Senti-Walk

Naisulat ko ito sa aking lumang Multiply blog noong 23 Nobyembre 2008:

 

ang nakaraang biyernes ng gabi’y isang gabi ng aking random senti-walks.  ito yung mga tipo ng panahong nagkakandahaluhalo na ang mga imahen at emosyon sa utak ko, mas madalas kapag maraming nagawa o maraming nakita o nasiksik ng kung anong partikular na pangyayari sa isang araw.  ito yung pakiramdam na hindi ka makapag-isip kasi andami mong iniisip, kaya maglalakad ka lang, maglalakad nang maglalakad, pasikut-sikot, paroo’t parito, hanggang sa magkaroon ng kung anumang linaw ng pag-iisip, o hanggang sa abutan ng kapaguran, ano man ang nauna.  may mga masamang klaseng senti-walk, eto yung kapag may away o trouble sa opisina o sa ibang aspekto ng buhay; may mga okey na senti-walk, yung tipong sa sobrang dami lang ng naiisip mo’y nae-excite ka’t gusto mong maproseso lahat ng karanasan para manamnam mo nang lubos.  nagkataon na yung biyernes na yun ay isa sa good senti-walks, sa tingin ko.

***

hindi siguro ito ang mga pinakakomportableng panahon para magkaroon ng mga good senti-walk.  mahirap magsenti kapag ang dating 20 pesos na pamasahe mula bahay hanggang unibersidad ay naging 35 na.  mahirap magsenti kapag papasok ka sa opisina para mapakinggan kung paano gagawing miserable ng mga katrabaho ang buhay ng bawat isa (sinasadya man nila o hindi).  mahirap magsenti kapag nasa punto ka ng buhay mong alam mong ang bawat segundong nalalagas sa pagsesenti’y mangangahulugan ng pagkawasak ng buhay ng iba, gusto mo man o hindi, malay ka man o mangmang sa kanilang pag-iral.  pero oo, sa mga ganitong oras, sumisingit-singit ang mabuting senti-walks, paroo’t parito, kinakaladkad ang paa, nahuhukot ang likod sa mga nakikita at di-nakikitang bagahe.  minsan, aaminin ko, minsan pinapantasya kong ako si gaara, isa sa mga bida sa naruto, na naglalakad-lakad, dala-dala ang tapayang punung-puno ng mabigat na buhanging-halimaw.

***

nagkaroon ako ng hinalang magkakaroon ako ng ganang mag-senti-walk habang nasa kalagitnaan ng panonood ng dula sa loob ng unibersidad.  alay sa isang gurong kaibigan ang dula.  ang dula raw ay alay sa kabataan at para sa kanya.  sa aking malikot at maduming isip, naglaro ang pahayag na “ang dulang ito ay alay sa kabataan, at kay __________ (na matanda at patay na).”  at alam kong kapag nagkaroon ako ng pagkakataong masabi sa gurong kaibigan ang naisip kong eksena, alam kong hahagalpak lang siya ng tawa kahit siya ang tinutukoy ko.  sa dulang ito, tinadtad ng mga tanong ang mga tagapanood, ang mga tagapagkatha ng mga mundo sa pamamagitan ng salita, ang dula bilang isang buhay na nilalang, ang teorya at praktika, ang lipunan at ang sarili .  matatapos ang dula sa imahen ng mga batang kalye, taglay ang dungis na tanda ng pagiging “latak” ng lipunan, inadornohan ng mga pakpak na gawa sa marami-raming basyo ng c2, rush, viva, gatorade, nestea.  lumilipad sila sa isang mundong walang sakit, gutom o sakuna.  lumilipad sila patungo sa espiritu ng paglikha, ng buhay na nagmula ngunit lumalampas sa mga titik na inilapat sa papel.

***

hindi ko masasabi nang direkta kung ano ang pinaghuhugutan ng aking pinakahuling senti-walk.  ganoon talaga marahil ang kalikasan ng ilang tagahabi ng mga salita.  siguro’y sasabihin ko na lang na inihatid ko hanggang sa sakayan ng katipunan jeep ang kaibigang naluha dahil sa mga alaalang hinugot at inilantad sa kanya ng palabas na aming napanood (bukod sa kung ano pang bagay).  sasabihin ko ring bago umalis sa teatro’y nakakita ako ng mga pamilyar na mukhang tuwing nakikita ko lang ay mahirap hindi mapangisi o mapabungisngis nang kaunti.  sasabihin kong nagpabalik-balik ako sa mga madilim na kalye ng unibersidad, humahangos, naghihintay, may kung anong positibong pakiramdam, pakiramdam na nagsasabing hindi pa ako dapat mapagod, na may patutunguhan ang mga malalaking humahangos na hakbang, na darating ang aking inaabangan kahit hindi ko alam kung ano ito.  sasabihin kong aalukin akong isakay ng isang kaibigang nakakita ng aking pagsesenti-walk, at tatanggi ako, magpapatuloy sa paglalakad, pagkatapos ay ite-text siya ng “ikaw ha, sinisira mo ang aking senti-walk!”  at matatapos ang senti-walk na ito sa paglabas ng unibersidad, sa paghihintay sa sakayang katapat ng iglesia ni cristo central chapel, sa pagsakay sa may kaluwagang jayross lucky seven na bus, sa pagbabayad ng pamasaheng tumaas ng pitumpu’t limang porsyento, sa pagtingin sa ilaw ng buwan, palaging may ilaw ang buwan, at uuwi ako’t hihiga sa kamang kasama ang isang hindi pa maipaliwanag na damdamin ng pagiging kulang at kumpleto nang sabay.

***

kanya-kanyang bagahe, kanya-kanyang pagtingin.  sa ibang mga araw, depende sa anggulo, ang mga bagaheng dala natin e mukhang mga higanteng halimaw, parang mga chimera sa isang akda ni charles baudelaire, o iyong multong makulit at makapit sa pelikulang “shutter.”  sa mas mapalad na mga araw, ang nakukubang likod ay parang tauhan sa nobela ni eric gamalinda, iyong tauhang pinamumukulan ng laman sa likod, laman na sa pagtagal ay uusbong pala at magiging pakpak.  saka pa malalaman kung pakpak ba ito ng anghel, o ng aswang, o pakpak na gawa sa mga basyong boteng ibinebenta nang por kilo sa junk shop.

***

ako, kapag nasa mas positibong disposisyon, tinitingnan ko ang aking senti-walk katulad ng pagtingin ko sa lumang nintendo game na “joust.”  ako ang bidang lakad lang nang lakad, lakad nang lakad, hanggang sa magkaroon ng momentum, hanggang sa umusbong at pumagaspas na ang mga pakpak, hanggang makalipad na sa mga lugar na hindi ko pa napupuntahan, sa mga espasyong alam kong dapat kong kalagyan.  ito yung tipo ng paglipad na lulubusin ko habang nasa katawang-lupa pa, sa katawang nananatiling humihinga’t gumagana kahit hindi minsan nang napinsala ng pagkabagabag, ng panlulumo, ng pagkadismaya.  hindi ko muna pagdidisiatahan kung anong klaseng paglipad ang gagawin ko sa kabilang-buhay, palagay ko naman ay nasa akin na ang lahat ng oras para magplano ng itinerary pag dumating ako sa puntong iyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.