Pagyao

Mayamaya lang ay dadalhin na namin ang tito ko sa kanyang huling hantungan.  Namatay siya nitong nakaraang Linggo, kumplikasyon ng diabetes at sakit sa puso’t bato.  Ilang araw bago siya inatake, kinailangan siyang putulan ng dalawang daliri sa kaliwang paa, at ng buong binti’t hita sa kanan.  Nabubulok na kasi ito, naimpeksyon mula sa ginupitang kukong nakasugat sa daliri sa paa.  Siya ay nakaabot sa limampu’t walong taon ng pamumuhay.

May mga pinagdaanan siya nitong nakaraang mga taon, mga bagay na mahirap sabihin, o hindi na angkop ikuwento sa ganitong espasyo.  Pwede ko sigurong ibahagi ang sentimiyento ng lola ko, ng kanyang nanay, noong umagang natanggap namin ang balitang wala na si Uncle.  Nagkasakit siya sa kanyang pisikal na katawan, kasabay ng mga sakit na panloob.  Ang pampalubag-loob ng mga kaanak sa kanya, kay Lola, kung anuman ay natapos na ang paghihirap ng tito ko.  Mabilis na inasikaso ang kanyang lamay, masuwerte’t noong dadalhin siya sa ospital para sa kanyang check-up–na magiging appointment pala sa kanyang leg amputation–ay nasabi niya nang pabiro kung saan siya dapat ilagak sa lamay at saan/paano dapat idispatsa sa huling hantungan.  Cremation ang kanyang ibinilin.

Halos lahat ng kamag-anak ay may dalang digicam, kahit ako.  Habang ako’y nahihiya/natatakot na kumuha ng mga litrato, ang iba’y dire-diretso lang sa dokumentasyon.  Sa unang gabi nga, ang assignment ko ay magdala ng art paper at ipa-print ang lahat ng best shots ni Uncle noong buhay pa siya.  Nag-text sa akin ang pinsan ko noong dumating na ang katawan sa punerarya.  Nagbus pa raw ang tito ko kaya siya natagalan ng dating, pero naroon na siya.  Halong pagkabilib at lungkot ang naramdaman ko sa muling pagpansing ipinanganak ako sa pamilyang idinadaan sa biro ang ilan sa mga mabigat na yugto ng pag-iral

Laging present ang aso ko sa lamay.  Ayaw kasing iwanan ng magulang ko sa bahay, baka maiyak daw.  Nakakatawa na mas marami pang araw ng dalaw ang aso ko kesa sa ilang kamag-anak.  Marami pang eksena ng kulitan, tulad ng pagtatawanan ng mga pinsan ko sa pamisang may mga biglaang pagpapabasa ng bibliya, walang praktis-praktis at may ibang dumiskarte pa ng pagtakas.  Pinagtawanan din namin kanina ang kuwento ng isa pang pinsan na bumeso-beso sa kakambal ng isa pang tita.  Mistaken identity, kaya raw pala natakot yung hinalikan niya kasi ibang tao pala ito.

Noong isang araw, bumuka ang bibig ni Uncle.  Kinailangang buksan ang kabaong at ayusin.  Habang inaayos, nakatingin ang tatlong pinsan ko, ang tatlong anak ng tito kong yumao.  Nagtanong ang isa kung pwede bang halikan ang bangkay, pumayag ang nag-aayos.  Humalik din ang anak ng pinsan ko, pati ang isa pang pinsan na kakauwi lang mula sa Saudi.  Noong pinapanood ko ang eksenang ito, naalala ko ang eksena sa ospital, noong kakatapos pa lang putulan ng paa si Uncle.  Hindi ako handa, sa amoy ng ospital, sa mga bilin ng doktor, sa mga kuwento ng tito ko habang pinapanood ang isang lumang pelikula sa cable TV.  Noong lumabas ang doktor para magbilin sa mga nagbabantay sa kanya, kinausap niya ako (kung bakit ba kasi nagpaiwan ako sa loob).  Sabi niya, masyadong madrama ang doktor, hindi na lang sabihin kung mamamatay na siya, sa labas pa sinasabi.  Pagkatapos, sinabi niyang naiihi siya, at ni-request niyang panoorin namin kung paano siya umihi sa bote.

Inaalala ko ang lahat ng iyon, ang magkahalong pakiramdam na nagdudulot ng pagkalito’t literal na hilo’t sakit ng dibdib.  At iniisip kong doble-doble pa ang ganitong pakiramdam para sa mga mas malapit niyang kadugo, na ang iba’y naroon pa rin sa punerarya hanggang ngayon, nag-aasikaso ng mga bisita, nagkukuwenta ng mga dapat bayaran, nagpaplano ng mga dapat gawin sa cremation, ng mga dapat na gawin pagkatapos ng lahat ng seremonyas, sumisingit ng biro paminsan-minsan, at nagdadalamhati.  Nagdadalamhati, walang duda roon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.