Mula sa Librong Matagal pa ang Labas

Dahil may mga kuwentong alam na natin kung paano tatapusin, alam na rin ang simula.  Bibitinin ko na lang kayo sa gitna.

Eto po ang ending ng libro kong “Ikaw ang UP-UP-DOWN-DOWN-LEFT-RIGHT-LEFT-RIGHT-B-A-B-A-SELECT-START ng Puso Ko”

 

***

GAME OVER

Paano nga ba Tatapusin?

 

 

Alam ko ang iniisip mo.  Nasa dulo ka na ng libro, halos patapos na ang lahat pero malabo pa rin, hindi mo pa rin alam ang mga sagot sa mga tanong na kumakabog-kabog sa loob ng dibdib mo.  Ang mga tao at kuwentong hiyaw nang hiyaw sa loob ng isip, hindi ka tuloy mabisita ng mga magandang panaginip.  Ang mga pangarap na binulong, kinulong sa palad, hinahanap-hanap kung paano magiging realidad, pero laging napakalayo.  Alam ko ang pakiramdam, ang pakiramdam na sige na, sabihin mo na please, gusto ko nang matapos ang lahat.  Sabihin mo na ang sagot na magliligtas sa akin sa lahat ng lungkot o pagkalito o sakit.

 

Sige, susubukan ko, eto na ang ultimate pasabog, ang big reveal.  Idadaan ko sa tatlong kuwento:

 

1.

Noong bata pa ako, nasa elementary pa lang din yata, nahilig akong manood ng cartoons, gaya ng ibang bata.  Isa sa mga naaabutan ay ang palabas na Garfield and Friends.  Sa isang episode, ituturo sa pusang si Garfield ang tunay na kahulugan ng buhay.  Binigyan si Garfield ng isang mapa, dumaan siya sa napakaraming patibong at pagsubok.  Sa bandang huli, may nakita siyang isang treasure chest, nahanap na niya ang sikreto.  Noong binuksan niya, naglabasan ang mga kaibigan niya.  Ito raw ang sikreto, ito ang kahulugan ng tunay na buhay.

 

Katulad ni Garfield noong mga oras na iyon, napaisip din ako at nainis.  “Iyon lang?  Iyon lang ang kahulugan ng buhay?”

 

 

2.

Sa buhay natin, may mga dadaang mga taong magkakaroon ng malaking bakas sa atin, para sa napakaraming dahilan.  Sila ay mga tipo ng taong hindi mo pa nakikilala nang lubusan pero may kakaibang dating.  Makakabisado mo ang mga maliit na kilos at katangian nila, mula sa pagkuskos ng mga paa kapag natutulog, o kung ilan ang bulok na ngipin na nakikita kapag humahalakhak siya, lahat ay mga gawi at katangiang natatanggap mo bilang masayang kabuuan, kahit marami pang kulang sa kuwento, kahit hindi mo pa sila lubos na kilala.  Gusto mo silang kilalanin pa, paglaanan ng panahon at pagmamahal.  Kahit hindi mo pa maipaliwanag, alam mong sila ang sagot sa marami mong tanong at hinaing.  Dumating ang taong ito sa buhay ko, dalawang taon na ang nakaraan.

 

Matagal ko na siyang kakilala, itinuring kong kaibigan sa loob ng lampas limang taon.  Hinahangaan ko ang kanyang ngiti, parang lagi niyang kayang magmukhang maaliwalas kahit na halata ang pagod o lungkot.  Mahilig siyang magkuwento, magkuwento ng mga plano.  Lagi akong nahuhumaling sa mga kuwento ng mga plano.  Para sa akin, siya ang tipo ng taong kaya kong alayan ng napakaraming mga kuwento at tula.  At sa totoo lang, nagawa ko na iyon, habang hinihintay na tingnan niya ako nang lampas sa kaibigan.

