung saan o tumatakas mula sa dapat patunguhan (kasi, ano ba naman ang nagawa ng pag-jogging sa ulan sa reporma sa lupa, di ba?  Sa kapayapaan?  Sa paghahanap ng “the one?”), ayaw pang umalpas sa isip ko ng winiwika nitong gasgas na kasabihan: Pag gusto (pag ibig?) may paraan; pag ayaw, palaging may dahilan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.