Lorenzo

Isa sa mga una kong napansin dati, habang nagkukuwentuhan, ay ang suot niyang sapatos.  Pudpod sa ilalim, kaunting kaskas na lang ay mangangamusta ang sakong.  Parang sanay sa lakaran, naisip ko, marahas at mabigat ang paa, baka walang pakialam sa mga bagay gaya ng bagong sapatos at sa mga taong tumitingin dito at maghahanap ng bakas ng pagkatao.

Noong mas tumatagal ko na siyang nakilala, nalaman ko, isa iyon sa kanyang mga espesyal na kakayahan–ang makasira ng gamit dahil sa lakas niya.  Ganoon din sa sapatos.  Ang pulang sneakers, nawarat sa gilid ang tela; ang kulay tsokolateng may ginunting na sintas, nagsisimula na ring maghiwalay sa tagpuan ng tela at suwelas.  Pero anuman ang bigat ng kanyang lakad, anuman ang tigas ng mga kanto’t sulok na minsan ay napapatingkad ng kanyang mga munting aksidente, pag may lakad kami, mahuli man ako nang kaunti, sigurado akong naroon siya, naghihintay.

Bibilhan ko siya ng sapatos, naisip ko minsan, pag nagkapera na ako, sabi ko.  Kasi alam kong para sa kanya, sa kanyang kakuwentuhan tungkol sa mga kantang binastos ang lyrics at sa mga pangarap na magkaroon ng mas maraming pera para sa pamilya, sa kanya na abot-langit ang kilig sa librong nahahanap sa booksale at napapaligaya ng parehong penoy at JCo ang sikmura, sa kanyang pinaniniwalaan kong marami-rami pang masayang lalakarin at pupuntahan, alam kong kahit mumurahing sapin ay parang naglalakad na buong uniberso ang kanyang pakiramdam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.