Abot-talampakan ang mga Bituin sa Cagbalete

Walang-wala sa itsura ni Vivian ang pagiging manghuhula. Librarian, o teacher o kaya’y principal, puwede, pero manghuhula—malabo. Siya ang tipo ng babaeng karaniwan mo nang makikita sa isang tipikal na high school. Siya yung tipo ng teacher na naging teacher na ng mga magulang mo’t magiging teacher din ng mga anak at apo mo. Siya yung nambabato ng eraser sa kabilang kuwarto kapag maingay ang klaseng nandoon, yung habambuhay na nagche-check ng attendance kapag flag ceremony o nasa field trip, o tuwing may school function, yung nagpapabunot ng damo sa quadrangle o nagpapalinis ng vandalism sa banyo kapag nahuli ka ng pasok, yung kabisado ang lahat ng mysteries ng rosary at nagpapa-bible study tuwing uwian kapag may nagawang kasalanan ang isa sa mga kaklase mo. Siya yung tipong bumabawi ng atraso sa kanyang mga estudyante sa pamamagitan ng pagpapababa ng grado nila, siya yung nagbebenta ng longganisa o yema o kalendaryo na may mukha ng holy family, at nagbibigay ng minus sa mga hindi bumibili. Siya yung kasama ng klase ninyo sa class picture, yung pagtatawanan ninyo dahil nakikita ang panty niya sa litrato (kulay tangerine ito), o pagtatawanan dahil sa iba ang punto niya sa pagsasalita, o nagiging tunog “f” ang mga salitang nagsisimula sa “p,” o dahil may tunog-ungol ang kanyang paghinga, siya yung dinodrowing mo sa notebook mo’t nilalagyan ng mga sungay, pakpak at pangil, yung pinupugutan mo ng ulo o sinusunog o sinisibat o pinauulanan ng armalite sa mga scratch paper, siya yung pinag-iimbentuhan ninyo ng mga pangalan tulad ng Raven Villanueva, Spawn, Brooke Shields, Calendar Girl, Mother Teresa, at kung anu-ano pang bansag na sa pagtanda mo’y pagtatawanan mo pa rin kahit di mo na matatandaan kung bakit siya nakakatawa noong naisip ninyo ito ng mga kabarkada mo. Siya yung faculty member na sa sobrang tagal nang nagtuturo sa paaralan ninyo’y na-promote na bilang guidance counselor, pagkatapos ay principal ng grade school department hanggang sa maging principal ng high school department hanggang sa maging presidente ng buong eskuwelahan, kapag patay na ang lahat ng kasabayan niya. Ganoon ang dating ni Vivian, hindi isang nilalang na may kakayahang makita ang kapalaran o hinaharap ng kung sinu-sino.

Kaya naman noong una niyang binalaan si Mai-mai, hindi niya agad napaniwala ito. Para kay Mai-mai, hindi manghuhula ang kanyang Ate Vivian kundi isang tuyot na tuyot na pasas, yung babaeng isang beses lang niligawan, nagkanobyo’t nakatikim ng sex sa buong buhay niya’t hindi na naulit kahit kailan dahil sa napakaraming dahilan, kaya nagpakasubsob ito sa trabaho’t nagkaroon ng maraming pera’t matagumpay na career, pero perpetuwal na malungkot at miserable bilang isang matandang dalaga. Kaya naman sa bawat pagkakataong masusunggaban niya, ginagawa rin niyang miserable ang buhay ng mga kaopisina niya sa pamamagitan ng pagpapaandar ng mga hula, ng mga premonisyong hindi naman magkakatotoo, na imposibleng mangyari. Ganoon ang pagtingin ni Mai-Mai sa kanyang boss, sa kanyang Ate Vivian.

Pero noong tinawagan ni Vivian si Mai-Mai habang hinihintay nito ang berdeng traffic light sa kanto ng East Avenue at EDSA, noong sinabi ni Vivian na bumaba si Mai-Mai sa kanyang kotse at takbuhin ang Tritran Bus Station na nasa kabilang kalye, noong sinabihan si Mai-Mai na sumakay siya sa bus at lumayo, walang pag-aalinlangang sumunod si Mai-Mai, kahit na nabigla siya’t hindi niya makuha ang lohika ng mga sinasabi ng kanyang Ate Vivian. Ilang sandali pa’y nakaupo na si Mai-mai sa isang bus na biyaheng Lucena, dala ang kanyang shoulder bag at ang teleponong nakatapat pa rin sa tenga niya. Eksaktong 8:30 ng umaga sa kanyang relo, nagsasalita pa rin ang kanyang Ate Vivian.

