Senti-sentimong Senti Moments ni Ms. Ligaya Nazareno

Hindi nakapasok agad sina Ligaya Nazareno sa classroom ng Grade One Neatness dahil may pang-umagang estudyanteng natae (na naman) sa salawal habang nakaupo, ilang minuto bago tumunog ang bell ng dismissal.

Pumila muna silang mga taga-Grade Five Diligence sa tapat ng pintuan ng classroom habang pinupunasan ng janitor ang upuan at sahig na nabahiran ng tae.  Dinig kahit sa labas ang tunog ng mga umaaligid na bangaw.  “Kasi naman,” sabi ni Ligaya, “hindi daw nagsabi agad yung natae na natae siya, basta hindi lang daw gumagalaw, tapos maya-maya may naamoy na silang mabaho, tapos mayamaya nagdatingan na ang mga bangaw, grabe parang yung napanood ko lang sa ‘Ober da Bakod’ nung isang gabi!”

Mas madaldal si Ligaya Nazareno kung ikukumpara sa mga unang buwan ng pagiging grade five.   Pinakamadaldal kung ikukumpara sa mga naunang taon sa Kindergarten at pag-uumpisa ng elementarya. Wala naman ding gustong pumuna mula sa mga kaklase niya, lalo’t alam naman nilang naaaliw kay Ligaya ang mga teacher nila.  Listo kasi, sabi ni G. Marcelo na guro ng Filipino, na nabilib kay Ligaya noong nakagawa ito ng skit kasama ang kanyang groupmates, kung saan naikabit ang monologong “Isang Pinggang Pansit” sa TV series na “Ober da Bakod.” Promising at creative daw si Ms. Nazareno ayon kay Mrs. Abiera na teacher sa English, lalo noong nakagamit si Ms. Nazareno ng mga karton ng gatas at balat ng chichirya sa paggawa ng props na halimaw sa kanilang interpretation ng “Pandora’s Box”.  May chance maging valedictorian, kung mag-focus lang.  Baka pwedeng ipadala sa mga division, regional at national presscon, basta mabigyan ng training.  Listo, promising, creative.  Sana kahit alin na lang doon ang pangalan ng section nila imbes na “Diligence,” natawa ang adviser at mga kaklase ni Ligaya noong sinabi niya iyon noong linggong nakaraan.  Kakaiba ka talaga, Ligaya, may isang nakapagsabi.  Alam mo, oo nga, nagtawanan pa rin ang klase noong iyon ang isinagot niya.

Kaya sa tanghaling iyon, sa araw na may tumae (na naman) sa klase bago sila, habang nakapila sa labas ng classroom ng Grade One Neatness sa umaga na nagiging Grade Five Diligence na sana Grade Five Listo o Promising o Creative sa tanghali hanggang hapon, mabilis ang takbo ng listong isip ni Ms. Nazareno.  Parang Pandora’s Box, nagsusumirit ang mga bagong ideya at plano.

Si Santino Lorenzo Arkanghel ang natutukan ng kanyang atensyon pagkaupong-pagkaupo nila.  Sa Santino Lorenzo, na palagay niya’y anak ng pamilyang relihiyoso—pangalan pa lang, hanggang Cloud Nine na, ika nga niya.  Si Santino Lorenzo na bagong lipat sa kanilang eskuwelahan noong nakaraang Hunyo.  Si Santino Lorenzo na kumanta ng “Paminsan-minsan” ni Richard Reynoso noong nagpakilala siya sa unang araw ng pasok, at umiyak pagkalipas ng isang oras noong hindi na niya matanaw sa bintana ng classroom ang tatay niyang naghatid sa kanya.  Tama, naisip ni Ligaya, si Santino Lorenzo na lang ang kanilang pagdiskitahan.  Tutal naman lumabas uli si Ma’am at naaamoy pa niya ang tae sa tapat niya, tutal may labinglima hanggang dalawampung minuto pa silang maghihintay at walang gagawin, tutal wala namang pagmumulan ng libang at aliw.  Siya na.  Siya na ang gagawa ng paraan.

Kinalabit niya si Jonelle Villanueva, ang kaklase nilang kabisado ang lahat ng Greek gods and goddesses pero semplang sa Math.  “Nasa listahan ka,” sabi ni Ligaya.  “Anong listahan,” sabi ng kaklase niya.  “Basta,” sagot ni Ligaya.  Mabilis din mag-isip si Jonelle Villanueva, at nakuha agad na may pakana ang kaklaseng si Ligaya.  Sumakay siya, parang skit lang, parang palabas lang nila sa isang klase.

