Empake

Narito ang papel na tinangka kong basahin sa kumperensiya sa UST noong 11 Nobyembre 2013.  Tinangka, dahil hindi nabasa nang buo (nagkaproblema sa pagtantiya ng oras).  Ipo-post ko dito para sa mga interesadong magbasa. 

***

Empake: mga Bagahe sa Pagluwal ng Siyudad sa Papel

Vladimeir B. Gonzales

 

Dumating ako sa bahay namin noong mga 6:30 kagabi.  Sa bahay namin sa Novaliches—na kung padadalhan ng sulat ay bahagi ng Quezon City, at kung hindi naman, kung sa distrito ang pag-uusapan, ay bahagi pa rin ng Caloocan City.  Sa ganitong identity crisis ko natatandaan at madalas ilarawan ang lugar na kinalakihan ko, hilaw na siyudad at hilaw na bundok, isang tricycle papunta sa dating leprosarium at isang dyip papunta sa SM Fairview (na dating manggahan na tambakan ng mga sina-salvage pero ngayon ay mga nag-uunahan na sa pag-hoard ng green tea donut ng JCO ang nagpapatayan).  Markado ng isang Petron gasoline station ang harapan ng subdivision (subdivision o village, nagtatalo-talo pa kaming mga nakatira rito kung ano ba talaga), isang maliit na bakas ng pag-unlad.  Isang pananda na kasama na kami sa mapa ng urbanisasyon.  Mula sa sasakyan kong hindi pa kumpleto sa five years to pay na installment, ibinaba ko ang mga pabaon galing sa dalaw ko kina Mama at Papa sa Laguna—isang cooler na may lamang isang buong manok, pira-pirasong breast cutlets para sa asong si Adele na halong Labrador at askal, limang kilong proven na mabentang-mabenta bilang street food sa may UP Los Banos, sangkapat na sako ng bigas na bigay naman ng aking lola, at mga naipong tirang kanin at ulam na para sa iba pang mga askal na bantay sa bahay.  Isa-isa ko silang inakyat papasok sa bahay, sa loob ng compound na kahati ang mga lola at tito sa panig ng tatay ko, ang tatay ko na noong isang buwan ay inoperahan at nagpapagaling sa Cabuyao.   Isa ang kuwento ni Papa sa mga bagaheng dinadala ko, kasabay at lampas pa sa mga pagkaing pabaon nila ni Mama, kuwentong gusto ko sanang isalin sa papel, pag napakain na ang mga aso, pag nailagay na ang mga manok at proven at bahaw at iba pang pispisin sa loob ng ref, para hindi mapanis.

 