 

Noong nadiskubre ko kasing nagkakaroon na ako ng mas malalim na pagtingin sa kanya, may iba akong karelasyon.  Noong naghiwalay naman kami ng karelasyong ikinukuwento, siya naman ang nagkaroon.  Sabi ko sa sarili, maghihintay ako, pipilitin kong hindi maging mang-aagaw na kontrabida, baka naman sakaling dumating ang araw na titingnan niya ako at may makikita siyang pagbabago.  Baka mamahalin na niya ako.  Nabalitaan ko (“balitaan,” na nangangahulugan na nang-stalk at nakitsismis ako) na naghiwalay na sila ng kanyang karelasyon, pero dahil may bago na rin siyang kapalit.  Nanghina ako.  Nanghinayang ako.  Sabi ko, sige, ipapahinga ko na lang ang mga nararamdaman ko para sa iyo, hindi kita guguluhin, magiging mabuting kaibigan na lang ako.  At nagkita-kita na lang kami sa Facebook (at sa Multiply, may Multiply pa noon), paminsan-minsan mag-aabot sa kung saan, magbabato ng “hi” at “kamusta” at iba pang maiksing kuwento, magte-text-text.  Nagpatuloy ang buhay, sinubukang ipagpatuloy na hindi siya iniisip.  Hindi naman kami e.

 

At dumating ang panahong hinihintay ko.  Noong hindi ko na ito hinihintay.  Isang gabi, noong masama ang loob ko dahil may iba akong pinaglalaanan ng damdamin ko pero muli ay hindi na naman naging maayos ang kinalabasan, nag-text siya para magsabing bibigyan niya ako ng pasalubong mula sa una niyang biyahe sa ibang bansa.  Doon ko naisipang yayain siyang magsine, na halos siguradong hindi siya papayag.   Syempre pumayag siya.  Kasama ang isa pang kaibigan (para modang tambay as friends lang ang effect), nanood kami ng Green Lantern 3D, first time daw niyang manood ng pelikula na 3D.  Pagkapanget-panget ng pelikulang iyon sa aking tantiya, hindi pa nakatulong ang regalong ubo at sipon dahil sa tag-ulan, pero sobrang masaya na nakalabas ako kasama siya.

 

Pagtatapos ng Hunyo ang una naming labas, at ang pasok ng Hulyo ay pagpasok din ng mas marami pang pagkikita.  Simpleng ice cream lang sa Ministop, o tambay sa mall para magsine, pagkain ng fries at spaghetti sa Jollibee.  Noong isang labas namin, tinanong niya kung sinu-sinong mga kaibigan namin ang nakapunta na sa bahay ko.  Pagkatapos kong sabihin kung sino ay nasabi niyang minsan daw ay patambay naman sa amin, movie time movie time, kuwento-kuwento.  Noong umuwi ako pagkatapos ng isang masayang lakad, nagtext siya na kung may gusto akong ikuwento ay ikuwento ko lang sa kanya, handa siyang makinig.  Sa pagpasok ng ikatlong linggo ng Hulyo, sa kalagitnaan ng pagre-reformat ng sirain niyang lumang laptop at sa panonood ng Scott Pilgrim vs. the World, naging kami na.  Kami na.

 

KAMI NA!

 

Limang taon ng pagkakaibigan, ang pagkatagal-tagal na pag-iikot-ikot at pag-aabang, biglang isang araw, ang taong inabangan, ako na ang minamahal.  Mahal niya ako, kami na e!  Ganoon siguro ako pag excited, nagiging assuming, tumatalon sa mga pakiramdam at mga eksena.  Sinabihan niya ako, wag akong mag-alala, wag masyadong maglagay ng mga lungkot sa dibdib.  Tutulungan niya ako.  Magtutulungan kami.  Sa mga oras na kayakap ko siya at ibinibigay niya ang mga pangakong ito, sa saglit lang na nangyayari, naniwala akong totoo ang lahat.  At maaaring sa kanya, noong mga oras na iyon, gusto naman niyang tuparin ang mga pangako.

 

Pagkalipas ng dalawang buwan, nangyari ang aksidente.

