Calle Luz/ Calle Real

Mula sa lumang Multiply Blog, mga piyesang base sa Dead Stars at Sepang Loca:

 

Calle Luz

 

Tubig ang nagluluwal sa larong ito.  Dito sa kanilang bersyon ng patintero, hindi tisa o nabasag na paso ang pinangguguhit ng linya, kundi tubig.  Tubig, na pinapadausdos nang paunti-unti mula sa kinuhang panalok–galon ng pintura o lata ng pinulbos na gatas, mga sisidlang sinaid na ang mga dating lamang-loob.  Tubig na ipangtatakda ng loob at labas, ng kung sino ang mga taya at kung sino ang mga dapat habulin.  Sa kalyeng ito, hindi ginagawa ang paligsahan sa katirikan ng araw kundi sa pinakamalalim na gabi, sa liwanag ng buwan na palaging nakikipaglaro sa hilera ng mga punong inuugat ang madadahong galamay.

 

Ito’y isang larong ginagawa sa kalsadang walang kasiguraduhan.  Walang numero o letra para sa bawat bahay, walang singularidad sa dami at hubog ng mga bakal, kahoy, semento.  Walang kahit na anong bakas ng pagiging tiyak. Maliban sa kanila, silang mga naglalaro sa tubigan, ang mga punong sumasalo sa luha ng langit tuwing Mayo at nagpapaulan naman ng higad o tuyot na dahon pag Marso’t Abril, at isang aninong masisilip mula sa bintana ng bahay na walang partikularidad.  Anino ba ng taong nananabik, o ng isang napapagal na sa pag-aabang?  Hindi pahihintulutan ng kalyeng ito ang anumang pagpapaliwanag.

 

Sa umaga, uurong-sulong ang napakaraming pares ng mga paa, paparoo’t paparito ang napakaraming gulong ng bisikleta’t iba pang sasakyan.  At palagi, palaging walang makaaaninag sa mga guhit ng larong nagdaan.  Bagyo man ang humagupit, o ang init ng tagbanas, ang kalyeng ito’y mananatiling tahimik, makulimlim.

 

Calle Real

 

Tubig ang nagluluwal sa larong ito.  Ito ang laro ng paglimot.

 

Hinahalo ang tubig sa bato, buhangin, semento, ilalatag sa daanang minsa’y namimintog sa mapulang lupang nagpuputik kapag umuulan.  Ang ulan, isinusumpa nila ang ulan.  Pinipigil ng ulan ang pagtataguyod ng pag-usad–ang mga munisipyo, simbahan, pagamutan, mga lugar-pasyalan.  Inaagnas ng ulan ang kinis ng bagong-palitadang rebulto ng mga pinuno.  Hinuhubad nito ang bihis ng pinturang nagkukubli sa bawat gaspang, biyak, at butas ng mga sanggol na pader, bubong, kalsada.  Kasumpa-sumpa ang ulan, at sa mga panahong ganito’t mailap ang init at seguridad ng araw, wala silang magagawa kundi ang magngitngit, dumayo sa pinakamalapit na lugar-inuman.  Dito nila ipagpapatuloy ang pagbibigay ng mga sumpa sa panahon.

 

Sa ritwal ng inuman magpapatuloy ang tagisan ng init at lamig.  Init ng ulo nilang naantala ang trabaho, lamig ng tubig-ulan sa nadampiang katawan, kuryente ng dugo sa patpating kamay ng serbidor, pawis sa bote ng serbesang iaabot sa pinagsisilbihan.  Wala silang ibang pag-uusapan kundi ang bukas at ngayon.  Ang ngayon na nilulunod sa dumi at kati ng tubig-baha, ang bukas na nangangako ng panibagong simula, ng panibagong mainit, nagliliyab, makasunog-balat na sikat ng araw.  Palagi, palagi nilang pipiliting iwaksi ang kani-kanilang alaala ng kabataan, ang kanilang mga araw sa taniman ng palay o sa may palaisdaan, ang paghigop ng mainit na sabaw bilang katumbas ng ganap na kaligayahan, ang imahen ng anak na nakangudngod sa dibdib ng nanay, anak na sinasalinan ng naglalawang gatas.  Hindi, hindi nila pahihintulutang maalala ang lahat ng ito.  Sa tulong ng kanilang ngitngit at ng alkohol, pipilitin nilang lunurin ang mga bakas ng lahat ng tinatawag nilang “noon.”

 

Ang noon.  Sa dulo ng kalyeng ito’y may isang balon.  Sa kanyang kaibuturan, may isang nilunod na sanggol.  Sanggol ng isang baliw.  Baliw na ginahasa.  Baliw na ginahasa’t nagluwal ng sanggol.  Noon, noong putik at hindi semento ang dominante sa yapak, nabingwit ng taumbayan ang sanggol na minalas.  Pinagmasdan nila ang katawang walang-buhay, tulad ng baliw na nakahandusay sa isang malapit na damuhan.  Ito ang kanilang noon.  Isang balong hindi matanaw ang kaibuturan, isang baliw na bangkay na’t nakahandusay, isang hindi-humihingang sanggol sa isang bayang dahop sa pagbibigay-buhay.

 

Sa dibdib ng sanggol, nakabukol ang malaking nunal.  Isang namimintog na patak ng luha, buntis sa kahulugan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.