Dito sa bahay sa subdivision-slash-village, dito ko pinapasok ang isang dating karelasyon, lampas dalawang taon na ang nakaraan, papasok sa gate ng compound, lampas sa bahay ni Lola na nasa harap, sa bahay ni Titong nasa gitna, papunta sa bahay namin sa likod, paakyat sa kuwarto ko sa second floor (at lagi ko namang sinasabing sinasabi ko ito para lang ma-establish na may second floor kami, para lang kunwari’y may angat sa iba), doon sa kuwarto kami unang nagkaaminan na may gusto kami sa isa’t isa.  Nagsimula sa isang request, bago mag-umaga, habang nakahiga sa kama ng kuwarto ko pagkatapos kong kumpunihin ang kanyang pinapareformat na PC at pagkatapos manood ng Scott Pilgrim versus the World at iba pang kahipsteran, nag-request ako na sana’y mayakap ko siya, kung pwede bang yakapin ko siya.  Pumayag siya, sa yakap at sa iba pa.  Sabi niya sa akin, “ikaw naman kasi, ang bagal mo.”  Marami nang nangyari pagkatapos nito, maraming masayang bagay, marami ring malungkot at nakakainis at nakakaiyak at masakit na hindi ko maproseso nang maayos noong nangyayari ang mga eksenang sumunod.  Pwede kong ibahaging hindi na kami nag-uusap ngayon, ni hindi niya kinikilalang naging magkarelasyon kami.  Minsan, kinakalaban ko ang sariling maniwala na kahit noong magkarelasyon kami’y ako lang ang naniniwalang nasa loob kami ng isang relasyon.  Iniisip kong isulat ang mga dudang ito at nandidiri at natatawa at natatakot ako sa mga panghuhusga ng iba at ng sarili kong panghuhusga sa sarili kapag nakabuo ng piyesang tungkol sa kanya o umiikot sa kanya.  Pwede kong ibahagi na sa ngayon, pagkalipas ng lampas dalawang taon, isa na siya sa mga sikat at papasikat pang visual artist sa bansa, at naiinis ako sa sarili ko kapag naiinis ako o naiinggit o ikinukumpara ko ang sarili ko at ang sarling mga kapalpakan sa kanya at sa kanyang mga pagtatagumpay.  Pwede kong sabihing paminsan-minsan, naiisip ko ang mga gusali at istrukturang binubuo niya sa pamamagitan ng paggupit ng mga imahen sa papel, sa paghiwa at pagputol ng iba’t ibang sukat at nilalang sa itinuping medium, iniisip kong hinuhulma niya ang kanyang alaala ng siyudad at ng uniberso sa napili niyang sining, katulad ng dati niyang pagbuo sa pangakong aayusin niya ang aking silid na nililingkis ng sala-salabat na mga electrical wire, alikabok, agiw, at iba pang mga duming lubos ko nang nakasanayan.  Aaminin kong may mga araw na mas matindi ang pagkalikot nitong buhat-buhat kong halimaw sa akin, na ayon sa isang manunulat ay parang buhay na kimerang may kuko’t pangil na tumutusok at kumakalmot sa gunita sa mga oras na pinakahindi ako handa.

 

Siguro, naiinggit at naiinis at humahanga at natutuwa ako (pabagu-bago ang pagkakasunud-sunod ng damdamin depende sa panahon at pagkakataon) para sa kanya dahil sa naihahambing ko siya, sadya man o hindi, sa sining na aking pinili sa loob na rin ng matagal-tagal na panahon.  Kung siya ay humihiwa at nag-aalis ng mga piraso sa iba’t ibang klase ng papel, ako naman ay tumitipa ng mga salita papaloob rito.  Naaalala ko noong 2005, noong naging bahagi ako ng isang art camp para sa mga bansang bahagi ng ASEAN, naaalala ko kung paano hinati ang mga representante sa iba’t ibang art form—dance, visual arts, music, photojournalism, creative writing.  Ang photojournalism representatives, madalas ay mga musician o visual artist o dancer din na wala nang paglalagyan dahil isang tao lang per art form ang required.  Ang creative writing, medyo ganoon din.  Mabuti nga sa larawan, sa tingin lang ay may mapagkakasunduang pagkakaintindihan.  Paano kaya ang paghabi ng mga istorya sa pamamagitan ng mga salitang hindi pare-parehong ginagamit ng mga kasama mo?  Doon unang nadiin sa akin ang pakiramdam ng hindi pagkakapantay-pantay, na parang dehado ako bilang manunulat, na sana’y nagpakadalubhasa ako sa ibang likhang-sining.  Naisip ko iyon habang tinatangkang isalin sa Ingles ang mga piyesang naisulat ko sa Filipino, mga dating akda o mga bagong likhang sinimulan kong isulat sa wikang komportable ako, at saka na lang binuno ng limitadong kakayahan sa pag-Ingles ang pagsasalin; pagkatapos, madidismaya dahil ang mababang klase ng Ingles sa aking pagtatantiya ay hindi pa rin umaabot sa pag-intindi ng ibang mga kaibigang galing sa ibang bansa.  Kasi, hindi naman sila gumagamit talaga ng Ingles.  Naisip ko ang mga diskoneksyon sa pag-unawa habang gumagawa kami ng mga Powerpoint presentation para sa culminating event ng art camp na iyon, Powerpoint na ginagawa namin dahil wala kaming ibang ginagawa; nagsusulat din naman kasi, o, basta may maisulat.  Masabi lang.

