3, Ang Natatanaw ang Sasandigan/Ang Pinaniniwalaan ang Masisilayan*

 

DSC_8404

Naglalakad ang isang babae sa isang kalye sa isang gabi.  Walang kagila-gilalas sa babae o sa kalye o sa gabi.  Walang bago sa paglalakad niya sa ganoong oras.  Isang karaniwang gabi ng paglalakad ng isang karaniwang babae.  Kung tutuusin, pwedeng isiping parang tayo lang naman ang babaeng iyon, naiba lang nang kaunting hubog at bihis.

Sa karaniwang gabi ng paglalakad ng karaniwang babae sa karaniwang kalye, naisipan niyang kalikutin ang bag nang ilang saglit.  Walang anumang malakihang dahilan sa paghinto–baka may naalalang i-text o hinahanap na resibo o tumitingin ng barya–mga inaasahang paglihis sa plano, mga paghinto sa karaniwan bagaman karaniwan na namang nararanasan.  Doon sa pagpapatuloy sa paglalakad, sa pagpapatuloy sa karaniwan, doon may nangyaring iba.

Bago pa makalakad ang babae’y may natanaw siya, malayu-layong hakbangan din ang distansya, sapat na puwang para maaninag niya ang pigura–isang hubog ng katawan.  Nakatayo.  Nakatayo.  Sa aninag ng babae, parang nakatanaw din ang sinisipat sa kanya.

Mayamaya, sa likod ng tinatanaw na pigura, may panibagong katawang sumulpot.  Hindi siya napapansin ng katawang nakatayo, ng katawang pinagmamasdan.  Sa malayong tanaw ng babae, sa distansyang sakto lang para makaaninag ng mga hugis at kilos sa laro ng liwanag at mga anino, nakita niyang may dinudukot ang pigurang nasa likuran ng naunang pinagmamasdan.  Pitaka, telepono, kahit na anong pangkaraniwan?  Hindi.  Patalim, parang kutsilyo, hindi, baril, baril!  Bumubunot ng baril ang katawang nasa likuran ng pigurang pinagmamasdan, bumunot at tumutok, mayamaya’y nakarinig ang babae ng kaluskos mula sa kanyang likod.

Ang huling alaala ng babae ay ang tanaw ng nguso ng baril na nakaamba sa mukha niya, at ang kalabit ng gatilyo bago ang malakas na putok.  Samantala, sabay na nabuwal ang pigurang pinagmamasdan ng babae, ang pigurang lumingon din dahil sa narinig na kaluskos, lumingon at nakita ang nguso ng baril na sinundan ng kalabit ng gatilyo at pagputok.  Huling alaala ng pigura, huling alaala ng babae bago lumingon, huling mga alaala habang pinagmamasdan ang mga katawang nasa magkabilang dulo ng kalye–malungkot, nakakatakot, pero mabuti’t nasa malayo ako, mabuti’t hindi ako iyon.

Paglipas ng ilang oras, mula sa naglalarong ilaw at anino ng kanya-kanyang mga tahanan sa kalyeng karaniwan, nagsilabasan ang magkakaibang mga pigura’t katawan, sinisilip, sinisipat, tinatanaw ang dalawang pook ng krimen.  Sa iba, walang pinagkaiba ang itsura ng dalawang bangkay, sa bihis lang at hubog, pero oo, eksaktong-eksakto.  Sa iba, ang magkahiwalay na katawan ay magkaibang kaso.  Nagpapalit ang mga haka at mga tanong depende sa kung saan nakatindig at sa hanggang saan kayang lakarin ng nagmamasid ang mga puwang at patlang.

DSC_8397

***

Bahagi ng 31-day writing challenge.  Mga larawan mula sa thesis-exhibit na “Curiouser & Curiouser.”

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.