Isang Umagang Naisip ko si Ramona Flowers

Hindi ka naghihilik pag natutulog, kaya hindi ako sigurado kung paano ka nagising.  Baka sa liwanag ng ala sais na pumapasok sa bintana, bintanang nagpapatuloy ng mga tunog ng tricycle sa daan, at amoy ng ginigisang bawang.  Siguro’y dahil sa mga daliri ng paa kong nakikipag-espadahan sa daliri ng paa mo.  Maaaring sa pagkurot ko sa tiyan mo’t pag-amoy sa ibabang bahagi ng iyong batok.  Sabi ko, aalis na ako mayamaya.  Sabi mo, babangon na tayo.  Kakain ng agahan.  Bigyan kamo kita ng limang minuto.  Idinampi ko ang noo ko  sa noo mo.

 

Nabilib ako sa bilis mong maghanda ng pagkain.  Kabisado mo na ang sistema ng mga mantika sa kawali, kamatis sa sangkalan, tinapay sa oven toaster.  Maingat kang naggadgad ng keso sa kakahiwa lang na pritong itlog.  Pinag-usapan natin kung gaano kakapal ang mukha ni Gloria Macapagal Arroyo at ng asawa niya.  Pinag-usapan natin kung gaano ka-convenient na nagkasakit si Gloria’t hindi pwedeng magsalita nang isang buwan habang iniimbestigahan ang kanyang asawang nagtataray naman sa media.  Pinag-usapan natin ang pag-uusap nitong nakaraang madaling-araw.  Usapang relasyon.  Usapang ex.  Natawa tayo sa kaabsurduhan ng pagkakataon, na ang dating karelasyon mo’y isang dating karelasyon din, magkaiba man ng antas at kondisyon.  Sabi mo, dalawang pahina tayo ng isang libro, at nagkataong siya ang tahi-pandikit na nasa gitna’t sa atin ay nagkakabit.  Pinagtawanan natin ang ating nakaraan, baka kamo isang araw, bigla tayong magkasundong lahat at magkayayaan ng threesome.  Napagkasunduan nating mas malungkot siya kesa masama, at anuman ang nangyari’t nangyayari’y may responsibidad tayo sa mga naging kinalabasan.

 

Nagmadali ako sa pagmamaneho pag-uwi, hinahabol ang maisasalbang oras para makapagpahinga’t makapaghanda sa nag-aabang na trabaho ng pasimula pa lang na araw.  Nilalabanan ko ang hagod ng antok sa bawat kanto’t sulok na nililikuan.  Napapatingin ako sa bawat stoplight na nampupuwersang huminto’t magbuntung-hininga, nangangamusta sa isip ang alok mong tsaa bago ako tuluyang umuwi, ang hindi mo pagtanggi nang humiling ako na halikan ka uli sa labi,  ang mahabang gabing nakahiga ka sa tiyan kong puno ng love handles, ang kamay nating magkahawak habang nagkukuwentuhan magdamag tungkol mga bagay-bagay gaya ng pagmamahal sa magulang, mga kakilalang nagte-text ng kung anu-ano kapag nalalasing, at ang takot na mamatay nang matanda’t mag-isa.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.