 

Bumabiyahe siya pauwi, at sa may intersection ng Kamias at Kamuning, dahil sa lakas ng ulan noong huling araw ng Agosto, hindi niya napansin ang dumadaang Lancer.  Tinamaan siya, humampas ang katawan sa windshield.  Milagrong walang matinding bali o sugat.  Halos dalawang linggo lang ay nakakalakad na siya uli nang maayos.  Pero unti-unti, napansin kong may nagbago.  Maaaring naroon na ito sa umpisa pa lang, pero para sa kapanatagan ko, para sa ikagagaan ng loob ko, isinisisi ko ang lahat sa aksidenteng iyon.

 

Nagsimula sa mga hirit tungkol sa pag-iisip niya tungkol sa mga bagay-bagay, mga pahapyaw na sentimiyento tungkol sa priorities at halaga ng buhay.  Ang mga ritwal na nakasanayan ko, ang kanyang mga masayang pagkukuwento ng mga simpleng ginagawa niya sa araw-araw, ang mga paglabas para kumain o magsine, ang mga pangako ng biyahe o pasalubong o anumang plano ay unti-unting nababawasan.  Sinasabi niyang wala naman, baka inimbento ko lang, at dahil naniniwala ako sa kanya ay umaabot ako sa punto ng pagkalito, kasi sa kanyang mga sinasabi, naroon pa rin siya, at sa aking pakiramdam, parang nawawala.  Ang dating karelasyong hindi nahihiyang magsabi sa akin na nami-miss niya ako ay bigla-biglang parang bato pag sinasabihan kong nami-miss ko siya.  Siya na dating nagsasabing sana’y malampasan ko ang mga pagkahiya ko sa sariling itsura ay bigla-biglang magsasabing ang plain-plain naman ng pagkatao ko, na hindi ko na mababago ang sarili kahit ano pang jogging o exercise ang gawin ko.  Maraming butas, maraming banggaan ng salita at kilos.  Hanggang sa ang dating masayang bigayan, nauwi sa bilangan.  Sino ang mas maraming text, sino ang mas nagbibigay ng atensyon, sino ang mas nakakaalala na may relasyon kami.  Ang mga dating masayang pagkikita, ang mga dating planong lumabas, maging masaya, huwag mag-alala, ay nauwi sa dalawang nilalang na hindi magkatugmaan ng gusto, dalawang indibidwal na parang hindi kilala ang bawat isa, siyang nag-aabang sa may Novaliches, nag-aabang ng sagot, ng linaw, at ang kaparehang nasa Laguna, nagpapa-renovate ng banyo.  Isipin mo ang eksena, isang taong nagpapadala ng mensahe tulad ng “ano ba ang nangyayari sa relasyon natin?  Bigyan mo naman ako ng malinaw na sagot” na tutugunan ng “maayos naman ang banyo project namin, pero kailangang magpalit ng karpintero kasi mabagal yung nakuha namin.  Bibili pa kami ng extra tiles sa Wilcon.”  Wala ka nang makukuhang lampas doon dahil pinatayan ka na ng telepono.  Ganoon ang huling yugto ng relasyon bago siya nagtangkang makipag-usap para makipaghiwalay.

 

May apat na bersyon ang aming paghihiwalay, sa aking alaala:  Ang una ay noong humirit siya ng “wala namang may gustong maging kupal.”  Doon sa pagsabi ng “kupal” siya nagsimulang umiyak.  Sorry siya nang sorry noong hinawakan ko ang kaliwang kamay niya.  Hindi siya tumitigil.  Yung pagkakahawak niya sa kamay ko, parang ayaw bumitaw.  Mula sa nag-iisang kaliwa, pinagsalubong niya ang dalawang kamay sa gitna ng aking kanan, parang dasal, umiiyak na dalangin—“wag mo naman akong iwan, ayokong maging mag-isa.”  Napabuntung-hininga ako, walang ibang magawa kundi ang tumingin sa kanya.  Ginamit ko ang lahat ng lakas para pigilan ang magsabi ng “huy, teka lang, sandali, di ba ikaw yung nakikipaghiwalay sa akin?”  Sinubukan kong pumiglas sa kanya, bumitaw ako, hinimas siya sa likod, inilagay ang kanang kamay sa susi ng kotse, pinihit.  Nagpapahid pa siya ng luha noong niyaya ko siyang mag-ice cream na muna sa Mcdo.  Magpalamig.  Baka sa tamis ng sundae kami magkaintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin na ayusin namin ang mga sarili namin nang magkahiwalay habang hindi ko siya iniiwanan.

