Well-wishers

Well-wishers

Dumalaw ako sa kaibigang nasa ospital.  Hindi ko alam na naka-confine pala siya hanggang sa nakatanggap ako ng text kahapon.  Nang-asar pa ako, sinabi ko pa na kaya ba siya nagte-text ay para bayaran niya ang utang niya sa aking 1500 pesos.  E ayun, hindi nga raw, nasa ospital lang siya at nababagot.  Sabi niya’y dalawin naman namin siya.  Sabi ko, sige, dadaan ako minsan.

***

Naalala ko na sa susunod na buwan ang first death anniversary ng tito ko.  Siya ang panganay na lalake sa anim na magkakapatid, at noong Abril ng nakaraang taon ay pinahimlay siya ng kanyang diabetes at iba pang kumplikasyon.  Naalala ko ang una at huling beses na nakadalaw ako sa kanya, sa may National Kidney Institute.  Nagpapahinga siya mula sa pagkakaputol ng isang binti (malalason ang katawan niya kapag hindi isinagawa ang amputation), at nahihiya akong humarap sa kanya dahil hindi namin nadiskartehan ang pinapahanap niyang puto mula sa Razon’s.  saktong pagdating ko ay kinailangang kausapin ng doktor ang ibang  kamag-anak.  Naiwan kami ni Uncle sa kuwarto.

Habang kami lang dalawa ang nasa kuwarto, nagreklamo siya.  Sabi niya, bakit ba lumalabas pa ang mga doktor kapag may sasabihin, bakit pa parang sinisikreto, e halata namang malubha na siya.  Kung mamamatay na siya, bakit hindi na lang sabihin nang deretsahan.  Tingin ko’y isa iyon sa mga pinakahindi komportableng usapan na napasukan ko.

***

Naalala ko ang aking sariling pagpapa-check up ilang linggo na ang nakaraan, halos nasa kalagitnaan ng Pebrero.  Nagkataong may trabaho ang lahat ng kamag-anak, kaya walang ibang alternatibo kundi pumunta nang mag-isa para magpatingin.  Habang palipat-lipat sa iba’t ibang kuwarto, habang naghihintay sa resulta ng iba’t ibang lab test, naalala ko ang kuwento ng isang kaibigan noong napagkuwentuhan namin ang kanyang sariling karanasan sa pagkakaospital.  Tinamaan siya ng dengue, na biro ng mga kabarkada namin ay dahil sa umihi siya sa may bundok at hinalikan ng diwata ang dulo ng kanyang ari.  Naalala kong hindi ako nakadalaw sa kanya, naalala ko noong pinagkukuwentuhan na lang namin ang karanasan niya, nang tapos na ang lahat, noong isinasalaysay niyang hindi sinasabi sa kanya ng nanay niyang muntik na pala siyang mayari ng sakit na tumama sa kanya.  Sabi ko, pasensya, sabi kasi ng mga kabarkada namin ay ayaw niyang magpadalaw, na ayaw niyang makita siyang may sakit.  Sabi niya, siyempre biro lang iyon, wala naman daw taong may sakit na hindi gustong makamusta’t dalawin.

***

Nagulat ang magulang ng kaibigan ko noong sumulpot ako agad sa ospital.  Parang hindi sila makapaniwalang may dadalaw sa kanilang anak.  Saglit lang ang pagpapakilala, maya-maya’y umalis na muna ang mga magulang, maiwan daw muna kaming dalawa sa kuwarto.

Bukod sa maraming supot at pakete ng pagkain, mga bote ng mineral water, pinagbiruan namin ang ganda ng view mula sa kanyang hospital room, sakto sa cityscape ng Ortigas.  Parang New York lang, lalo pag may tabing pa ng blinds at ang silhouette lang ng mga gusali ang kita.  Pag iniangat ang blinds, huling-huli kahit nasa malayo ang malaking billboard ni David Archuleta, isinisigaw ang kanyang teleserye tagline: NANDITO AKO.

Pinalipas namin ang oras sa paglalaro ng Monopoly: Transformers.  Mas masaya daw laruin iyon kapag mas marami, pero ayos na rin kahit dalawa lang muna.

***

Pagkatapos ng bisita sa ospital, sinundo naman ako ng isa pang kaibigan para makivideoke kasama ng kanyang pamilya.  Halos lahat kasi ng kamag-anak niya’y sa ibang bansa na nakabase, at masuwerte’t nagkaroon sila ng pera’t oras para umuwi sa Pinas.  Pamilya na rin ang turing ko sa pamilya ng aking kaibigan, at ganoon naman din sila, kaya masaya para sa akin na sa gitna ng pagiging gipit ng kanilang paglagi dito ay pinili nilang ipagdiwang ang kanilang famly time na kasama ako.  Lumipas ang magdamag sa libreng chicken wings at pizza, sa kanta ng Beatles, Coldplay, Oasis, Sharon Cuneta, Whitney Houston.  Kinanta ko para sa aking pamilya ang sobrang nakakalalakeng How Will I Know.

Habang namimili/ naghahanap ng mga kanta, binati namin na maraming kulang sa songlist ng videokehan.  Naisip ko, halos automatic talagang ganoon ang una naming hinahagilap, kung ano ang nawawala.  Hindi tuloy kaagad naeenjoy kung ano ang naroon.  E ano naman kung Toyang lang ang kanta ng E-heads sa videokehang iyon?  May libreng pagkain naman, maraming pichur-pichur time, walang katapusang tawanan kasama ang aking extended na pamilya.

***

Naalala ko ang sabi sa isang serye, serye tungkol sa pamilya’t pagpapamilya.  Singkuwenta porsyento raw ng paglutas sa kahit anong problema ay ang aktuwal na pagsulpot, ang pagdating.  Laging may puwang para sa mga inaabangan, pero hindi naman siguro masamang pasalamatan silang naglaan/ naglalaan ng oras para isama ka sa kanilang mga plano, sa kanilang araw.