Byaheng “mal” patungong “bien.”

Habang nakikipagbuno ako sa isang panibagong writing project, inaalala ko ang isang trabahong naging masalimuot ang karanasan ng pagbuo.  Masalimuot hindi dahil sa hindi ko gusto ang ginagawa ko, mas dahil nga sa gusto ko ang trabahong naiatas at nagkaroon ng dagdag na pressure na gumawa ng isang panibagong trabahong nakabase sa isang classic na piyesa.

Nakasulat na naman ang maraming bagay na gusto kong sabihin sa nakalakip na kopya ng “mensahe mula sa manunulat,” gusto ko lang sabihing isa sa sentimiyentong lagi kong naiisip kapag naaalala ang produksyong ito–ang masalimuot na pagtatangkang magbago ng mga pananda at kahulugan, ang pagsisikap na bumuo ng mga salaysay ng pag-asa mula sa mga kuwento ng sakit, isa siyang gawaing dapat ay laging inilalahok ng mga manunulat sa kanilang mga panulat.

Sa mga panahong nagpapakita ng pag-asa ang yugto ng kanilang mga salaysay, silang mga pinaglaho, mas lalong tumitindi ang aking paniniwalang may pupuntahan ang lahat ng ito.

***

Mensahe mula sa Manunulat

 

Pangatlong pagkakataon ko nang humalaw ng isang akda para sa Dulaang Laboratoryo.  Sa tulong nina Prop. Dexter Santos at Prop. Jose Estrella, parang nagiging tradisyon ko na tuwing Tag-init ang maghanda ng adaptasyon para sa mga estudyante ng Sining Panteatro, na mapapanood ng mga kaibigan at mahal sa buhay bago magtapos ang Summer Term.  Sa unang dalawang proyektong dula (Elevator Action noong 2012 at Pitong Patibong noong 2013), laging dalawa ang pangunahing tauhan ng dulang pinaghahalawan; ngayong taon, ang proyekto’y may walong pangunahing tauhang kailangang isalin sa isang bersyong nababagay sa walong batang artista.  Mula sa mga nakaraang akda nina Pinter at Brecht, ang Trojan Women naman ni Euripides ang naging batayang teksto para sa ehersisyo.

 

Sinasabi kong ehersisyo ang proyekto dahil ganoon ko naiisip ang esensya ng Dulaang Laboratoryo, isa siyang sabay-sabay na pagsasanay, kolaborasyon, at aplikasyon ng mga natutuhan ng iba’t ibang bahagi ng dula.  Nabibigyan ako ng pagkakataong sumubok ng mga atake sa pagsusulat na susubukang isaentablado ng direktor, mga aktor, at ng mga teknikal na kasapi, kasabay ng pagkakataong magbahagi ng mga adbokasiyang nakikita ko bilang kabaha-bahagi (enforced disappearance noong 2012, showbiz at culture industry noong 2013).  Nakakakilala ako ng mga bagong kaibigang may parehong pagmamahal sa sining ng paglikha, at nasusubok din ang aking disiplina sa pagtatangkang magluwal ng mga panibagong ikukuwento, ng mga panibagong pagsilip sa mundo.  Mga bagong kuwento at pagtanaw na sa tulong ng buong produksyon, mga required dahil bahagi ng thesis at mga di-required na kaibigan, nasusubukang ipaunawa sa ibang magiging tagapanood.

 

Nabuo ang ideya ng Mal sa motibasyon na kailangang makapagluwal ng isang palabas na labas sa aasahan ng marami—isang adaptasyon na direktang humuhugot mula sa orihinal na teksto, malungkot, nagdadalamhati, tumutukoy sa isang malinaw na gera.  Ito, at ang imahen ng malware o malicious software, mga software na nakadisenyo para mang-istorbo o humugot ng sensitibong impormasyon mula sa mga computer na mapapasok nito.  Isa sa mga popular na malware ay ang Trojan Horse, na pumapasok sa isang system upang makapagbigay ng unauthorized access sa sinumang nagpapakalat nito.  Inisip kong baka maiugnay ang malware na halaw sa Greek mythology sa isang adaptasyon ng dula.

