Alam Kong Hindi Mo Ito Babasahin

Dahil alam kong mas gamay mo ang mga imahen kesa salita.  Dahil batid kong may taglay kang sindak sa mga kuwentong aking kinakatha.  Dahil sa maraming dahilan, dahil paminsan-minsan ay nagiging ugat ito ng bagabag, pinipili mong paniwalaang ang aking mga kuwento ay ganoon lamang—mga kuwento, malayo sa katotohanan.  Dahil sa mga oras na tinatanong kita, bakit kaya nangyari ito, bakit pinutol na ninyo ang inyong mga ugnayan, mas madalas mong isasagot ang “ewan ko, hindi ko na matandaan.”  Dahil ayokong makalimot, at ayokong makalimutan, ipipinta kita sa paraang gamay na gamay ko.  Mga larawang-salita, ang aking katotohanan, mga alaalang gusto kong lagi’t laging matandaan:

1. Sa backstage ng isang teatro, nakaupo tayo sa mga de-gulong na hagdan.  Hinihintay natin ang pagsimula ng aming Christmas program.  Matagal-tagal na rin tayong hindi nagkikita, gusto kitang kamustahin.  Natatandaan ko ang suot mong checkered na polo, natatandaan ko na kinuha mo ang kanang kamay ko, natatandaan ko na idinampi mo ito sa kaliwang bahagi ng iyong leeg.  Lymph nodes, sabi mo, tingin mo’y may diperensya ka dito.  Tinawag na kami ng stage manager, pinababa na kita sa audience area.  Magsisimula na ang palabas.

2. Sa loob ng opisina, nagkukumpuni ako ng sirang computer.  Bago ka pumunta para ipaayos ito, sinabi ko sa text—“bukod sa may-ari, ano pa ba ang may sira?” na sinagot mo naman ng “matagal ko nang alam iyon.”  Habang umaandar ang progress bar sa laptop na dala mo—bigay kamo ng isang tita, nasabi mo noong hinanap ko ang mas luma mong computer—nakatungo ka’t dinidikdik ang mga kalaban sa Marvel vs. Capcom doon sa aking bagong-biling PSP.  Suot mo ang t-shirt na bigay ng isa nating kaibigan, galing Thailand na kamiseta, maliit, halos hapit sa katawan mong hindi naman din katabaan.  Matagal ka nang payat, pero tingin ko’y mas lalo kang pumayat sa pagkakataong iyon.  Pumipikit-pikit ang mga mata mo habang nagkukumustahan tayo, mukhang pagod.  Iminungkahi kong umuwi ka na lang muna’t matulog habang inaayos ko ang naglolokong piraso ng teknolohiya, pagkatapos mong ibato ang himutok na bakit may mga taong pinalalaki ang pagkaliit-liit na mga problema.

3. Sa academic oval ng UP, katatapos lang ng ulan.  Binubuno namin ng kaibigang guro ang pagpapaka-fit at juma-jogging pagkatapos ng nakakabanas na summer class (mabuti’t may pahingang ulan bago tumakbo), at sa punto ng pagliko sa paakyat na bahagi ng kalsada, natanaw kitang naglalakad kasabay ng isa ring kaibigan.  Suot mo ang kulay abong sweater.  Napangisi ka noong nag-abot tayo ng tanaw, ibinuka mo ang mga braso mo noong halos magkakabangga na tayo.  Hindi ako sigurado kung mapaglarong panghaharang o panawagan sa pagyakap ang nais mong itawid.  Pero naniwala akong may gusto kang sabihin, may nais itawid pero hindi maaari, hindi posible sa mga oras na iyon.

4. Sa labas ng bintana ng iyong apartment, nakita kitang nagitla noong tinapik ko ang de-screen na durungawan.  Inakala mong hindi na ako makakadaan para iabot ang pasalubong na galing sa ibang bansa, katas ng promo sa Cebu Pacific na matagal-tagal din naming pinaghandaan sa opisina.  Binuksan mo ang pinto, pinatuloy ako, iniabot ko ang plastik na may lamang instant pancit canton (dahil wala talagang ganoon sa Pilipinas), tsaa, biskuwit, marami pang tsaa.  Mabilis mong inilapag ito sa mesa’t mabilis ka ring bumalik palapit sa akin.  Tumitingkayad ka pag niyayakap ako, at tumitirik nang bahagya ang mga mata kapag nanghahalik.  Madaya, dahil ibig sabihin ay madalas akong dumidilat para silipin ang itsura ng iyong mukha, pero hindi ko mapigilan.  Tatlong araw ka na kamong hindi naliligo, sabi mo, abala sa tinatrabaho.  Ayos lang, sabi ko.  Niyakap kita at hinalikan na gaya ng tukso mo noong una kitang tinangkang yakapin at halikan—parang wala nang bukas.

5. Sa kama, nakahilata ako’t binawi na ng pagsilip ng liwanag ang anumang pag-asa na makaidlip.  Halos inumaga tayo sa pagtatangkang ayusin ang isang pagtatalo, pinakaunang opisyal na pagtatalo natin.  Pagkatapos ng paglalatag ng mga salita, ng kaunting iyakan, ng maraming Mc Donald’s French fries at nuggets at cheeseburger, pagkatapos ng malaakyat-bahay nating pagsampa sa nakakandado nang gate ng apartment complex, naroon tayo sa iyong kama’t nakahiga, sa kamang bagong bili sa malapit na Japan Surplus store, kamang binalutan ng mga punda at bedsheet na kulay asul, isang dagat sa madilim na gabi, dagat ng langit, langit na may mga polka dot na bituin.  Idinantay mo ang kaliwa mong hita sa akin, isinukbit ang kaliwang braso habang isiniksik ang ulo sa aking kaliwang balikat.  Hinanap ng kamay ko ang kamay mo mula sa brasong nakasukbit sa akin, habang unti-unti kong narinig ang paglalim ng iyong paghinga.  Sa kamang kulay asul, kulay dagat-langit na may mga polka dot na bituin, pinanood ko ang puting kisame, madalas na tumutungo para silipin ang mukha mong halos sumisiksik na sa bahagi ng aking kaliwang kilikili.  Parang Aerosmith song, naisip ko, ako na nanonood sa iyong paghimbing, naghihiraya ng posibleng lugar na pinapasyalan mo sa mga oras na iyon—isang mundong punung-puno ng happiness, isang mundong maraming Mer-Nel’s at mga taong kamukha ni KC Concepcion at Enchong Dee na kumakain ng mga pagkaing niluluto ni Jamie Oliver.  Pinagmasdan kita at nangako akong anuman ang mangyari, hindi ko kakalimutan ang sandaling iyon, tayong magkatabi, ikaw na nakadantay sa akin, mahimbing na nananaginip.  Nangako ako sa sariling pipilitin kitang tandaan at ipinta sa ganoong klaseng imahen.

Isang larawan ng walang kapantay na rikit.

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.