Isang Awit sa Pagtatapos ng Mundo

(Salin ng A Song on the End of the World ni Czeslaw Milosz)

Sa araw na magtatapos ang mundo
may isang bubuyog na umaaligid sa sampagita,
may mangingisdang humahayuma sa nangingislap na lambat,
ang mga balyena’y masayang tumatalon sa dagat,
sa may alulod naglalaro ang mga batang maya,
at ang ahas ay ginintuan pa rin ang kaliskis, gaya ng nararapat.

Sa araw na magtatapos ang mundo
tumatawid sa bukid ang mga babaeng nakapayong,
inaantok ang isang lasenggo sa may bangketa,
sumisigaw ang mga tindera ng gulay sa kalsada
at ang bankang may dilawang layag ay humahapon sa isla,
ang tinig ng biyulin ay nanunuot sa hangin
at maghahatid ng isang gabing puno ng bituin.

At silang umasang kikidlat at kukulog
ay nadidismaya.
At silang umaasa sa mga signos at trumpeta ng arkanghel
ay di naniniwalang ito na nga iyon.
Habang may araw at buwan sa itaas,
habang may himbubuyog na umaaligid sa rosas,
habang may mamumula-mulang sanggol na iniluluwal
walang tumatanggap na ito na nga iyon.

Maliban sa matandang inuuban, na magiging isang propeta
bagaman hindi propeta, pagkat siya’y masyadong abala,
siyang umuulit-ulit habang nagbubungkos ng mga kamatis:
wala nang ibang magiging katapusan ang mundo,
wala nang ibang magiging katapusan ang mundo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento *