States of Emergency

Noong Disyembre’t pabiyahe ako paospital, papunta kay Papa, alam kong may seryosong mangyayari pero hindi ko pa rin ito masyadong sineryoso. Nagdala pa rin ako ng damit na pang-gym, baka makasingit pa ng workout pag naka-checkout na kami; bitbit ko ang laptop at hard disk, baka kaya pang mag-movie time habang naghihintay ng resulta ng mga test sa katawan ng tatay. Syempre, gaya ng nangyayari sa maraming kwento, mas grabe ang kondisyo ng tatay ko kesa sa inaasahan. Sa mga unang araw, tingin ko’y nag-denial mode ako. Ang mga tumatakbo sa isip, may admin work pa akong babalikan, baka tumaas yung body fat percentage ko pag di ako nakapag-leg day o yoga soon, baka di ako makaabot doon sa Christmas party na pupuntahan ko dapat. Hanggang ngayon, nagi-guilty pa rin ako pag naiisip ko ang mga kababawang naiisip ko noong mga unang araw ng huling sandali ng tatay ko sa mundo.

Pero hanggang doon lang muna ang kwento tungkol kay Papa. Alam kong alam ng marami na ang mga ganitong tipo ng bagay ay nangangailangan ng panahon para maisalaysay nang mas maayos at mas mahaba. Mas naroon ako sa pagmumuni tungkol sa panahon. Doon sa pagmamadali o hindi pagmamadali, dahil sa pagtataya sa mga bagay na sa tingin natin ay mahalaga o hindi mahalaga. Iniisip kong buhay ko ang pagsusulat, pero sa maraming pagkakataon ay hindi ito ang nauuna sa listahan ng mga dapat kong ginagawa. At kapag ginagawa ko ang pagkatha ng kahit sa tingin ko’y pinakamaganda at pinakamakabuluhang salaysay sa buong sansinukob, palaging may nangyayaring itataya ko o ng iba bilang mas mahalaga at bilang mas dapat pagmadalian. Doon ako interesado, sa mga eksena ng ating pagmamadali, doon sa ating paghangos sa tingin nating mga kailangan at nararapat tutukan. Gusto ko siyang paglimian at isulat sa pinakakomprehensibong paraan na kaya ko; pero, gaya ng nailatag ko na, sa malaking iskema ng mga bagay, ayun na, ayun na nga, kaya bakit pa, bakit pa pahahabain?

Kaya, kapalit ng mahaba-habang sulatin, narito ang listahan ng mga munting pag-aalay:

Doon sa kaibigang sabik na sabik nang maalala ang pakiramdam ng pagiging malaya, sana’y makuha mo ang naiisip mong magpapalaya sa iyo, at mabatid nang maaga kung ano ang magiging kapalit.

Sa iyong hindi na nakapaghintay sa pag-click ng “post” o “share,” sana’y nabayaran ng lahat ng “likes” at “favorites” ang lahat ng sinisingil mong utang na pighati.

Doon sa naghinga ng sama ng loob sa pag-ibig niyang ibinigay na hindi bumabalik sa paraaang gusto niya, nasabi ko na ito, alam mo na ito—may halaga iyan. Bagaman batid mo ring sa pagkadami-dami ng mga krimen at utang at sigalot, laging nahuhuli sa listahan ng mga mahalaga ang mga sakit na may kaugnayan sa puso. Para lang doon, nakikiramay ako.

Sa inyong ipinagkanulo ang interes ng nakararami, pakibalitaan naman kami kung kamusta ang lasa ng tae.

Sa iyong mugto ang mata’t napagkamalang puyat ang salarin, kaya hindi agad napansin ang panawagan para sa tulong, ang tahimik na pagtawag ng saklolo, sana’y magkasalubong uli tayo at maitanong ko sa iyo ang ating napalampas na “kamusta?”

Sa hindi makapili kung tatapusin ang pag-aaral para makatapos lang, o ipagpapaliban muna dahil alam mong may puwang pa sa pagpapainam, alam kong alam mong kahit ano ang piliin, may kaukulang antas ng tagumpay at pagkatalo. Baka alam mo na ang sagot, balitaan mo ako.

Ikaw na nakikipagbuno sa malubhang sakit, idinadalangin ko ang iyong paggaling.

Nawalan ka at may hinahanap. Naranasan ko iyan, at alam kong iba-iba ang danas at pagproseso. Kung may maitutulong ako, sabihan mo lang ako.

Sa inyong lahat hindi ko pa masulat, kaunting antay lang. Pangako, mababalikan ko rin kayo.

At, gaya ng tema ng buong sulatin, bago pa manamnam ang sandali, ayan, natapos na nang ganun-ganon na lang.

 

 

*yung larawan ay kuha mula sa dulang Ang Awdisyon, isang proyektong may kaugnayan din sa oras at pagmamadali.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.