“Lumayo ka, kailangan mong lumayo.”

Si Mai-mai David ang tipo ng babaeng hinding-hindi maniniwala sa hula. Para sa kanya, sa tao nakasalalay ang sarili niyang kapalaran. At napatunayan naman niya ito, noong naging consistent honor student siya sa elementary at high school at dean’s lister naman sa kolehiyo, noong sinabi niyang matututo siya ng gitara at harmonica, at nagkatotoo naman sa loob ng isa’t kalahating buwan, noong sumali siya sa isang public speaking competition sa Germany at nag-uwi ng gintong medalya. Walang pinalalampas si Mai-Mai—mula mountain climbing at scuba diving at Taekwondo hanggang sa tinikling at social dance hanggang sa origami’t paglalaro ng trumpo hanggang sa layouting, animation, web design at video editing hanggang sa events organizing at advertising. Lahat ay kayang gawin ni Mai-Mai, o kung hindi pa niya kayang gawin, matututunan niyang gawin sa loob ng maikling panahon. Ang kaisa-isahang bagay na hinding-hindi niya mapagtagumpayan ay ang mapababa sa 180 pounds ang kanyang 5’ 9” na katawan. Na hindi naman niya talaga sineseryoso, palagi niyang sinasabi.

Kaibigan ni Mai-Mai ang nagrekomenda sa ad agency ni Vivian. Nagkapatung-patong ang mga proyekto sa kumpanya’t kinailangan ang mga dagdag na tao, kaya nakapasok ang freelance artist na si Mai-Mai. Sa unang pagkikita pa lang, naglaru-laro na sa isip ni Mai-Mai ang pagsasanib ng mga matandang principal at mga tuyot na pasas sa katauhan ng bago niyang boss. Kung may mga kabarkada siya, tiyak na naikuwento na niya ito sa kanila’t magdamag na napagtawanan at naimbentuhan na ng kung anu-anong mga istorya.

12:47 na sa relo ni Mai-Mai noong nakarating siya sa Quezon. Sa Lucena Grand Central Terminal huminto ang Tritran na bus. Mas nakakapaso sa balat ang sinag ng araw sa lugar na iyon para kay Mai-Mai, at nagrereklamo na rin ang kanyang tiyang walang kalaman-laman. Noong isang araw pa pala siya hindi kumakain, naisip niya. Subsob sa trabahong binigay ni Ate Vivian at sa iba pang raket. Ang pilosopiya ni Mai-Mai—magtrabaho lang nang magtrabaho, rumaket nang rumaket hanggang kaya. Sayang ang panahon, sayang ang pera, at higit sa lahat, sayang ang talento. Tumingin-tingin siya sa paligid, naghanap ng posibleng mapagtatawiran ng gutom. Ang malaking halo-halo poster ng Chowking ang humuli sa kanyang atensyon.

Umorder siya ng isang halo-halo, meryenda size, at isang plato ng crispy noodles, meryenda size din. Walang available na Hi-C orange kaya nagtubig na lang siya. Bago kumain, binilang niya ang natitira niyang pera. Ang orihinal na 1000 pesos na nasa pitaka niya’y nabawasan na ng 158.50 para sa pamasahe sa bus, at nabawasan uli ng 78 pesos para sa pagkain. Kung hindi siya tinawagan at pinasakay sa bus, nakapag-withdraw siya sana’t mas marami ang dalang pera. Mas panatag sana siya sa pagbabiyahe. Kahit gutom, hindi pa rin nawawala sa isip ni Mai-Mai ang nangyayari sa kanya. Noong tinatanong naman niya si Vivian ay wala itong ibang sinasabi kundi “lumayo ka” o “kailangan mong lumayo” o “basta, tatawagan kita mayamaya.” Sa pagitan ng pagmumunimuni kung ano ang nakita ng kanyang Ate Vivian at kinailangang papuntahin siya sa Chowking Lucena, dahan-dahan niyang sinisimot ang huling piraso ng kanyang crispy noodles, meryenda size, at sinasaid ang huling patak ng kanyang halo-halo, meryenda size.

