I’m Always Home, I’m Uncool

 

Kakatapos ko lang panoorin ang pelikulang “Almost Famous.” Hindi na ito bagong pelikula, sa totoo’y marami na sa mga kaibigan ang nakapanood nito, marami nang humuhugot-hugot ng mga linyang pwedeng i-quote, o mga eksenang pwedeng pag-usapan, o ng mga kantang masarap sabayan. Wala pa sa gitna ng pelikula’y kinukulit na ako ng utak ko, tinutukso-tukso ako at inuurirat sa akin kung bakit hindi ko pinanood ito bago ko binuo ang libro kong nailabas noong isang taon, libro na ipinagmamalaki ang musika bilang inspirasyon.

 

Nasabi ko sa isang kaibigan—o baka hindi lang sa isang kaibigan—na minsan ay naiisip kong kung anuman ang mga lumabas kong akda, kung anuman ang mga koleksyon na nabuo at ibinebenta sa mga bookstore, minsan ay naiisip kong sana’y naghintay pa ako nang kaunting buwan, ng kaunting oras pa. Kung nagkataon sana’y may mga nadagdag o nabawas pa ako, kung sakali’y baka naging mas buo pa ang mga libro, baka naging mas kumpleto pa ang mga istorya. Ang sagot nila, hindi naman, baka ganoon lang talaga, baka naman laging may ganoong pakiramdam. Minsan hindi ko alam kung saang pakiramdam ako dapat maniwala.

 

Sinubaybayan ko ang bida sa pelikula, at nainggit ako sa mga pakikipagsapalarang pinagdaanan niya. Nainggit ako sa pagiging bukas sa isip ng nanay niya, sa pagpapahintulot sa kanya na sige lang, usisain mo kung ano ang pwede mong gawin sa imahinasyon mo, sa pagsusulat mo. Nainggit ako sa mga lugar na pinasyalan nila ng sinusundang banda, palagi akong naiinggit sa mga taong namamasyal. Nararamdaman ko ang romansa ng pakikipaghabulan sa deadline, ng paglamukos ng mga papel na laging hilaw sa sariling panlasa. Naaantig ako sa mga linyang ibinabato sa mga linya ng telepono, sa mga boses na nagagaralgal dahil sa pangungulila sa taong hinahanap-hanap mo, pamilya man iyan o kasintahan o kaibigan, mga mahal sa buhay na umalis para sa paghahanap ng kanilang “sining.” Binabasa ko ang mga mensaheng nakatago sa bawat ngiti ng mga bidang hindi nagsasalita, tinatangka kong hanapin kung ano na ang mga nakita nila sa pagtatapos ng pelikula. Nai-insecure ako na baka hindi ko naintindihan ang mga naintindihan nila.

 

Romansa. Siguro’y mahirap nang ihiwalay ito lalo pa istorya ng musika’t pagsusulat ang tinutuhog. Dati, tinatawag ito ng propesor ko bilang “landi.” Kailangang may kaunting landi para makasulat nang madulas. Kapag walang landi, matigas, maganit, parang robot, pilit na pilit. Kung “landi” ang tawag ng isang guro, “pag-ibig” naman ang bansag ng isa pa. Basta mahalin lang daw ang ginagawa, mamahalin ka rin niya pabalik. Pero paano makikita ang pagmamahal? Love-hate ba ito, one-way o multi-directional? Materyal ba ito, mas mahal ba ang pagsusulat na tinipa sa mas mahal na laptop? Dapat bang magsipilyo’t maghilod bago harapin ang susulatin? At lagi ba, lagi bang siya ang dapat lambingin?

 

Maganda sigurong ibahagi na sa usapin ng “landi,” pakiramdam ko’y nawawalan na ako nito. O iyon ang lagi kong sinasabi sa mga kaibigang nakakausap, baka nga sinasabi na nang paulit-ulit, yung tipong nakakairita na. Alam kong nakakairita dahil ako rin ay naiinis sa mga ganitong drama. Alam kong umaandar ang oras, alam kong maraming ideya ang nasasayang kapag nagdadalawang-isip. Maraming kuwento’t tula ang napapanis dahil lang sa walang lakas ng loob ang nakaisip na ihayag ito, na ilapat ito sa papel. Alam kong sa maraming oras ay naniniwala akong ang maraming pagbubuntung-hininga tungkol sa kawalan ng musa o romansa o libog sa paglikha ay maraming-maraming palusot lang din. Baka ang pinakaugat lang nito’y simpleng takot lang.

 

At habang marami-rami naman akong trabahong nagagawa sa tamang oras, o kaya’y sa sapat na pagkahuli na tipong hindi naman mahahalatang nahuhuli na, nakakapaglaan ako ng ilang oras (ilang oras = maraming araw) sa pagpepetiks, sa pakikinig ng mga tugtog na napakinggan na, sa pagpapalit-palit ng mga palabas sa telebisyong inabangan o nalampasan at kailangang balikan. Sa pinakahuling palabas na isinalaksak sa DVD player, nabuo ko ang istorya ni Echo, si Echo na manikang nagkaroon ng sariling malay. Espesyal si Echo, dahil sa mundo niyang uso ang mga alaalang ipinapasok at iniaalis lang na parang pornong nadownload sa computer na hindi sa iyo, siya ay isang manikang nakakakapit sa mga bakas. Siya ang bida dahil siya ang nakakaalala. At naalala kong marami sa mga palabas o tula o kuwento o kanta o kahit na anong nagustuhan ko ay tungkol doon, sa pag-alala. Maraming bagay ang dumudulas sa utak na maraming inaasikaso, maraming duda sa kung ang pagkakaproseso ng memorya ay eksaktong kamukha ng pagkakamemorya ng iba. Siguro iyon pa ang kailangang pagtiyagaan at kinisin, ang alugin muli ang sarili na may pupuntahan ang mga bakas na ito. Na totoo silang nangyari, at anuman ang sariling mga takot, na baka hilaw pa o baka kulang o hindi pa ang pinakamahusay, nakapagdesisyon na akong kailangan silang ilapat sa pag-akda, at sa paglalapat ay nanalig akong ito na ang pinakahinog na panahon para sa kanilang pagluwal.

 

Kaunti pang piga. Kaunti pang pukpok. Baka umaandar na pala ang adventure, hindi ko lang napapansin. Baka ito na ang rockstar tour na kinaiinggitan ko. Talaga kayang may mga taong masyadong sweet para mag-rock and roll? Siguro, ewan, baka ngayon e naglalaro na lang ako. Kasi nga, sabi sa pelikula, baka ang gusto lang ng mga tao kapag isinusulat sila ay magmukhang cool. Baka doon, baka doon ko dapat itong tapusin, tapusin para makapagsimula na sa ibang mga bagay.

 

 

**

Unang naisulat noong 2 Pebrero 2010

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.