 

Ako ang umiyak sa pangalawa.  Dalawang buwan ang lumipas.  Sa loob ng sasakyan, sa tapat ng ATM na katapat ng rebulto ng mga inabort na sanggol sa Anonas, tinanong ko siya nang paulit-ulit kung bakit ang bilis-bilis niyang makalimot.  Kung bakit kailangang punuin niya ang Facebook niya ng mga litrato na masaya siya.  Kung bakit dapat ay i-tag niya ang sarili niya sa mga picture na may mga katambay siya, na may mga kayakap siya, mga kayakap na kaibigang kasingsaya niya.  Tinanong ko kung bakit gustong-gusto niya akong tabunan.  Tinanong ko kung ano ba kami, hindi niya raw alam.  Hindi niya alam kung saan ako tatapikin noong natapos ko na siyang ihatid sa may HM Bus sa Cubao, noong sinabi kong sige, bumaba ka na, ingat ka.

 

Sa pangatlo, pareho kaming mainit ang ulo.  Halos isang buwan ang lumampas, inaway ko siya dahil hindi siya nagpaparamdam.  Mas diretso na ang kanyang mga sentimiyento.  Nangako siyang kaibigan siya habambuhay, pero kailangan ko raw tanggapin na wala na kami sa isang relasyon.  Marami siyang pangakong hindi natupad, pero eto raw ang reyalidad ng paghihiwalay.  Tinanong ko kung bakit ganoon pala ang sentimiyento niya pero hiniling niyang wag akong umalis, na siya pa nga ang nagmakaawa (nagbibilangan na naman), hindi siya sumagot.  Sinisipa-sipa ko siya habang katapat siya sa pag-uusap, nakikita kong nangingilid ang luha sa mata niya pero pinipigil niyang lumabas.  Tinanong ko kung mahal niya ako, isang matinis na “oo” ang sagot niya.  Natapos ang usapan sa paghiling ko na sige, tutal di na tayo magkakaayusan, maghalikan na lang tayo sa huling pagkakataon.  Pumayag siya.  Noong mga oras na iyon, naniwala talaga akong may milagrong magagawa ang hiling ng halik.

 

Pinakamalinaw na siyang sumagot sa pang-apat.  Pagkatapos ng halos apat na buwan, noong nagpadala siya sa E-mail ng litrato niyang hawak ang ipina-LBC kong Transformers para sa kaarawan niya.  Ako lang daw ang nagbigay ng espesyal na bagay para sa birthday niya.  Reply ko, wala yun.  Pero pagkalipas ng tatlong araw, sinugod ko siya sa birthday ng kaibigan namin/ kaibigan niya dahil hindi niya sinagot ang text kong nagsasabing nami-miss ko ang mga tambay namin sa sine, noong sinalubong namin ang kaarawan niya noong nakaraang taon, noong ibinulong ko ang “happy birthday” sa tenga niya habang umaakyat ang end credits sa Transformers 3 (in 3D, pangalawang 3D movie niya).  Ayaw na niya.  Ayaw na niya ng mga ganitong konprontasyon.  Ayaw na niya ng mga ganitong gulo.  Napagod siya sa pakikipagrelasyon.  Tinanong ko kung mahal ba niya ako.  Bilang kaibigan, mahal kita, sagot niya.  Tinanong ko kung ano ba kami.  Tapos na tayo, sabi niya.  Sabi ko, pwede bang ngayong gabi lang, kunwari ay tayo pa rin.  Sabi niya, kung maghahalikan tayo, I have to say no this time; pero kung hug, oks lang.  Tumungo ako noong sinabi niya yun, sinasapak ang sariling hita habang nakaupo sa tapat niyang nakakrus ang mga braso’t iniipit ng kilikili ang mga kamay.  Umiyak ka, wag kang titingala hanggang walang luhang umaagos sa mata mo, iyon ang paulit-ulit na sinasabi ko sa sarili.