 

Maraming duda at hinanakit.  Maraming kaba at sama ng loob para sa napiling sining.  At kasabay nito, ang iba’t ibang tao at eksenang naglalabas-masok sa aking buhay, sa aking iba’t ibang papel, kamag-anak, kaibigan, mangingibig, “alagad ng sining.”  Habang nag-iisip ako ngayon, parang maraming kababawan ang lumalabas—ang paghahanap namin ng mga naging kaibigan ko sa art camp, ang paghahanap namin sa Thai canteen na dati’y nasa likod ng Vinzon’s Hall ng UP Diliman, sa may Balara, pero nawala dahil nadamay sa clearing operations ng MMDA laban sa illegal vendors; ang pagreretiro ng tatay ko bilang OFW at ang paglipat nila ng nanay ko sa Cabuyao para kumita ng pera tuwing weekdays, at ang mga minsanang pagpasyal namin sa malapit na SM Fairview tuwing umuuwi sila sa weekends; ang unang tikim ng Milk tea kasama ng karelasyon, o ang pag-uusap naming magbabarkada bago pa ang mga usapang rela-relasyon, noong ang uso pa lang ay Froyo at pinagtatawanan namin ang kauna-unahang Moonleaf Milktea shop sa may Teachers’ Village, dahil sino ba namang tanga ang mag-iisip na aalagwa ang isang business na nagbebenta lang ng tsaa na may gatas at sago; ang pagpapalit-palit ng mga buhay-biyahe simula noong nagbubus hanggang sa nag-o-owner jeep na isa-isang inassemble ni OFW Tatay, hanggang sa magkaroon ng sariling sasakyan at nagsasabi ng mga kaechusan sa mga estudyanteng tinuturuan sa sariling mga klase sa malikhaing pagsulat, mga kaechusang gaya ng “alam naman nating lahat ang sinasabi ng tulang ito dahil lahat naman tayo ay nagko-commute” pero alam ng sariling hindi totoo iyon dahil sa maliit na suweldo ng guro ay napagdesisyunan pang sumubok na bumili ng sariling sasakyan at mabawasan ng 10700 pesos kada buwan, nang sa ganoon ay pag nagsabi sa klase ng “lahat naman kasi tayo nagko-commute hindi ba?” ay lihim akong matatawa dahil sa loob-loob ko ay sinasabi ko sa sariling “hindi ‘no, kayo lang kaya ang nagko-commute dahil MAY KOTSE AKO.”

 

Ito ang maliit na conveniences na nagkataong nagkaroon ako sa loob ng paglaki ko sa siyudad na hindi, bilang anak ng isang taga-Laguna at taga-Pasay na lumipat sa pagitan ng Quezon at Caloocan, na pinalaki sa kita ng OFW sa Saudi at ng nanay na suma-sideline sa pagbenta ng fishball at palamig at puto bumbong at bibingka at pagbebenta ng lupa at pagbebenta ng proven at pagka-canteen sa Mercury Drug sa Fairview o sa Science Park sa Calamba o kung saan man may pagkakakitaan, bilang isang estudyante ng Kindergarten hanggang High School sa isang walking distance na private school at nagkolehiyo sa State University, sa isang dating BS Math Major na naging Creative Writing Major na nakalahok sa mga palihan at nagkaroon ng ilang mga publikasyon at nagwagi sa ilang mga kompetisyon, na naging guro na mula sa 10000 pesos na takehome pay ay naging 20000-25000 pesos, depende sa tax o pagsisimula’t pagtatapos ng mga loan sa kooperatiba na pinambabayad sa mga utang sa credit card o pambili ng DSLR na pangkuha ng mga larawan na ia-upload sa binayarang Website na nagkukuwento ng kung anu-anong salaysay tungkol sa mga titong namatay dahil sa diabetes hanggang sa mga dating mangingibig na laging nakakalimot magdala ng sariling susi.  May kaunting panahon at ginhawa para mag-isip sa halaga ng pagsusulat, sapat na pagkagipit para mainggit sa iba, kaunting ginhawa para mag-isip ng mga bagay gaya ng pag-ibig, kaunting mga pagkilala at gawad para maniwalang may halaga ang mga ideya’t may mga taong nagbabasa at magbabasa.

