22 – Inggit

Mababasa sa post na ito ang sipi mula sa Pitong Patibong, na hinalaw naman sa The Seven Deadly Sins of the Petty Bourgeoisie  ni Bertolt Brecht.  Itinanghal ito para sa UP Dulaang Laboratoryo noong Mayo 2013, sa direksyon ni Ed Lacson, Jr.

Sa bahaging ito ipapakita ang kasalanan na “inggit.”  Kakaibang inggit ito pagkat nakaugat ang inggit sa mga kilos na hindi ginawa ng bidang si Anna.  May mga hindi nagawa si Anna dahil sa may mga kailangan siyang isukong karapatan at pananaw, mga pagpapahalagang hindi kayang suportahan ng uring pinanggagalingan niya.  Kinukumbinsi naman siya ng isa pang Anna na para sa mabuti ang lahat.  Kung para sa pamilyang nangangailangan, kung para sa lolang may sakit, ang pagbebenta ng sarili ay isang maliit na sakripisyo lang.

Sina Francelle Fetalvero at Marynor Madamesila ang gumanap bilang dalawang Anna sa dulang ito.

***

2

Anna 2:
Nainggit ako sa kanila, Anna.

Anna 1:
Nainggit saan, Anna?

Anna 2:
Sa kanila, ayan o, sa kanilang naglalakad,
naglalakad sa sarili nilang yapak, sa sarili nilang panahon.
Silang masyadong mayabang para magpabayad.
Silang ang poot ay nagsisiklab sa kawalan ng katuwiran.
Silang maligaya ang pagsunod sa tibok ng kanilang puso,
silang iniibig nang tapat at tapat ding umibig.
Silang hindi nahihiyang kunin ang mga bagay na kanilang nais, dahil kailangan nila.
Nakakainggit ang kanilang laya, naiinggit ako sa mga bagay na hindi natin ginawa.

Anna 1:
Mahal kong Anna,
alam kong nais nating pareho ang magsulat ng sariling istorya,
ngunit kailangang magpakumbaba
sa mga puwersang sa atin ay nakahihigit. May galit ang Diyos
sa mga bastos at mayabang, silang kung lumakad ay hambog.
Hindi nila alam ang patibong na sa kanila’y lalamon.
Sila’y nagpatukso, mahal kong Anna. Magpakatatag ka!
Ang ligaya ng mundo, ito’y patibong na nangangagat,
nginangasab ang mga hangal, ang mga tanga,
silang walang pakialam,
walang pakialam, ang walang pakialam,
pag nagkasakit lang nagkakaroon ng malasakit.

Anna 2:
Paminsan-minsan, nangungulila pa rin ako.

Anna 1:
Ang pangungulila ay patibong ng katawan, ng laman!
Alam mo ang presyo ng pag-ibig. Mahal ang magmahal.
Alam mo ito, alam na alam.
Natutukso tayo, ng libog, ng pagkatakam,
pero para saan? Nauubos ang ganda
at nasasaid ang kabataan. Walang nananatiling buhay.

Anna 2:
Lahat tayo ay mamamatay din naman. At masayang isiping
namatay tayong mabuti, hindi ba Anna?

Anna 1:
Ang kabutihan ay ginagawaran ng kaluwalhatian, Anna.

Anna 2:
At silang naging masama, silang kinaiinggitan ko?

Anna1:
A, sila’y iaadya sa kawalan, hanggang malubos ang panahon,
mangangapa at mananakmal sa walang hanggang kalawakan.

Pamilya:
Narito lang kami, Anna
Sina Nanay at Tatay,
sina Tita at Tito,
ang mga pinsan mo Anna,
ang lola mo, Anna,
complete remission na ang lola mo,
Hindi na kailangan ng surgery o radiation.

Anna 1:
Kakain tayo
pagkauwi natin sa Laguna.
Lahat ng gusto mo, Anna—
Pinya sa Calauan, Puto Binan, Itlog na Maalat ng Victoria
The Original Buko Pie
Mer-Nel’s chocolate cake, Kesong puti,
espasol, Monay Bae! Malay natin,
pag nakapahinga na’y makapag-college na tayo,
makapag-aral! O kumanta at umarte
sa palabas na tayo ang bida.
Kumanta at sumayaw ayon sa ating layaw.
Ang Bahay! Malapit nang mabuo ang bahay, Anna.
At Si Lola, Anna, si Lola!
Magaling na Si Lola.

Anna 2:
Oo, Anna, pinagaling natin siya.

3

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.