 

Marami pang nangyari, sa mga pagitan at pagkatapos, pero ang huli, eto, hiwalay na nga talaga.  Gumawa/ nakagawa ng mga bagay na papunta sa pagiging sira-ulo, napahiya ang sarili para sumubok ayusin ang sitwasyon, dahil iniisip na may sitwasyong maisasalba.  Sumubok, ganoon dapat kasi.  Anuman ang kinalabasan o kalalabasan, nagbago kaming pareho.  Siguro, baka naman nagbago siya kahit hindi ko na nakikita nang personal, pagkat hindi ko na rin alam kung ano ang kuwento niya, wala na ring karapatang makialam pa.  Sa pakiramdam ko, kahit mas maayos na sa ngayon, maraming nadurog sa akin dahil sa pangyayaring ito, dahil sa taong ito na nagpapaulap ng maraming bagay sa aking isip at pananaw.

 

Ganito yata talaga ang laro ng damdamin e.  Isa siyang laro ng pagbabalanse.  Halimbawa ako, sobrang gusto kong maging isang taong may karelasyon, sa sobrang gusto ay mukhang ipinipilit, mukhang desperado.  Maaaring may mga ginawa rin siya, siyang ugat ng mga kuwento, maaaring may mga pagkukulang siya, pero pwede naman akong lumayo agad para hindi na masaktan, pwede nang umiwas sa sakit lalo’t may mga babala na naman.  Pero hindi, pinili pa rin.  Baka sobrang gusto ko kasi, at sa ganitong laro, natatalo ang sobrang nagpapahalata ng pagkagusto.  At kapag hindi mo na masyadong naiisip, pag halos wala na sa ulirat na oo nga, gusto ko pala ng kasama, gusto ko palang wag maging mag-isa, kapag hindi mo na naiisip ito ay saka naman may darating.  Kung magpapaulap uli siya ng isip, o dadalhin ka sa langit, walang makakaalam, maliban na lang kung gusto mong tumalon para subukan.

 

Ito ay laro na mahirap itrato bilang laro, kasi tao na ang pinag-uusapan, buhay ng may buhay.  Kapag umabot ka na sa puntong nagbibilangan ka na ng kabutihan, nagtitimbang para makabawi ng mga ibinigay, parang hindi na damdamin ang ipinaglalaban mo, mas parang pautang na sa palengke o sari-sari store.  At sa kabilang banda, pag bigay nang bigay nang walang anumang nakukuha, nakakasaid din, nauubos ang mga kayang ibigay.  Balanse uli ang kailangan, saktong pagbibigay, saktong pagbibigayan.  Masayang maisip na may mahahanap tayong mga taong makakabisado ang indayog ng pagbibigay at pagtanggap ng pagmamahal at malasakit.  At masayang isiping darating ang araw na matatanggap ng lahat na hindi ito laro-laro.