 

Paghahanap ng mga di-nakikitang pisi at sinulid ang Mal.  Sa mundong bumibilis ang lahat ng makina at batis ng komunikasyon, interesanteng pag-isipan kung paano tayo napagkakabit-kabit o napaghihiwalay ng ating teknolohiya, ng ating mga medium o tagapamagitan.  Naghahalo-halo ang mga kasaysayan at realidad, minsan ay nawawalan ng saysay ang noon at ang mga tunay na kuwento, pagkat di na mapag-iba sa mga nangyayari sa ngayon at sa mga kuwentong iniimbento.  Sa dami ng naki-click at nasa-swipe na mga bintana at mundo, sa panahon ng libreng Facebook at murang Android phones, masarap timbangin kung paano tayo nagiging mga diyos sa ating mga pinipiling imahen ng sarili at ng mundo.

 

Ibinalik ko ang istorya sa adbokasiyang nasimulan ko, ang pagsasalaysay tungkol sa mga pinaglaho.  Nababagay kako sa kuwento ng mga babae ng Troya, silang naghihintay ng hatol at dadalhin sa iba-iba pang panig ng mundo.  May iba man silang salaysay, sa iba, nagtatapos ang pag-alala sa kanila sa oras na sumakay sila sa mga bangka at umalis sa dating lupain.  Magandang pag-isipan kako, na sa panahon na dapat ay maraming espasyo para sa pag-aalala at pagtatawid ng alaala, bakit andami-daming panitikan at kasaysayang nalilimot, bakit napakaraming mga kuwento ng mga digmaan at mga biktima ang parang naglaho na lang.  Saan napupunta ang mga pinaglalahong tao at pinaglalahong mga salaysay?  Iniisip kong sa pagkakabuo ng Mal, makita ang pagiging masalimuot ng pag-uugnay sa alaala.  Para sa marami, ang kasalukuyan at hinaharap ay isang malaking espasyo ng pagkalimot, iyon ang nauunawaan nilang papel bilang mga diyos ng kani-kanilang sariling kapalaran.

 

Eksplorasyon ng pag-alala at pagkukuwento ang dula.  Maraming intertext, isang pinatalinong salita na pwedeng mangahulugan ng “pangongopya,” dahil ganito raw ang mundo sa ngayon.  Maraming mga bakas na pamilyar, nasa dulo ng dila kahit hindi matiyak agad kung saan nagmula.  Maraming laro, maraming pasikut-sikot at pag-uulit-ulit.  Inaanyayahan ang lahat na sumilip at makinig, sa pagitan ng mga pinahihintulutan ng ilaw at tunog.  Baka may makilalang mga tauhan at salaysay na kamukha ng sa kanila.  Mahalaga iyon.

 

Salamat sa lahat ng bumubuo ng dula, at pagbati rin sa kanilang magtatanghal nito, mula tehnical staff hanggang sa mga aktor.  Salamat sa mga gurong tagapayo, at salamat sa direktor naming si Mara Paulina Marasigan para sa pagtatangkang isalin ang aking bersyon ng kuwento.  Sa mga pinaghugutan ng iba’t ibang piraso ng akda, kina Luna Sicat Cleto, Mayette Bayuga, Roland Barthes, Hughes Mearns, Joi Barrios, Ryonosuke Akutagawa, sa iba pang mga manunulat at artistang pinaghugutan ng mga piraso ng proyekto, salamat sa inyong mga pagtanaw.  Sa mga salaysay nina Raymond Manalo, Connie Empeno, Erlinda Cadapan, sila na personal kong napakinggan noon sa isang workshop para sa desaparecidos, naniniwala akong mahalaga ang inyong mga kuwento.  Gaya ng sinasabi ni Barthes tungkol sa alaalang kawangis ng paulit-ulit na panganganak, gusto kong balik-balikan ang mga istorya ninyo sa aking mga ginagawang malikhaing ehersisyo, dahil naniniwala akong kailangan silang ulit-ulitin, ibalik sa loob at iluwal nang paulit-ulit, hanggang sa may dumating, hanggang sa dumating ang lahat ng ating mga inaabangan.

 

Ang mga kuwentong inaabangan ang pagwawakas, hinihiling kong darating sila gaya ng isang anak na tumatawag sa cellphone at nagsasabing “Nay, pauwi na po ako, naliligaw lang pero malapit na.”

 

One thought on “Byaheng “mal” patungong “bien.”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento *