Ang imaginary real Starbucks tumbler

“Saan mo gustong kumain ngayon?”

“Ewan, sa malapit lang, ikaw?”

“Sige, ikaw, yung may kanin ang gusto mo, di ba?”

“Sige, sa may Kalayaan.  Ay, saka break na nga pala kami.”

Napatingin lang ako sa kanya, saka biniro na “ikaw naman, kung makapagbalita ka, walang ka-segue-segue.” At tinawanan na lang namin ang ihinagis niyang istorya sa akin.  Habang nagmamaneho, tinanong ko siya kung gusto niyang pag-usapan iyon, kung maayos ba ang hiwalayan, kung okey ba naman siya.  Okey daw, okey naman, okey lang siya.  Nasaktuhan namin ang paalis na sasakyan sa tapat ng Kowloon.  Doon lang kami sa baba, iba raw kasi ang presyo ng pagkain sa loob/taas.  Mas mahal.

Umorder kami ng white chicken rice.  Sabi niya, ex niya ang nagpakilala ng pagkain na iyon sa kanya.  Ibang ex, mas nauna kesa kay kaka-ex pa lang.  Nagkuwentuhan kami, kung bakit ayaw ko sa sauce na may luya, kung bakit  medyo naduduling/nababanlag ang mata niya kapag magkausap kami (na-conscious nga siya noong pinuna ko iyon), ang mga bagong i.d. picture niya na nakatago sa wallet, ang tumalon na graduation picture ng isa pang dating kasintahan–pareho kaming nagkunwaring hindi nakita ang pagtalon ng larawang iyon.  Natapos ang usapan at tanghalian nang wala pang trenta minutos.

Hindi muna namin isinara ang pinto ng kotse noong ini-start ko ito, para sumingaw ang init.  Mayamaya’y narinig ko siyang sumigaw sa tabi ko, “Uy, Starbucks!”  Dumukwang siya na parang may pinagmamasdan sa ilalim ng upuan ng kotse, may inaabot habang sumisigaw ng “uy may Starbucks!”  Akala ko’y nababaliw na siya dahil sa init, sa white chicken rice, sa breakup na sabi niya ay okey lang.  Tinanong ko siya kung ano ba ang hinahanap niya.

“May tumbler ng Starbucks sa ilalim ng upuan o!”  Sinilip ko rin at oo, may tumbler nga, na hindi ko alam kung saan o kanino nanggaling.  Napahagalpak ako ng tawa pagkatapos.  “Akala ko nababaliw ka na at nakakakita ng kung ano,” sabi ko sa kanya.  Paano’y wala naman akong kilalang posibleng makaiwan ng ganoong klaseng lalagyan, at sa ilalim pa ng kotse kong kabisado kung sino ang mga sumasakay.  Natawa ako, medyo sobra pa nga sa inaasahan sa ganoong sitwasyon.  Tumawa rin siya.

Napatahimik siya saglit, saka nagsabi ng “pero kung sakaling wala talagang tumbler at nai-imagine ko lang na nakikita ko siya, ,matatanggap mo ba ako?”

Napangiti lang ako at nagsabi ng “oo naman!” sa pinakamalakas na boses na kaya ko.

Pagkatapos ng lahat-lahat, oo naman.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.