 

Ito ay laro na pwedeng itrato na parang buhay at kamatayan na ang nakasalalay, na pwedeng maging ganoon nga talaga.  Pero pwede namang pagaanin, lalo’t narito ka pa naman at buhay na buhay, anuman ang sakit na pinagdaanan.  Naaalala ko, madalas akong magdrama tungkol sa pagiging mag-isa, sa pagiging ulila ng pagkakataon.  Pero sa loob-loob ko, alam ko namang hindi totoo ito.  May mga taong pinili akong samahan sa mga oras na hindi ako ang pinakaokey na ako, sila na tumiis sa mga paulit-ulit na kuwento ng isang taong piniling huwag akong isipin (o malay ko, wala akong karapatang angkinin ang kanyang alaala at paglimot), sila na nagbigay ng atensyon, payo, pakikiramay.  Sila na kasa-kasama sa paglamon sa buffet, sa pagkanta ng mga kanta ng Air Supply (“just when I thought I was over you…”) at Eraserheads (“di ba, Tangina, nagmukha akong tanga, pinaasa niya lang ako…”).  Silang nanatili.  Sa loob-loob ko, kahit na itanggi ko paminsan-minsan, hindi naman ako naging mag-isa e.  Nagkataon lang na may mga iba akong gustong makasama na ayaw na akong makasama, at baka masyado akong takot o mayabang para tanggaping may mga taong hindi na ako gustong maging kabahagi ng buhay nila.

 

3.

Noong second year high school, sa Biology Class, nagkaroon kami ng isang malupit na substitute teacher.  Mister Macho ang palayaw ko sa kanya, dahil malakas mangkabog ang teacher na ito sa usapin ng kaangasan at pagkalalake.  Mura-mura dito, sigaw-sigaw diyan.  Minsan ay may narinig siyang nagsabi ng “nice tol” sa isang klase, minura niya at pinalabas.  Dahil lang sa kaya niya.  Si Mister Macho, nagkataon, ang natapat sa lesson tungkol sa pag-dissect ng palaka.

 

Dahil sa macho nga siya, dapat ay kami ang manghuli ng sarili naming mga palaka, mabuti at maraming palaka sa kanal na malapit sa amin.  Dahil macho nga siya, bawal ang gloves-gloves.  Dahil macho nga siya, dapat pati kami ay macho, kaya kami ang magpapako sa mga walang-malay na eksperimento,  kami ang magtitihaya sa kapirasong plywood, kami ang isa-isang magpupukpok ng matalas na bakal sa bawat paa ng hayop.  Ang mga palaka, maliban sa ilang pagpiglas at pagtalun-talon sa sahig, ay wala masyadong imik.  Chill na chill lang.  Ano ba naman iyong papatayin ka na sa ngalan ng agham?

 

Ang palakang chill na chill, chill na chill kahit noong binibiyak na, nagsimula sa paghiwa ng blade sa balat, parang gomang hinihiwa.  Naroon ang tiyan, bituka, ang baga.  Lumolobo ang baga ng palaka, kamukha ng mga hinog na strawberry sa Baguio.  Ang puso, nasa gitna ang puso, sa ilalim ng lumobong baga.  Gumagalaw-galaw ang puso, sumasabay-sabay sa pagkurap at pagsulyap-sulyap ng binulatlat na palaka.

 

Natapos ang pagtukoy ng parts of a frog.  Nabulatlat at nahanap na ang dapat mabulatlat at mahanap.  Panahon na raw para maghugas.  Pero kasama sa activity, huhugutin ang mga bahaging nasa loob, ilalagay sa garapong may alkohol.  Sa lababo ng science lab, isa-isa kong tinanggal ang mga bahagi.  Isang hiwa ng blade sa tiyan at bituka, chill pa rin ang palaka.  Isang hiwa sa atay (o sa tanda ko, baka atay iyon), kebs pa rin.  Baga, keri lang.  Ayun, sa puso, pagdating sa puso, isang hiwa ng blade at kitang-kita ko kung paano tumirik ang mata ng hayop, tumirik ang mata at may maliit na tunog ng pagsigaw bago lumawit ang dila.  Dalawa hanggang tatlong segundo lang.  Pagkatapos, wala na.  Tapos na.

