Mga Dalit tungkol sa Naruto

May hinahanap akong lumang naisulat ko, nagkataong ito ang unang nagparamdam.  Mga ehersisyo noong 2009, pre-Shippuden days.

***

Naruto
Kaya bang i-Kage Bunshin
ang dalisay na damdamin?
Kyubing nasa anyong genin,
dapat bang ika’y mahalin?

Sakura
Pamana sa iyong paglaki’y
chakra’t tibay ni Tsunade.
Ano’t sinlakas ng Kage
ang paghabol sa lalaki?

Lee
Ninjutsu, genjutsu’y wala,
ngunit sino’ng mas kawawa?
Ang lumaki sa tiyaga,
o ang lunod sa biyaya?

Kakashi
Nakatago sa sharingan
ang sugat ng nakaraan.
Sana’y nakokopya lamang
mga alyadong pumanaw.

Sasuke
Di maputol ng chidori
ang pagnanasang gumanti.
Saan ba dapat magsilbi?
Sa lipunan?  Sa sarili?

Neji
Makita man ng byakugan
itong buong sanlibutan,
hindi posibleng matanaw
ang sariling kapalaran.

Shikamaru
Nabubuhay ang anino,
anak ng liwanag: siklo
ng buhay itong sirkulo
ng ningas, siklab, ng abo.

Gaara
Buhangin ng alinlangan
ay hinipan na sa kawalan.
Tanging layon sa pag-iral:
“mamatay para sa bayan!”

Temari
Bagyo mang maituturing,
pagdating ng ginigiliw
ay hindi rin mapipigil
ang pagpapalipad-hangin

Kankurou
Mapigtas man itong pisi
ng lakas, di mapapawi
ang katapatan sa lahi
(sa puso, mananatili).

Kiba
Ang teritoryo’y markado
ng ihi; tulad ng amo,
alagad ay natututong
mag-astang hayop o tao.

Choji
Anumang bilis ng buhay,
kay sarap pa ring tumanaw
sa paglubog ng araw
kasama ng kaibigan.

Hinata
Sa batis ng pag-iisa,
may lakas na makukuha
na sarili’t walang iba
ang siyang makakakita.

Jiraiya
Ito ba ang Katandaan–
tuktok na puno ng uban,
paninilip, pagsasalsal,
at malansang “rasengan?”

Tsunade
Ang susong nag-uumapaw,
bahay ng pusong nasaktan;
ang malagatas na rabaw,
milyong sugat ang tinakpan.

Iruka
May mga leksyon sa buhay
na maituturo lamang
kung minsan-minsan, aalpasan
ang kahon ng Paaralan.

Kurenai
Ang sakura’y nalalagas.
Mag-ingat sa alingasngas:
sa ulan ng dahong rosas,
may kunai na nagmamatyag.

Konohomaru
Apo ka man ng Hokage’y
hinding-hindi mabibili
ang tapat na paninilbi
at marangal na sarili.

Yondaime
Walang anumang halimaw
na imposibleng malusaw
ng pambansang kamalayan
at aral ng nakaraan.

 

**

Masayang basahin lalo’t andami nang nangyari pagkatapos nito.  Nga pala, ang mga larawan ay galing sa inulit na Lantern Parade noong FA Week 2007.  Estudyante ko dati si Kiba:

DSC09587

Katabi niya si Nimra, ang pamangkin kong kaka-11 lang noong nakaraang Huwebes.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.