 

Sa ganitong kamalayan ako kumatha at kumakatha.  Nakapagsulat ako ng mga aklat tungkol sa mga nawalang kabataan, tungkol sa mga Tropical Hut burger place na naging Jollibee at naging ibang edipisyo, tungkol sa mga pelikula ni Sharon Cuneta na nagta-tongue twister sa Ingles para ipakitang edukado na siya, tungkol sa musika ng Eraserheads at buhay kolehiyo at pagkawala ng pagkabirhen at pagkamatay ng mga di kakilala at ng mga taong may malalim na ugnayan; nakapagsali at nakapagsulat ng mga dulang tumatalakay sa pagkakaiba ng sinasabi nilang buhay probinsya at ng buhay Big Time, mga mundong may mga sentrong pangkultura at mga subscriber ng TFC at mga namimigay ng jacket basta magpapahipo ka o sasabihin mong guwapo siya, mga pagkaing susyalin na makakain lang ng isang pangulo sa New York at ang layo nito sa lasa’t ideolohiya sa tamis ng Mer-Nel’s chocolate cake sa Los Banos, ang pagmumunimuni tungkol sa paano ba pinatatakbo ang isang malayo at hinirayang kaharian gaya ng Berbanya, at kung paano ito nalalapit sa pagpapatakbo ng mga kasalukuyang pamunuang batbat ng dahas at korupsyon at pagmamalabis.  Mga kuwento at awit at galaw na nagbabagu-bago ang bigat at dating sa akin sa iba’t ibang panahon, pero mga bagaheng pinipili kong buhatin at bitawan sa magkakaibang mga piling pagkakataon, depende sa sariling tantiya, sa sariling tantiyang iniisip kong hinubog ng aking ginagalawang mundo at ginagampanang mga papel, pinipilit na itawid ang o magtawid ng katotohanang sa mga pinakatahimik na sandali ay lubos kong pinaniniwalaang may saysay, na may makakaintindi o dapat maintindihan, na may ipapakitang dapat ipakita, takot mang isantabi para sa ibang mga istorya, o isantabi para sa ibang anyo o ibang pagkakaabalahan, kailangang sumubok, kailangang manalanging may magagawa ang mga salita.   May nagsabi sa isang libro, may expiry date ang pag-ibig, sa akin naman, may expiry date ang katotohanan.  Hilaw ito minsan, minsan nabubulok o napapanis.  Masuwerte ako’t may panahon at luwag ako para hulihin at ilatag sa aking mga salita ang mga katotohanang ito.  Magkamali man ng hugot, maging mapait man dahil kulang pa sa oras, o halos wala nang lasa o sarap dahil sa pagiging lipas, may lakas ako para sumubok.  May lakas tayo dahil nakakaintindi ng danas, may kapangyarihan dahil nabubuhay, may pag-asa dahil may ginhawa at panahon, may bukas dahil may kapasidad maglapat ng mga kuwento sa ibang anyo.