 

Eto na nga siguro ang sikreto, na alam mo naman, sa totoo lang.  Marami tayong maeengkuwentrong mga kuwento, mga sitwasyong pinili o aksidental nating mapapasukan.  Darating ang mga pagkakataong magpapakabog sa dibdib natin sa iba’t ibang paraan.  Minsan, pakiramdam natin ay tayo ang pinakamasuwerteng tao sa sansinukob, sa ibang pagkakataon ay parang lahat ng diyos ay bumangon para sakluban tayo ng pagkarami-raming peste at kamalasan.  Sige lang, kung sakaling ang pangalawa ang maranasan, magdrama ka lang, maging malungkot, karapatan mo iyan.  Pero bantayan ang sarili, hanggang kaya ng lakas, pansinin at pasalamatan ang lahat ng dumamay, ang mga maliit na sandaling nagbigay ng ngiti o pagkapanatag kahit lagi-laging may dinaramdam.  Ipagpatuloy ang buhay, mabuhay para sa mga nariyan.  Kasi, totoo naman, may mga sakit na parang nagpapahinto ng ikot ng mundo.  Maghanap ka ng masasabihan, wag mong isiping walang makikinig dahil laging mayroon, minsan ay hindi lang ang mga taong gusto o iniisip mong makikiramay sa iyo.  Huwag sumama ang loob kung may sasabihing iba sa gusto mong marinig, minsan kailangan natin nito.  At anuman ang hirap, subuking bumangon tuwing umaga, maghanap ng pwedeng gawin, ng mga pwedeng magpalukso uli ng dibdib na medyo napatahimik.  At anuman ang mga kabaliwang nagawa, basta sa ngalan ng pakikinig sa tibok ng loob, mandiri lang nang kaunti pero wag mong ikahiya.  Ginusto mo iyan, ginusto natin ang alinmang kalokohang sinubukan natin.  At least, sinubukan di ba?

 

Kasi, totoong may mga oras na parang ang sarap lang isigaw sa mundo na nadurog ka, na walang-wala ka na, na tumigil na sa pagtibok ang puso mo.  Pero pag dumating na talaga ang ganoong araw, ang saglit na hihinto na sa pagtibok ang puso, wala na, tapos na ang lahat, wala nang kasunod.  Kaya habang hindi pa dumarating ang oras na iyon, sige lang, sugod lang, sumubok ng bagong paraan, maghanap ng bagong mapagkakatuwaan, pasalamatan ang mga dapat pasalamatan.  Huwag makalimot sa lahat ng nariyan.  At patawarin ang sarili sa lahat ng kagaguhan o kagagahan, may bukas pa, may pagkakataon pang idiretso kung anuman ang tingin mong naging kulang.  At siguradong sa mga taong naglalaan sa iyo ng pagmamahal, alam nilang kayang-kaya mo iyan.  Ikaw pa.  Tayo pa.

 

Kita mo, ako ngayon, anuman ang pag-iinarte tungkol sa the one that got away, narito pa rin, nakapagsusulat ng kuwento.  At kahit may kaunting kirot, kaya ko nang sabihin nang wala masyadong galit o sama ng loob na wala naman talagang malaking kasalanan ang taong minahal ko, maliban lang sa ngayon ay hindi na niya ako mahal.  Sakto lang, matututunan ko rin iyang mapaglakihan.  At ikaw, ikaw na may pinagdadaanan, narito ka, humihinga naman, nagbabasa ng istorya ng isang taong may pinagdadaanan pero nakakausad naman.  Malay mo, isang araw, magkasalubong tayo, magkatinginan, magkangitian.  Magiging magkakilala, magkaibigan, magkukuwentuhan tungkol sa lahat ng mga karanasang ikinatutuwa, ikinatatakot, ikinagagalit at ikinahihiya natin.  Baka balang araw, baka maging more than friends, baka rin hindi, pero ang magic niyan ay laging may bagong natututunan.  Habang may tumitibok sa ating loob, laging may bagong simula.  Malay mo.  Excited na ako sa mga posibilidad para sa atin.

 

Ano nga uli ang pangalan mo?

 

 

____________________________________________________

 

 

Ayan.  Iyang pangalan na iyan?  Alagaan mo iyan ha.  Nag-iisa lang iyan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.