Sapagkat Lagi Mong Naitatanong kung Bakit May Nang-iiwan at may Naiiwanan

Palaging iyon ang hinahanap ko: bakas. Hinahanap ko ito sa magulong tambak ng papeles sa mesa ng opisina; sa larawang black and white na kinunan sa mamahaling studio; sa amoy ng balat pagkalipas ng unang pagtatalik; sa laway na naiwan sa labi ng basong iniinuman. Iyon lang naman ang hinahanap ko, iyon lamang ang tanging hinahanap.

 

Hubaran mo ako. Talupan mo ako ng aking kasaysayan. Iwaksi mo sa akin ang mga lugar ng aking pagkakakilanlan. Tanggalin mo ang damit na kumukubli sa aking katawan, ang pantalon, kamiseta, medyas, mga damit-panloob. Hiklatin mo ang mga hibla ng aking buhok hanggang sa matanggal pati ang anit. Batakin mo hanggang sa mapunit ang aking ari. Pilasin mo ang aking balat, ihiwalay sa mga kalamnang nagpapagalaw sa tinatawag kong katawan. Baklasin mo ang mga buto, baliin ang tadyang na nagkukulong sa mga organong bumubuo sa abang organismo.

 

Nakikita mo ba? Nahahawakan mo ba ang aking pagkatao?

 

Ganoon lang naman ang aking nais, maging sa aking mga salita: ang bagtasin at baklasin ang mga pahina, talata, pangungusap, titik. Ang paghahanap ng aking mga bakas sa bawat naiiwang puwang. Ang paghagilap sa amoy ng dugo sa mukhang nginusuan ng riple; ang pakikiramdam sa sensasyon ng pangingisay dahil sa katawang kinukuryente; ang paghiraya sa huling makikita ng mga matang pinasambulat ng daan-daang bala.

 

Marahil, tulad ng tamis ng unang halik, nais kong maging ganap ang ating pag-iisa.

 

 

–naisulat noong 10 Disyembre 2007

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.