11 – Mula sa “Faust_as”

DSC_9492

Noong 2013 ay nakapag-ambag ako ng ilang teksto sa proyektong Faust_as nina Tess Jamias at J. Victor Villareal.  Ang Faust_as ay naglalaro sa imahen ng mga babaeng maaaring tingnan bilang si Faust, o mga babaeng sa iba’t ibang antas ay maaaring basahan bilang mga tauhang nakipagsundo sa magkakaibang mga demonyo.  Ilan sa mga tauhang itinampok sa Faust_as ay sina Imelda Marcos, Pandora, at ang tauhang ginawan ko ng mahabang monologo–si Eba.

Ipinapabasa ko ito bilang bahagi ng 31-day Writing Challenge ngayong Agosto.

***

DSC_9718

Sa ngalan ng Ama,
Ng Anak,
Sa ngalan ng espiritu santong kasantu-santuhan,
Sa ngalan ko, sa ngalan ko,
Ano ba ang ngalan ko?

Gusto kong umuwi,
Bumalik, bumalik sa loob,
Sa aking loob, sa pusod,
Ibalik ang mga nailuwal,
Gusto ko, gusto ko,
Ano ba ang gusto ko,
Gusto kong maintindihan,
Gusto kong makaramdam,
Ang pakiramdam ng pag-uwi,
Sa sariling tahanan.

DSC_9612

Nililitis ako
Sa wika’t hininga ng diyos
Sa ngalan ni Adan, Adama ang salita,
Adama ang lupa, ang tao, ang buhay,
Ang buhay, ang tao, siyang tagapagbigay-ngalan
Sa lahat ng hayop sa lupa.

Noon, ang daigdig ay isang malaking larawan,
Walang oras, walang panahon, kumikilos na hindi,
Walang umpisa at gitna, walang pagmamadali,
Ngunit ang lupa, ang buhay, ang tao’y napagod
Sa pagbibigay ng ngalan sa lahat ng hayop na nilikha
Mula sa alikabok, para sa kanyang lugod,
Kaya siya’y pinatulog, siya’y pinagpahinga,
Siya’y nagpahinga. Diyos at tao lamang
Ang maaaring magpahinga. Natulog ang tao.
Parang patay. Parang patay na natutulog lang.

Sa ngalan ng Ama,
Ng Anak,
Sa ngalan ng espiritu santong kasantu-santuhan,
Sa ngalan ko, sa ngalan ko,
Sa ngalan ng ako, inaako ko
Ang sala, ang pagkakasala, sala sa init,
Sala sa lamig, sala-salabat na dila ng ahas,

Bago ang dila ay ang pabalat. Bawat nilikha’y
Nababanaag sa takda ng mata, tenga, amoy, panlasa,
Ang balat, ang pananda sa pagiging ganap,
Ang kaliskis na sinusuyo
Ng mga silahis ng araw,
Ang tanaw sa rabaw, sa balat at pabalat,
ito ang kinang, ang kislap, ang paliwanag,
Walang halimaw, walang pahamak,
Natatanging kariktan.
halika, sabi niya,ikaw, oo ikaw,
halika,halika’t makinig sa aking paliwanag.

DSC_9680

Pangahas na wika, kapwa maselan at marahas,
Matigas na lumalagaslas, may mga kanto’t sulok
na iba sa nakasanayan, nagsusugpong ngunit
mabuway, niyayanig at binubuwal at
tinataguyod at tinataob at tinitiwarik
at inaangat at ihinuhulog, paulit-ulit
at walang umuulit, sa bawat palapag
at panukat at dimensyon at hubog.
Dalumat na tumatagos sa mga haplos at hawak,
Lampas at pagitan ng mga nauunawaang batas
Ng mga bagay, hindi ko raw mauunawaan,
sabagay, nasanay naman ako
Sa pakikinig sa mga mensaheng pinagpasa-pasahan,
Hindi akin ang pag-ako sa atas ng pakikinig
Sa wika ng Diyos.

Ako’y hinugot sa tadyang, ako’y kapirasong kulang,
Ako’y kahati, ako’y kabiyak, sa punyal ng diyos na laging patas,
Iniluwal akong galing sa loob, papunta sa labas,
Ang lalake at ang babae’y ipinanganak.
Siya ang puno, ako ang bunga,
Ang prutas. Ako ang prutas.

Sa ngalan ng Ama,
Ng Anak,
Sa ngalan ng espiritu santong kasantu-santuhan,
Sa ngalan ko, sa ngalan ko,
Ano ba ang ngalan ko?
Akong hinugot, bagaman kabiyak,
Kahati, bagaman pagkukulang, ang kabiyak
Ng kasalanan, nakipag-usap sa ahas,
Sa mga lason na salita, lason bagaman
Nauunawaan, isang halimaw na handang
Makinig sa aking panig. Ako pala ay maaaring
Magkapanig! Maaari pala akong magsalita,
Maaaring may makinig? Ano pa, ano pa ba
Ang mga panig na hindi nakikita’t naririnig?
Gusto kong malaman, ibibigay mo ba ang aking ibig?
Ang aking ibig.
Ako. Ang ibig.

DSC_9754

Ako’y nagwika at ang lalake’y nakinig,
Nagalit ang diyos sa tao, at simula sa araw na ito
Wala nang diyos na magpapakita,
Siya’y sasanib sa mga hayop, sa mga puno,
Wala nang taong makakasaksi,
Walang santo, walang propeta,
Uusad ang panahon, Mahihiya ako
Sa aking pagkahubad, sa aming paghuhubad,
Manghihilakbot ako sa libog na nararamdaman,
Sa pagkahiya pagkat nalilibugan,
Naliibugan sa pandama, sa bagong kaalaman,
May hiya at may takot pagkat may ligaya sa pagkamalay,
Malay akong ako’y nakasakit at nasaktan,
Ako ang ako, ako ang bukang-liwayway
Ng kasalanan, inaako ko, ako, ako ang pusod
Ng lahat, ang mga salaysay ng tampalasan
Ay may pusod na sa aking sinapupunan
Bumabalik, pabalik-balik, paulit-ulit.

Sa ngalan ng Ama,
Ng Anak,
Sa ngalan ng espiritu santong kasantu-santuhan,
Sa ngalan ko, sa ngalan ko,
Nakita ko ang prutas,
Bungang nag-ugat sa lupa,
Pumitas ako ng isa, isa lang,
Isang pag-ako, isang kasalanan,
Narinig ang lutong, sumirit ang katas,
At bago umandar ang lahat,
Isang pakiramdam, isang dalumat,
Isang di maisawikang larawan,
Wala pa, wala pa ang mga salita.

Ako ang kapirasong katalik, kabiyak,
Ako ang lamat, ang puwang,
Ako ang pangungusap, pakiusap,
Makinig, pakinggan, ako ang saglit
Na pagtirik ng mata, ang pagkulot ng
Mga daliri sa paa, pag-igkas
Ng kalamnan sa pakikipagtalik,
Ang halinghing na kaputol ng ungol,
Na kaputol ng pagluluwal,
Ako ang salaysay bago ang pag-andar
Ng sandaigdigan, ang saglit na buntong-hininga
Bago ang pagpapatuloy, isang napatdang
Pahayag, isang palabas na nabitin, isang larawan:
Natanaw ng diyos ang lahat ng kanyang nilikha,
At lahat ng ito ay ubod ng inam, ubod ng inam
Sa ngalan ng ama, ng anak, ng espiritu santong
Kasantu-santuhan.
At dumating ang gabi, at dumating ang umaga,
Ang umpisa. Sa umpisa, ang ngalan.
Ang salita.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.