Lost Boys, Imagined Trips

Naaalala ko ang kaibigang si Om sa mga ganitong oras.  Itong mga oras na naghahabol ako ng mga deadline at bumubuntung-hininga ng “pag natapos ko ang lahat ng ito, pupunta ako sa _____________________________.”  At syempre, gaya ng madalas na nangyayari sa akin, kung anuman ang ilalagay sa patlang na iyon ay hindi masyadong mangyayari.  Naaalala ko si Om kasi siya ang mahilig magplano ng mga byahe, mahilig magyaya sa mga lakad, at halos palaging buntung-hininga lang ang naisasagot ko, paano’y patapos na ang isang siklo ng trabaho’t makakahanap ako palagi ng dahilan para ipagpaliban ang mga plano.

Pag mga ganitong oras, masarap mag-isip ng mga planong puntahan, mga planong kainin at inumin.  sa beach, lalanguy-langoy.  Iinom ng sago’t gulaman.  Ngangasab ng inihaw na liempo at ginataang sugpo.  Manonood sa paglubog ng araw/ mag-aabang sa pagsulpot nito.  Marami sa mga hinihirayang plano’y nananatili sa hiraya.  Baka kulang lang talaga ako sa pamimilit sa sarili.

 

At nagkakataong ang mga pinakamasaya pang lakad–ang mga natutuloy na lakad–ay iyong mga lakad na madalas hindi pinagpaplanuhan.  Naaalala ko ang mga kaibigang manunulat na nakasama sa Baler para sa isang workshop.  At sa ngayon, sa mga oras na nag-aalog ng pagod at puyat, ang tanging naaalala ko ay ang pagpasyal naming magkakaibigan sa may dagat.  Naaalala ko sila’t napapangiti ako.  Lampas isang taon na rin pala ang pasyal time na ito.

Marami sa mga kaibigang nakasama sa Baler ay nagsiusad na sa kung saan-saang direksyon–may naging guro, may nagwagi sa kumpetisyon, may mga nagtuloy sa mga adbokasiyang kahit ako’y kinakabahang isulong nang todo-todo.  Tumitingin ako sa mga lumang larawan, mga alaala/paalala.  Ganito kami noon, ganito na ngayon.  Bukas, ano naman kaya?  Sabay-sabay na kaba, tuwa, lungkot, at pananabik ang nararamdaman ko sa mga litratong sinasadya o aksidental kong mahuhuli sa gunita.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.