2 – Mga Leksyon at Muling Realisasyon mula Morato hanggang Trinoma, Maiksing Distansyang Pinahaba ng Masalimuot na Trapiko’t Sangandaang Kwentuhan*

VBG_3239

  1. Minsan, hindi destinasyon ang pinakamahalaga, hindi rin ang byahe.  Madalas, ang ugat ng lahat ay kung para kanino napapabangon ang sarili’t napupuwersa ang katawan para kumilos.
  2. May idinudulot na kung anong kulimlim sa loob ang pagkalito sa pagsipat ng isang tindahan–kung ito ba ay kakabukas pa lang o papasara na.
  3. Minsan ay two-way talaga ang kalyeng one-way ayon sa pinagtanungan, na malalaman mo lang pag hindi ka sumunod sa sumagot ng katanungan.  Kung anuman, hindi naman ito sinasadyang kasalanan–minsan, mas marami lang talagang pinagkakaabalahan ang kausap bukod sa katangahan mo sa usapin ng heograpiya.
  4. May mga taong hindi rebolusyon ang unang naiisip pagkagising sa umaga, at minsan ay okey lang naman iyon.
  5. Nakaka-guilty pa rin ang mawalan ng pananalig sa sinseridad ng mga kaibigan, pero kinakailangang desisyon ito kung nais mong magkaroon ng pakiramdam ng gaan.
  6. Rebolusyon man o pagkakaibigan, kailangang mag-alis ng bigat at mga pabigat para mapaandar ang mga makinarya.
  7. Ang sariling pagkamadaldal sa trailers ng sinehan ay matutumbasan ng pagiging madaldal sa aktuwal na pelikula, mula sa palatawang manonood na nais siguraduhin sa lahat na si Idris Elba ang kalabang alien sa Star Trek.  Baka lang kasi hindi pa napapansin ng iba.

***

bahagi ng 31-day Writing Challenge para sa Agosto.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.