Ang unang-unang premonisyong natanggap ni Mai-Mai mula kay Vivian ay noong ginawa siyang stage manager sa isang mall fashion show. Wag na wag raw niyang sasabihin kahit kanino ang makikita niya. Makikitang alin? Sasabihin kanino? Ipinagpalagay na lang niyang isa lang iyon sa mga kabaliwan ng kanyang boss, hanggang sa makita niya si Mrs. Perez, propesor niya sa unibersidad at nanay ng kanyang kabarkada sa kolehiyo, na may kahawak-kamay na lalaking mukhang mas bata pa kay Mai-Mai, doon sa kanilang fashion show. Halos awtomatikong nahugot niya ang kanyang cell phone at naitext sa isang dating kaklase ang nakita. Pagkalipas ng tatlong araw, sinugod ni Mr. Perez si Mai-Mai sa kanilang opisina, minumura-mura at sinabing idedemanda siya dahil sa pagkakalat ng masasamang tsismis tungkol sa kanilang pamilya. Pupunta raw siya sa impiyerno, malulunod sa dagat-dagatang apoy dahil ganoon ang ginagawa sa mga sinungaling. Inulan din siya ng text mula kay Alina Perez, ang kanyang kabarkada sa kolehiyo. Palibhasa’y pangit daw siya kaya siya nagkakalat ng tsismis. Baboy na nga, sinungaling pa. Kaya raw hindi nagkaka-boyfriend si Mai-Mai, dahil bukod sa mukha siyang meteorite ay inggitera pa siya’t tsismosa. Pagkatapos ng insidenteng iyon, nabura na si Mai-Mai sa mga phonebook ng kanyang college barkada. Nasundan pa ang mga babalang ito—ang pagkabali ng hinliliit sa kaliwang kamay ni Mai-mai. Ang pagkapanalo niya sa isang digital art competition. Ang pagkamatay ni Dr. Jimmy, ang alagang pusa ni Mai-Mai.

Ang pagkikita nila ni Ryan, ang kanyang nobyo, sa elevator ng kanilang opisina.
“Si Ryan!” Bago pa mahugot ni Mai-Mai ang telepono para tawagan ang nobyo’y nag-ring na ito. Si Vivian ang tumatawag.

“Wag mo siyang tatawagan. Wag mo na siyang tatawagan kahit kailan.”

Bago pa makapagtanong si Mai-Mai ay siningitan na siya ni Vivian.

“Tumingin ka sa kaliwa.”

May isang matandang babaeng nakadaster na dumaan sa gilid ni Mai-Mai. Tuyot ang inuuban nitong kulot na buhok at kinakaliskis na ang sunog na balat. Madaling maaaninag ang mga buhok na lumalabas sa butas ng ilong niya’t sa tenga, mga itim na hibla sa binti at kilikili. Buhat-buhat ng ale ang dalawang malaking bayong na may lamang mga delata , chichirya, instant noodles, instant pancit canton, mga maliliit na piraso ng puting tawas, dilaw na tawas, bawang, pamintang buo, pamintang durog, dahon ng laurel, bulaklak ng saging, chlorine, oxalic, food color, mga kahon ng Hope, More, Mark, Philip, Marlboro, ilang supot ng bigas at isang piling ng saging na señorita.

“Sundan mo.”

Nalilito at naiirita man nang kaunti’y sumunod naman si Mai-Mai sa aleng nakadaster. Paglabas ng Chowking, kumanan ang ale at nagpunta sa dulo ng pamilihan, umakyat sa isang maliit at may kalumaang bus na biyaheng Mauban. Umakyat din si Mai-Mai, naupo sa upuang nasa likuran ng aleng nakadaster, inabot ang 35 pesos na pamasahe sa konduktor. 1:30 na sa kanyang relo.

“Sa Cagbalete.”

“Sa ano?”

“Sa Cagbalete, doon ka pupunta.”

