Byaheng Mer-Nel’s

Hindi naman daw pambihira ang kanyang sarap. Hindi rin pambihira ang presyo. Tamang-tama lang. Sakto sa pera ng barkadang tamis ang hinahagilap. Ng binatilyong nag-ipon para makaakyat ng ligaw—aba, ilang tanghalian din ang pinalipas niya para umabot sa destinasyon—para makapag-abot ng tsokolateng puso sa kanyang sinisinta. Para hindi na rin langgamin ng kantiyaw. Para hindi na katihin sa agam-agam—talaga bang may gusto siya, ano ba ang hinihintay niya, hindi ba’t matamis na “oo” na lang ang kulang? Para makagradweyt na sa buhay high school na mga kuwento’t usapan. Para matapos na.

 

Kaya nga namin piniling bumiyahe. Sa kotseng hulugan nagkasunduan, lumalakwatsa kahit malayo pa sa pagkabuo ang bayad (naaalala ko tuloy ang nobelang binasa noong nasa kolehiyo pa—tungkol sa babaeng tagasiyudad na sumama sa paglalayag, unti-unting naaagnas habang lumalayo sa nakilalang bakas ng kaunlaran). Umasta kaming dayuhan, “buhay day-off” ayon nga sa aming biruan. Namasyal sa botanical garden, nagkuhaan ng litrato, kumain sa kainang mas mahal sa karaniwan—paminsan-minsan lang naman. Pinag-usapan namin ang kakapasok lang na pasukan. Kung may mga lesson nang naihanda. Kung may estudyante bang may hitsura. Pinag-usapan namin ang mga taong wala. Kamusta si ganito. Kamusta si ganyan. Bakit wala si ganoon. Bakit hindi sumama si ganyan. Ganoon naman ang aming biro, noon-noon pa, bago pa kami maging kami, bago pa kami mag-astang guro. Kung sino ang wala, siya ang pag-uusapan.   At sa kanilang nagbahagi ng pasensya’t presensya, sa mga kuwentuhang minsan ay wala sa lesson plan, wala akong maibibigay kundi katapatan. Tulad ng tinanong ako kung paano ko ba sinusukat ang pagmamahal, na sasagutin ko ng “a, e, ano, e di kung sino ang laging nariyan.”

 

Nariyan sila’t hinahayaan ako sa ilang mga kalayaan. Tulad ng paghinto saglit sa tindahang laman ng mga nakaraan nang kuwento’t usapan. Bumili ako ng isa—isang cake na bilog, medium, nasa pagitan ng pinakamahal at pinakamura. Hinayaan nila akong iuwi ito sa bahay sa siyudad. “Masyadong matamis para sa akin,” paalala ng isa. Mas mabilis ang byahe pauwi, lahat ay nagmamadali para sa Lunes na unti-unti nang sinisilipan ng araw.

 

Humiwa ako ng isang piraso ng cake pagdating sa bahay. Matamis. Humiwa ng isang piraso ang kapatid, kakaligo lang niya’t naghahanda namang magbihis para sa unang job interview. Nagmadali ako sa pag-ubos ng biniling premyo. Nagmadali sa pagbihis ng pambahay. Nagmadali sa pagbawi ng idlip. Sana’y makuha sa trabaho ang kapatid, naisip ko. Sana’y hindi antukin ang kaibigang ibinaba ko sa may Diliman para magturo sa seminar, naisip ko. Sana’y magising at umabot sa faculty meeting ang kaibigang tinuluyan sa Los Banos, naisip ko. Nagising ako sa balita ng transport strike. Sa text ng kapatid na pauwi na dahil walang masakyan. Sa text ng kaibigang nilalabanan ang antok para makapagturo nang maayos. Sa text ng kaibigang hindi dumarating (hindi pa nagigising, malamang ay hindi na rin umabot sa faculty meeting). Nagising ako’t naisip ang Mer Nel’s, bakas ng ilang araw ng pandarayuhan, ng buhay day-off. Kumain uli ako ng isang malaking piraso. Matamis. Nagising ako’t nadiskubreng may kayod ng susi ang sasakyang iniwan sa may kalsada, napagtripan siguro ng kung sinong napadaan. Nilinisan ko ang tsekot, paano’y may trabaho pang kailangang pasukan. Matapat na sasakyan, naisip ko. Bumiyahe para sa tamis, umuwing may bakas ng sugat. Mabuhay siyang hindi nahiyang magpakita ng mga pilat. Sa loob-loob ko, ako’y nagpasalamat sa lahat ng bagay na wala’t nariyan.

DSC_4459-1

 

 

**

Unang naisulat noong 22 Nobyembre 2010

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.