Kasali ka

Nahuhuli ko na naman ang sariling bumabalik sa mga routine.  Regular na schedule ng takbo sa oval.  Paulit-ulit na pakikipagkita sa pare-parehong set ng mga tao.  Nakakatuwa at interesanteng maobserbahan ito para sa isang gurong itinuturo ang halaga ng pag-alpas sa mga harang at kahon.  nakakatuwa at intersanteng mapansin din na hindi lang iisang beses ko nasabi o nasulat ito.

 

Habang tinatakbuhan ang mga sakit at pag-aalalang ako rin naman ang naghatid sa sarili, pinipilit kong maghanap ng mga bagay na mapaglalagyan ng aking enerhiya, enerhiyang paminsan-minsan ay inuupos ng mainit na panahon.  Tulad ng mga nakasanayang aktibidad, bumabalik ako sa aking pagtuturo, sa espasyo’t bokasyon na hanggang ngayon ay itinuturing ko pa rin bilang isang lugar ng kaligtasan at linaw, para sa akin higit pa siguro sa mga estudyanteng dapat ay ginagabayan ko.

Ngayong tag-init, hawak ko ang dalawang klase sa Panitikan at Kulturang Popular, at bilang bago, bilang dagdag na gimik, isinasali ko ang mga estudyante sa aming programa sa DZUP, ang opisyal na radio station ng UP Diliman.  Ginamit naming pangalan ang Pop U sa Kalampagan, isang segment sa programang Kalampagan sa Lunes na tatagal hanggang Mayo, at magtatalakay ng mga konseptong may kinalaman sa pag-intindi ng kulturang popular.  Isa itong pagtatangkang mas buhayin pa ang sariling siklab, isang pansariling tulak na maging mas masipag at masigasig.  Minsan kasi, sa sobrang pagmamadali kong bumalik sa mga komportableng espasyo, nasasakripisyo na ang positibong attitude sa trabaho.  Tinatamad, kahit pa may magandang intensyon.

Kaya heto, kasabay ng mga pagtakbo, pakikipagkuwentuhan, mga regular na pagku-krus ng landas, umeeksperimento pa rin kami.  Sana’y napapahalagahan nila.  Sana’y mapanindigan ko.  Ayokong maging casualty ng aking mga bagaheng tinatangkang ungusan sa oval itong mga munting pirasong nagpapanatili ng aking katinuan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.