Sabay putol ng linya. Namatay ang telepono ni Mai-Mai. Napabulong siya nang isang iritadong “Oh Jesus Clusterfuck!” at pinagsisihan niya ang di pag-charge ng kanyang telepono. Ipinahinga niya ito nang ilang minuto at nang muling buksan, wala na itong signal. Magdi-display ang CHECK NETWORK SERVICES sa kanyang telepono sa susunod na isang oras ng biyahe. Nakatulugan na ni Mai-Mai ang pagbabalik ng inaabangan na signal.

Nakahinto na ang bus pagkagising ni Mai-Mai. Siya na lang ang natitirang pasahero sa loob. Tiningnan niya ang oras sa kanyang relo, pero wala na ito sa kaliwang braso niya. Wala na rin ang shoulder bag, ang wallet at telepono niya. Dalawang malalaking bayong na puno ng paninda ang katabi ni Mai-Mai, mga bayong ng aleng sinusundan niya. Muli niyang tiningnan ang braso niya, lubhang umitim ito’t halos kinakaliskis na. Kinakalyo ang kanyang mga palad. Kinapa ni Mai-Mai ang mukha niya’t naramdaman ang napakaraming gatlang dulot ng katandaan. Hinahangin ang kanyang kulot at puting-puting buhok, pati ang kanyang daster na suot. Natanaw niya ang dalawang umbok ng kulu-kulubot at lawlaw na mga suso, gumagalaw-galaw kasabay ng kanyang mabilis na paghinga.

“Ay, dito na po tayo, Manang.” Nakangiti ang konduktor habang nag-aastang bubuhatin ang mga bayong na dala ni Mai-Mai. Nagulat man at natatakot sa mga nangyayari, tumayo na si Mai-Mai at ngumiti rin sa konduktor.

“Saan po ba ang sakayan papuntang Cagbalete?”

At itinuro ng konduktor ang direksyon kay Mai-Mai. Hindi dyip o tricycle ang kailangang sakyan niya kundi lantsang dumadaong sa may seawall ng bayan. Buhat ang dalawang malaking bayong, dinaanan ni Mai-Mai ang kulay pink na munisipyo, ang simbahan, ang ilang karinderyang nagbebenta ng paborito niyang halu-halo, mga tindahan, beauty parlor at bilyaran, mga sakayan ng tricycle, bentahan ng ice cream at mga bahay, hanggang sa makarating siya sa daungan sa may seawall—isang maliit na tulay na gawa sa mga piraso ng kahoy na nakapatong sa mahabang pader, harang na naghihiwalay sa dagat at sa bayan. Sa gitna ng seawall, may isang malaking rebulto ng lalaking nakabahag at may suot na putong, hawak ang espada sa kanang kamay, abot-langit at bukas-bunganga ang pagkakangiti sa tubig-alat. Sa tapat ng rebultong ito ibinaba ni Mai-Mai ang mga dalang bayong at nagpahinga sandali. Wala pa siyang natatanaw na lantsa sa paligid. Dala ng pagod at pagkalito, napatungo siya’t napapikit.

“Hindi mo na siya naabutan.”

Napatingala si Mai-Mai. Sa tapat niya at ng rebulto ng lalaking nakangiti’y may isang babaeng nakaupo sa seawall, nakatalikod sa kanya’t nakatingin sa direksyon ng dagat. Maganda ang hubog ng babae, at kahit nakatalikod ay nababatid ni Mai-Mai na wala pa sa bente anyos ang edad ng kaharap niya. Kasingtanda niya siguro, naisip niya. Lumilipad-lipad ang makintab at diretsong buhok ng babae sa hanging dala ng dagat.

Lumapit si Mai-Mai sa babae’t naupo sa tabi nito. May kakaibang pamilyaridad na naramdaman si Mai-Mai habang tinitingnan ang makinis at maputing kutis ng kanyang katabi. Nakatingin pa rin ang babae sa malayo.

“Pupunta ka sa Cagbalete ano?”

Tumango si Mai-Mai. Ilang minuto bago nagsalita uli ang babae.

“Hindi na siya babalik.”

“Ang alin? Yung lantsa?”

