"Ano ang makikita sa Sunken pag nagpaumaga ka?"

“Ano ang makikita sa Sunken pag nagpaumaga ka?”

Well, hindi naman ako nagpaumaga, pero may panahon na ginagabi/inuumaga ako sa Sunken at sa kung saan mang sulok ng UP dahil sa iba’t ibang mahahabang kuwentuhan–kuwentuhan at iba pang drama (hindi ko kayang magsabi ng “sex: o “kalaswaan” kasi hindi ganoon ka-exciting ang buhay undergrad ko, talagang mas tambay lang).  Mailap na ang mga ganoong klase ng pagkikita, pero naniniwala akong may mahika sa lahat ng pinaglamayan naming mga istorya.  Ang pamagat ng post na ito, isa itong linyang ginamit ko sa isang libro ko, para maibahagi sa mga tagabasa ang kuryosidad sa iniaalay na misteryo ng Sunken at ng iba pang panig ng Unibersidad na mahal ko, na mahal din ng marami–kahit mahal na ang bayad.

Simpleng pagbabahagi lang ito ng kung paano ko nakikita ang aking eskuwela, ang espasyong itinuturing ko ring tahanan.  Ganoon naman ang prinsipyo ng site na ito–anuman ang larawang ibahagi, anuman ang reklamong ihinahayag, palaging may garantiya na ang mga hinuhuli’t isinasaboy na imahen at alaala, lagi’t lagi silang ilalarawang may kaakibat na ganda.

At dahil mas maganda ang high res na photos, pwedeng tingnan ito sa http://www.flickr.com//photos/vgonzales/sets/72157629739186983/show/