Butterfly Effect

Naudlot ang plano kong paliligo dahil nakita ko siya sa ibabaw ng kama, doon sa kuwarto nina Mama at Papa.  Pag wala kasi akong kasama sa bahay, o pag gusto ko lang maging mas mahimbing, doon ako natutulog sa kuwarto nina Mama at Papa, pag wala sila dito sa Novaliches at naroon sila sa Laguna.  Doon ko siya nakita–ang paruparong itim na hindi ko na nabigyan ng pangalan–nakatupi ang pakpak, parang tent na nakatayo sa blue na bedsheet, hindi gumagalaw.  Patay na siya.

Una siyang nagpakita noong nakaraang Miyerkules, noong paligo na rin ako’t naghahanda para sa pagpasok sa UP.  Naroon siya, ang itim na insektong hindi mapakali sa ilalim ng lilang kurtina.  Maganda ang tama ng liwanag ng alas diyes sa katawan niya, at saktong ang mga puting bahagi ng kanyang pakpak ay may bahid ng lilang kakulay ng kurtinang kumukulong sa kanya.  Magandang piktyuran, naisip ko, at kinuha agad ang kamera para hulihin ang paruparo, na natataranta’t hindi alam kung saan kakapit o lilipad.  Habang kinukunan, naisip ko, baka natatakot lang si kuya/ate (hindi ko alam kung ano ang sex niya), kaya naisip kong pagkatapos ng ilang pitik, pakawalan ko na.  Ang problema, natatakot siya sa higanteng nagwawasiwas ng mga kurtina, kaya di niya alam kung aalpas ba o mananatili.  Siguro dahil sa pagod, pinili niyang kumapit na lang.  Parang sumuko na nga lang siya pagtagal, hindi na pumagaspas, hindi na sumirko-sirko sa hangin.  Huminto na lang, sa isang bahagi ng screen, parang sinasabi sa aking “tangina mo, bahala ka na kung ano ang gusto mo, wala akong pakialam.”  Pumasok ako sa eskuwela, pero bago umalis ay itinaas ko ang mga kurtina at hinayaang bukas ang kuwarto nina Mama at Papa.

Pag-uwi ko kinagabihan, naroon pa rin siya.

Medyo kinabahan ako, kasi sa mga kuwento dati, pag may paruparong itim na ayaw umalis, pananda siya na may namatay na mahal sa buhay na nasa tabi lang; kung hindi iyon, may mahal sa buhay na sinusundo, papunta sa kabilang buhay.  Anuman ang kaba, nangibabaw ang pagod, tinulugan ko na lang siya’t inisip na pakawalan na lang kinaumagahan.  Kinaumagahan, siya pa ang nanggising sa akin, bumababa hanggang sa bahagi ng tuhod ko, hahampasin ako ng pakpak niya, aakyat uli sa screen.  Naniniwala na akong may gusto siyang sabihin.  Babala kaya?  O maghanda para sa isang nalalapit na pagkapahamak.  Anuman ang babala, pumanig na lang ako sa paniniwalang ako ang nagma-may-ari ng kapalaran ko, umalis at inunahan ang 7am coding, ginawa ang mga nakaplanong gawin noong araw na iyon–magpautang sa kaibigan, manood ng forum, magmeryenda at makipagkuwentuhan kasama ang isa pang kaibigan, dumiretso sa meeting para sa isang ihinahandang staged production.  Hindi ko siya naisip sa byahe pauwi, mas naisip ko ang mga planong naisagawa, ang mga wala sa planong naisagawa, ang mga hindi pa nakaplanong bukas na wala akong kontrol.  Naroon pa rin siya sa bintana, nagtatago sa ilalim ng kurtina, halos hindi na makita sa dilim.  Dahil hindi naman siya masyadong kumikino, inisip kong hindi siya totoo at isa siyang panaginip, hindi ko alam kung masama o mabuti.

Nawala siya sa isip ko kaninang umaga, ginawa ko ang mga dapat gawin, nakapagtrabaho at nakakain at nakapagkuwentuhan at lahat, hindi muna umakyat at nanood ng tv sa baba.  Kinamusta ng nanay ko kung nasa taas pa siya–natext ko pala kasi ang nanay ko tungkol sa paruparong itim na ayaw umalis–sabi ko hindi ko pa siya natitingnan at nasa baba pa ako.  Nakakatakot daw siya, sabi ng nanay ko, sabi ni Mama, ano raw kaya ang ibig sabihin nun.  May sinagot ako na nakalimutan ko pero sinagot ako ng nanay ko sa text ng “baliw ka talaga.”  Habang nanonood ng Chef at Home, may nagtext sa akin na nakuha ako sa dulang pinag-audition-an ko.  Sa sobrang tuwa ko ay nakalimutan ko muli siya.  Hanggang sa umakyat ako, nakita ko siya, doon sa ibabaw ng kama.  Hindi gumagalaw, patay, patay na siya.  Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin, hindi ko alam kung kasalanan ko ba na pinabayaan ko siya o kasalanan niya ang pagpiling manatili kahit bukas naman ang pinto’t maaari siyang umalis kahit anong oras.  Baka masyadong mataas ang ekspektasyon ko sa kanya, baka masyadong mataas ang pag-asa niya sa akin–na makukuha ko ang nais niyang ihayag bago siya pumanaw.  Ano’t ano man, napakaelegante niya, parang isang larawan.  Litratong buhay.  Dinampot ko siya gamit ang postcard na regalo ng isang kaibigan, dahan-dahan siyang sinapo mula sa ilalim.  Inilayo ko siya at ipinatong sa may malapit sa grills sa terrace, pero natakot ako sa mga langgam na nasa gilid, baka kainin siya at walang matira, kaya inilipat ko siya at ipinatong na lang sa lumang sewing machine ni Mama.  Si Mama, sabi niya, magka-canteen daw uli siya sa Laguna, kailangan ng kapital, sana matulungan ko siya.  Si Papa, hindi sumasagot, ilang araw na siyang di sumasagot sa text, pero sabi ni Mama ay masakit pa rin ang paa niya, hindi uli nakapasok dahil sa sakit.  Kinuha ko ang kamera, gusto kong kunan ang paruparo sa oras ng kanyang pagpanaw.  Sa larawan, para siyang isang bisitang nakatingin, may masamang titig.  Sa isip ko, pinagsasabihan niya ako ng “alam ko ang mga plano mo, hindi mo ako pwedeng lansiin.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.