Hindi nagsalita ang kausap ni Mai-Mai. Tumingin lang ito sa kanya, matagal.
“Alam mo bang dahil sa kanya, naging loka-loka ako? Ganoon naman kasi talaga, di ba? Pag mahal mo ang isang tao, nawawala ka sa sarili mo.”

Nakita ni Mai-Mai ang pamumuo ng luha sa mga mata ng babae.

“Alam mo bang ni hindi siya nagsabing pupunta siya sa Hongkong? Basta, isang araw na lang, nandoon na siya. Ganun-ganun na lang. Akala mo, may silbi ang limang taong pakikisama sa kanya? Akala mo, may bigat ang pagbabalewala mo sa mga sinasabi ng mga kaibigan at kamag-anak mo para lang sa kanya?”

Katahimikan.

“Sabi ng kaibigan niya, may asawa na raw siya doon sa Hongkong. Pero matagal na niyang girlfriend yun. Sila na noong kami pa.”

Katahimikan.

“Naranasan mo na bang maagawan?”

Sabay tingin uli sa malayo.

Nakaramdam si Mai-Mai ng pagkahiya. Isang tahimik na hiya, hiyang katulad ng karanasan niya noong third year high school siya, noong napagod na siya sa pagdidiyeta’t pag-eehersisyo kaya sumubok siya ng diet pills. Hindi iyon katulad ng mga diet tea at mga gamot na ibinebenta sa telebisyon, mga produktong magpapasimula nang walang katapusang pagtatae para mailabas mo ang mga tabang kinakain mo. Walang pagtataeng naranasan si Mai-Mai, walang pagkawala ng gana sa pagkain o pagkakaroon ng anumang sakit. Pumayat siya’t napansin ito ng mga kaklase niya. Ngunit ang kapalit—ang magrasang likidong lumalabas sa puwitan niya araw-araw, langis na kamukha ng sebong natitira sa mangkok na nilagyan ng kare-kare o mechado. Madulas at madilaw na tabang tinunaw ng gamot, mantikang gumuguhit sa puwitan ng kanyang panty noong mga araw na iniinom niya ito. Tahimik na hiya, walang nakakaalam pero nakakahiya pa rin, tulad ng gabi-gabing pasikretong paglalaba ni Mai-Mai ng kanyang isinuot na panty, tulad ng tagong pakiramdam ng madulas at magrasang tumbong habang pinupuri ng mga kaklase ni Mai-Mai ang pagbaba ng kanyang timbang. Tahimik na hiya.

Ang Ate Vivian naman niya ang nagpayo sa kanya. Sabi niya, sige lang, sagutin mo si Ryan. Magiging masaya ka. Kahit na papasok siya sa telenobelang mundo, sige lang, magiging masaya siya. Kahit na magiging tago ang kanilang relasyon ng TV producer na yun, sige lang. Kahit na may asawa na ang kliyente nila ni Vivian, sige lang, magiging masaya siya. Hinding-hindi nagkakamali ang mga hula ng kanyang Ate Vivian, kaya sige lang, tumalon siya, lumusong sa isang melodramatikong relasyon at sitwasyon.

At totoo naman, naging masaya si Mai-Mai. Sa loob ng dalawang buwan, naging masaya siya sa mga pasikretong pagkikita nila ni Ryan. Hinintay-hintay niya ang mga tawag at text nito sa telepono niya. Ninamnam nila ang mga takas na pagpapasyal-pasyal at pagtatagpo. Naging masaya siya, tulad ng sabi ni Vivian.

Hanggang sa araw na iyon, sa araw na tinawagan siya ng kanyang Ate Vivian at pinapunta sa Cagbalete, kung saan sa gitna ng pagbabiyahe’y nakasama niya ang isang misteryosang babaeng umiiyak, at isang malaking rebulto ng lalaking nakabahag at nakabungisngis sa dagat.

