Two Less Lonely People (V's Infinite Playlist, 100th Post)

Two Less Lonely People (V’s Infinite Playlist, 100th Post)

Para sa magulang na umuuwi tuwing Sabado’t lumuluwas tuwing Linggo.  Para sa kanilang isinasantabi ang lahat.  Para sa kanilang pag kasama ay dapat munang isuspinde ang lahat pansamantala.  Para sa tatlumpu’t apat na taon.  Para sa tarpaulin ng ikatatlumpu’t isang taon na ginawang pantabing sa araw, doon sa may terrace.  Para sa kani-kanilang sariling mga kalungkutan.  Para sa kanilang hindi pag-alis.

 

Para sa alagang napagkakamalang susong may gatas ang bayag at titi.  Para sa mga tutang askal na tagasalo ng malas at sakit.  Para sa asong may lahing nandidiri sa asong pangmahirap.  Para sa tutang mapilit, ginagawa ang ibig.

 

Para sa libreng buffet meal.  Para sa lahat ng mahal sa buhay na nadevirginize sa smokeless grill experience.  Para sa watermelon popsicle na nawawala.  Para sa dating estudyanteng dating artistang nakasalubong sa tapat ng lagayan ng talaba (na nawawala rin).  Para sa pagkainis sa paghahanap ng wala.

 

Para sa kaibigang walang Internet pero maraming pera.  Para sa mga bagay na naiisip namin tungkol sa keso sa talaba at mga bagay na mataba.  Para sa mga taong kamukha niya’t mga hiling na maka-fling.  Para sa slogan ng Timezone: Time for Fun.  Para sa gasgas na linyang “let’s be lonely together.”  Para sa pagkaing libre at mga kuwento.  Para sa kanya-kanya naming alaala para sa bawat kantang binibirit sa videoke.  Para sa pagtatapos ng pagsasama.  Para sa mga lugar na kaya ko siyang ihatid pero hindi ko kayang samahan nang tuluyan, pagkat may mga lakad na hindi kaya ng gulugod at hiya nitong trenta anyos na kuwentista.  Para sa lahat ng sumasagi sa utak kapag binabanggit/ iniisip ang salitang “kaibigan.”