 

Nitong pagtatapos ng Setyembre, sinabihan kami ni Mama na kailangan nang magpaopera ni Papa.  Nagsugat ang dalawang daliri sa kanang paa ni Papa at hindi na gumagaling, katulad ng nangyari sa kapatid ni Papang namatay naman noong 2011.  Naubos ang Setyembre at Oktubre sa paglalabas-pasok sa mga espasyo at kuwento.  Aarte sana ako bilang si Aurelio Tolentino sa isang dula sa UP Diliman, unang experience para maging theater actor sana, kasabay ng pagiging gurong naha-haggard sa pagtatapos ng semestre at isang kapareha rin sa isang pausbong na kuwentong puso.  Lahat ay kailangan munang isantabi o pabagalin man lang para makatutok kay Papa.  Mula sa pagdadala ng mga unan o initan ng tubig para sa ospital, hanggang sa paglilipat at pagbabantay sa aso ni Papang si Alejandro para hindi mag-alala si Papa habang inooperahan siya, sa paghahanap ng mga mauutangan para makabayad sa ospital mula Calamba Doctors hanggang PGH, sa paglaban lang sa pangkalahatang trauma sa sarili at sa mga mahal sa buhay sa ideya na posibleng mamatay na ang isa sa mga taong bumuhay sa iyo’t minamahal at pinahahalagahan mo nang lubos at ang lahat ng mga ginagawa’t ipinuputok ng mga sentmiyento mo’y parang nawalan bigla ng halaga.  Siguro’y darating ang araw na makapagsusulat ako ng isang nobela tungkol sa kung paano parang sala-salabat na electrical wires ang mga ugat na kinuha sa tiyan ni Papa para ikabit sa mga ugat niya sa binting nabarahan ng maraming nikotina mula sa kabataan, siguro’y maipapalabas ang isang dula kung saan may mag-inang naglalakad sa madungis na kalye ng Taft at pinag-uusapan kung paano mababawi ang nakasanglang bahay sa Cabuyao kapag gumaling na ang ama’t asawang nakaratay sa room 720 ng PGH, darating din siguro ang araw na maililimbag ang isang buong libro tungkol sa pagiging mabangis maningil ng lungsod sa mga mamamayang hindi engineer o accountant o pulitiko o kamag-anak ni Napoles.  Siguro’y malulusaw na ang mga yelo sa North at South pole  at malulunod tayong lahat ng tubig na dala ng malawakang climate change bago pa natin mapindot ang save button sa tinitipa nating masterpiece.  Baka.  Marami naman talagang bagay sa mundo ang hindi kayang siguraduhin, anuman ang nais nating gawing sigurado ang lahat.

 

Pero sa ngayon, may mga bagay na tiyak.  Sa ngayon, masaya akong maaari akong umalis sa aming compound dito sa QC slash CC at makita si Papa sa nakasanglang bahay sa Cabuyao, buhay na buhay at nanonood ng laban ni Donaire o kaya’y ng NBA, baka kung suwertehin ay mapapayag na naming sumama sa amin para mamasyal at kumain sa mga ahente ng kapitalismo doon sa Paseo de Santa Rosa o sa Nuvali; kinikilig ako sa pagtingin sa aking ATM at makitang pumasok na ang aking nakapalaki’t karetire-retire na salary increase na 490 pesos a month, bunga ng tatlong taon ng serbisyo sa loob ng State U.  Hindi na ako makakaarte bilang si Tolentino dahil hindi napagsabay ang rehearsals at ospital, pero wala namang pumipigil sa aking magsulat (o, mag-audition para umarte uli) para sa ibang mga dula.  Pinapasok ko sa silid at buhay ko ang isang relasyon nang maraming kaba at maraming hindi sigurado, kasama ang isang taong nagpapakumpleto ng araw ko kapag nagsabing nasa bus o FX na siya’t malapit nang makarating sa homebase, isang kaibigang nakakaintindi kung hindi man bilib na bilib sa kahipsteran ng mga sala-salabat na kurdon at agiw at alikabok ng aking silid at pagkatao, isang kaparehang pag nangakong magdadala ng Mer-Nel’s chocolate cake mula sa Elbi ay siguradong ora mismo ay may sasalubong sa aking Mer-Nel’s chocolate cake sa QC, walang palu-palusot at walang kakurap-kurap.  Sa ngayon, Sila ang dahilan ko para maniwalang kaya ko at dapat pa akong magsulat, sila ang garantiyang tama ang aking desisyon na magpatuloy sa paglikha.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.