Nangalabit din si Jonelle, may binulungan naman si Ligaya.  Kasama ka sa listahan, ikaw, hindi ka kasama.  Walang may alam kung ano ang listahan, pero sige ang kalabit at bulungan.  Kasama ka, hindi, hindi ka kasama.  May ibang nakakasakay, may ibang hindi, pero tuloy lang ang katuwaan.  Ang nagpakana naman kasi ay si Ligaya.

Umabot ang kalabit kay Santino Lorenzo, na hindi kumikibo kahit katabi niya ang upuang nataehan noong umaga, si Santino Lorenzo na tinitiis ang amoy na natira at hindi umaalis kahit natatalsikan ng basahan at mop ng janitor na bumalik.  Lumingon ang kinalabit na si Santino Lorenzo, hinarap ang nangalabit.  Nasa listahan ka, sabi ng kanyang kausap.

“Anong listahan?” Halatang natakot si Santino Lorenzo.  “Basta.”  Kinabahan ang nangalabit dahil nakita niyang namumuo ang luha sa mga mata ni Santino Lorenzo.  “Anong listahan?  Anong listahan?”  Bago pa makasalita ang kaklase nina Santino at Ligaya, bumulahaw na ng iyak ang bagong salta.  Tumutulo ang laway at luha ni Santino Lorenzo habang nakatayo’t nanginginig, tinatanong kung ano ang listahan at sino ang may-ari ng listahan.

Kinabahan si Ligaya Nazareno.  Wala sa plano niya ang may iiyak.  Baka mapagalitan siya ng kanilang adviser.  Baka hindi siya makasama sa top ten.  Baka hindi siya imbitahan sa mga presscon.  Bakit kasi may umiyak.  Wala sa plano ang may iiyak.  Nag-isip siya.  Listo siya.  Promising.  Creative.  Ano pa nga ba ang napanood niya sa TV noong mga nakaraang araw?  Ano pa nga ba ang mga narinig niyang mga nakakatawang hirit mula sa mga tito, magulang, pinsan?  Anong props kaya ang pwedeng gawin para maaliw ang mga guro at kamag-aral.  Dali, Ligaya, Ms. Nazareno.  Ikaw ‘to.  Kaya mo ‘to.

At naisip niya, last year pa ang balitang naisip niya pero baka may nakakatanda pa, oo natatandaan pa nila ito, noong ipinalabas sa TV, noong pinagtatalunan kung ang mas magaling na artista ba ay si Aiko o si Ruffa.  Scandal yun.   Scandal.  Oo, baka pwede, baka pwede na.  Tumayo si Ligaya Nazareno, nakatingin sa ngumangawang si Santino Lorenzo.  Huminga nang malalim si Ligaya, pumikit, dumilat, at sinabi ang kanyang magic line.

“And the best actress is…Santino Lorenzo!”

Naghagalpakan ang buong klase.  Bago pa makagawa ng kahit ano si Santino Lorenzo ay kumaripas ng takbo palapit sa kanya si Ligaya, inabot ang tatlong pirasong pulburon na nabili ni Ligaya sa canteen, at humirit ng “take it, take it!”   

Natawa ang mga kaklase.  Ang janitor na nakasilip mula sa labas, natawa.  Ang adviser na kakabalik lamang, isang ngiti lang ang nagawa sabay sabi ng “si Ligaya talaga!”

At nagsimula na ang kanilang klase.

Magiging pari si Santino Lorenzo Arkanghel balang araw, at balang araw ay matututuhan niya ang kahalagahan ng pagpapatawad, ang pagpukol ng tinapay sa mga nampupukol ng bato, na wala nang poot o lungkot o pighating dapat maramdaman sa bawat pagkakasala pagkat aalisin ng Diyos ang kasalanan ng sanlibutan.  Pero, sa saglit na iyon, sa tanghaling hindi agad nakapagsimula ang klase pagkat may tumaeng pang-umaga sa klase ng Grade One Neatness, Grade One Neatness na nagiging Grade Five Diligence, na sana’y Grade Five Listo o Promising o Creative, pinagmasdan ng mga mugtong mata ni Santino Lorenzo Arkanghel ang kanyang kaklaseng si Ligaya Nazareno, pinagmasdan at nagtaka.  Matagal-tagal din niyang panghahawakan ang pagtatakang iyon, ang pagtataka kung paano maaaring maging sabay na napakasama at napakaganda ng isang nilalang  na katulad ni Ms. Ligaya Nazareno.

***

(Salamat kay Laurence Castillo sa pinahiram niyang class picture)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.