Pananaginip tungkol sa mga Kabalyero sa Ulan

IMG_0166

Bukod sa mga bulak at bulaklak ng akasya at kanya pistula sa Diliman tuwing Abril, isa sa mga nakasanayan ko nang abangan at kunan ng litrato ay ang mga firetree o kabalyero.  Masaya silang pagmasdan kapag tirik ang araw at maaliwalas ang paligid, naikipagkumpitensya kasi ang tingkad niya sa mga berde at asul at kayumanggi at iba pang kulay ng unibersidad.  Pero kahit kinikilala ko ang kasiyahang ito, may espesyal na pagkiling ako sa imahen ng kabalyero na sumasalubong sa ulan.

DSC_6498

DSC_6444

Pag dumadaan ang sasakyan sa isang hilera ng mga kabalyero, doon sa papunta sa stoplight na malapit sa tennis court at College of Engineering, kapag may pumapatak na ulan, sinisilip ko ang mga pulang apoy ng puno.  Tinitingnan ko ang mga nalagas na talulot sa kalsada, lalo pag natapos ang malakas-lakas na buhos.  Kung sa itaas, mukhang apoy, sa ibaba naman, parang mantsa ng dugo.

Isa itong malapanaginip na eksenang natatandaan ko sa dalawang dahilan: una, napapahalagahan ko ang pakiramdam ng pagkalusaw sa mga ganitong pagkakataon, parang ako mismo ay nakapaloob sa isang panaginip, panaginip na totoo, hindi mapag-iba ang nasa imahinasyon at aktuwal na pangyayari katulad ng ang pakiramdam ng kasalukuyan ay parang humahalo sa mga eksena ng noon at bukas; pangalawa, sa ganoong eksena, nakakaramdam ako ng paniniguro na kahit paano’y nasa kontrol ko ang paglulusaw at paghahalo-halo, na pwede akong maglabas-pasok sa aking panaginip kung kailan ko gustuhin.

Ang panaginip–baka pagkabaliw, o dementia–na matapat at mapagkakatiwalaan.  May pakiramdam na hindi nito ako pagtataksilan.

DSC_6455

Napapanatag ako sa mga panahong tulad nito, kahit may di maialis na pakiramdam na parang nakahiwalay ako sa aktuwal na ako, na nanonood ako sa isang pelikula o eksenang tapos na/umaandar pa lang/mangyayari pa lang at ang mga tagapagtanghal ay mga taong namumukhaan ko dahil ang isa ay parang ako at may mga kasama siyang parang mga kakilala ko.  Naaalala ko tuloy, ang mga unang pangmarka ko ng pagkakaiba ng telebisyon at sine ay iyong pakiramdam na ang sine ay parang may takip na plastik.  Isang malinaw na plastik, hindi pinipigilang makita ang nasa kabilang gilid pero may sapat siyang presensya para malaman mong iba siya siya sa iyo, hindi tulad ng mga episode ng Lovingly Yours Helen Connie Reyes on Camera na mas mukhang totoong buhay.  Ako’y isang tagapanood sa mga eksenang namumukadkad sa aking harapan, may pakiramdam na medyo alam ko ang script, may sapat na balanse ng pagiging hiwalay pero sa isang banda ay kasali din dahil may bumubulong din na walang ibang dapat o maaaring pangyayari bukod sa kung ano ang mga eksenang napapanood/nararanasan.  Isang masayang paniniguro na sige lang, enjoy the show.

Maraming balita ang nagpasaya sa akin nitong mga nakaraang buwan.  Mga kuwento ng mga taong magtatapos.  Panonood ng mga palabas ng mga kaibigan.  Pagsama sa nanay na manlilibre dahil may kinita siyang kaunting pera.  Iniisip ko kung ano ang ikinasaya ko sa mga kuwento nila.  Maraming paliwanag akong nabubuo sa isip, pero ang lumulutang na pangunahing paliwanag–dahil nakita ko na sila sa mga panahong binubuno pa lang nila ang kani-kanilang mga eksena ng ligaya.  Nandoon ako sa mga oras na pinangingibabawan sila ng kani-kanilang duda at takot at pagod at lungkot, lahat ng negatibong puwersang nababakas sa itsura at kilos nila.  Kaya hanggang sa ngayon, may pakiramdam na parang nananaginip, kasi parang iglap lang ang dumaan kahit na ilang buwan o taon ang pakikipagtunggali.  Parang iglap lang at nasabihan nang ready for binding ang final paper, na bida sila sa isang sikat na dula o palabas sa telebisyon, na aprubado ang MA thesis, na papasyal na kami sa Chinatown dahil nabayaran na ang mga utang at kahit may ilan pang bayarin ay nakaraos na.  Nakaraos na sila, at masaya ako dahil doon.

11407082_10153333809032910_1127168670753722462_n

11160614_10153288674522910_7578373298208100522_o

11392771_10153312561822910_2411397496455603202_n

Sa isang hiwalay/kaugnay na alaala/panaginip/imbentong pangyayari/hindi ko alam, naalala ko ang pagtatampo ng isang kaibigan.  Sa kanya, hindi naging maganda ang dating na nagkukuwento siya ng kanyang mga agam-agam sa kinukuhang karera at pag-aaral at sa pagkukuwento niya’y parang di ako nakikisimpatya.  Paliwanag ko noong naiharap niya sa akin iyon, parang hindi ako nalulungkot hindi dahil sa hindi ako nalulungkot sa sitwasyon niya, mas dahil lang sa kilala ko siya at sa pagkakakilala ko sa kanya’y kayang-kaya niyang maabot ang lahat ng gusto niyang abutin at kayang-kaya niyang lampasan ang lahat ng tingin niyang humaharang sa mga gusto niyang mapagtagumpayan.  Naaalala ko siya dahil sa pagdaan ng ilang siklo ng mga kapok at mga dilaw na bulaklak at mga pulang talulot, nasa lugar na kami na malayo sa estado ng pagkakaibigan.  Pero sa gitna ng ganitong distansya, kayang-kaya kong sabihing hindi nagbabago ang paniniwala ko sa kanya.  Alam kong sa huli, makukuha niya ang lahat ng dapat niyang makuha para maging masaya siya.  At alam kong mabalitaan ko man iyon o hindi, malaman ko man mula sa kanya o sa iba, alam kong magiging masaya ako para sa kanya at ganoon din siya para sa akin, sa kung anuman ang maabot ko.

Tingin ko naman, kung makikinig din tayo sa mga sarili natin, pag tinangka nating indahin lahat ng ingay at pang-iistorbo sa paligid, iyon din naman ang maririnig–na sa huli, lahat ng taong naging kabahagi natin, habol naman talaga natin ay malaman na nasa masaya silang estado.  Sa akin, sa panahon na umiikot sa campus at nakikita ang mga kabalyero, pag nasasabayan pa ng ulan, isa ito sa mga pagmumunimuning lumalangoy-langoy sa aking matapat at maasahang panaginip.  Ang parang panaginip na totoo.  Ang pagiging masaya sa mga nangyari/nangyayari/mangyayari dahil hindi ka makapaniwala na pwede ka palang maging ganoon kasaya para sa iba o dahil sa iba.  Na masaya ka rin sa gitna ng lahat ng tabing at takip at ingay at bakas ng dugo sa mga kalsada na binabalik-balikan.

One thought on “Pananaginip tungkol sa mga Kabalyero sa Ulan

  1. Kabalyero pala ang tawag ng iba. Alam ko lang ay firetree at arbol del fuego. Ang larawan na may oagkain ay sa Way Ying, hindi ba? Magandang obserbasyon tungkol sa kabalyero at ang malapanaginip na eksenang dulot nito, maging sa pagkakaiba ng palabas sa sinehan at telebisyon.
    : p

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento *