Berting

“Berting” ang itinawag ng tatay ko sa kanya noong nagkita sila kanina.  Alinsunod sa pangalan ni Berting Labra, isa sa mga dakilang sidekick ni FPJ.  Kakakita lang nila kanina, pero parang gusto nang ariin ng tatay ko si Berting.  Malas lang at transient lang siya sa amin–kasama si Berting sa tatlong tutang ipinamigay ng kaibigan, ipinabigay sa akin para ibigay din sa ibang mga pamilyang naghahanap ng maaalagaan.  Iniwan ko si Berting dahil siya ang pinakahindi makulit noong inuwi ko sila sa bahay.

Malakas siyang kumain, at hindi mapili.  Malayung-malayo sa isa pang asong si Alejandro, na dahil sa naging spoiled sa amin ay nag-iinarte minsan.  Malaki daw ang paa ni Berting, sabi ng tito at saka ng tatay ko.  Magiging malaking aso siya pag nagkataon.  Magiging napakaloyal na alaga, kung masundan ang paglaki.  Kay raming posibilidad.  Pero bukas, ang tanging garantiya lang kay Berting ay ang kanyang pamamaalam, at ang paglipat sa bagong pugad na sana’y magiging mabait sa kanya.

Mahilig siyang kumain.  Mahilig din siyang matulog.  Kay suwerte mo, Berting, dahil hindi ka pa nilalayasan ng antok.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.