4:00 ng hapon dumating ang lantsang papunta sa Cagbalete, yun ang sabi ng relo ng katabing babae ni Mai-Mai. Nakatingin pa rin sa malayo ang babae, lumuluha pa rin. Inilabas na ng isang bangkero ang tulay na gawa sa tabla’t kawayan at ipinatong ito sa daungang nakadikit sa seawall. Isa-isang umakyat paalis ng lantsa ang mga pasaherong nanggaling sa Cagbalete, at parang bulang sumulpot naman sa paligid ang mga taong magiging bagong pasahero. Kasama rito ang isang grupo ng mga teenager na maingay at masayang nagkukuwentuhan, may dalang camera ang isa. Mukhang taga-Maynila, naisip ni Mai-Mai. Pinapipirma muna sa isang listahan ang mga pasaherong sasakay sa lantsa. Pagkatapos maisulat ni Mai-Mai ang pangalan niya’t address sa listahan, pagkatapos maiabot ang 25 pesos na nakuha niya sa nakitang maliit na pitakang may lamang dalawang bente’t ilang tigpipiso, nagpaalam na siya sa babaeng nakaupo sa seawall. Hindi ito tumingin kay Mai-Mai pero may sinabi ito sa kanya.

“Ikuha mo ako ng isang bituin pagdating mo doon ha?”

Ilang sandali pa’y nasa loob na ng lantsa si Mai-Mai, katabi ang kanyang dalawang malaking bayong at ang grupo ng mga taga-Maynilang naghaharutan pa rin. Dahan-dahang lumayo sa seawall ang lantsa. Tiningnang muli ni Mai-Mai ang babaeng nakaupo sa sementadong pader at ang rebultong nakabungingis sa direksyong pupuntahan niya. 4:37 ang oras sa relo ng kanyang katabi.

Habang umaandar ang lantsa, napansin ng isang taga-Maynila ang bayong na dala ni Mai-Mai.

“Para saan po iyan?” Itinuro ng bata ang dilaw na tawas na nasa loob ng maliliit na supot.

“A, ito? Para ito sa panghuhuli ng lason. Kapag idinikit mo ito sa isang basong may lamang inumin at nalaglag ito, ibig sabihin ay nilagyan ng lason o gamot ang inumin mo, o kaya’y nilagyan ng sumpa.”

Natuwa ang bata sa impormasyong ibinahagi ni Mai-Mai. Siya naman ay nagulat, hindi niya maipaliwanag kung bakit niya alam at kung paano niya nalaman ang sinabi niya sa kausap niya sa lantsa. Pero noong tinanong na naman siya ng mga kasama ng bata, nasagot pa rin niya ang mga tanong nito.

“Kapag marumi ang tubig ninyo, maghahagis ka lang ng pinulbos na puting tawas, mga dalawang kutsara kada isang dram ng tubig. Maghintay ka nang mga dalawang oras at siguradong pag binalikan mo ang tubig ay nahatak na ang lahat ng dumi sa ilalim ng dram. Itong pinulbos na chlorine naman ay epektibo sa pag-aalis ng mantsa, ihahalo mo ang isang kutsarita sa isang galong tubig at ito ang ibubudbod mo sa mga mantsa para maalis. Para sa tiles naman ang oxalic, tinutunaw din siya sa tubig. Pero kailangang may suot kang gloves kapag ginagamit mo ito, nakakasunog kasi siya ng balat. Kung gusto mo namang magpalayas ng masamang espiritu, magsisilab ka lang ng bunot at bao ng niyog, at kapag nagbabaga na ito’y ihahagis mo ang dalawang piraso ng puti at dilaw na tawas at isang putol ng natuyong palaspas na nabasbasan ng pari. Ang usok nito ang ikakalat mo sa paligid ng bahay o anumang edipisyo’t siguradong mawawala ang lahat ng masamang elemento rito.”

Habang tumatagal ang pagpapaliwanag ay lalong nalilibang si Mai-Mai. Masarap nga palang magturo, naalala niya. Sinabi niya noon sa mga kabarkada niya, noong nasa kolehiyo siya, na magiging guro siya, isang propesor sa isang sikat na unibersidad. Natutuwa siya sa ideya na kaya mong impluwensyahan ang buhay ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo. Sinabi rin niya noon, hinding-hindi siya aalis sa unibersidad nang hindi nakakagawa ng pangalan para sa sarili niya. Hindi siya mawawala nang basta-basta, hinding-hindi siya mabubura sa alaala ng mga taong nakilala at makikilala niya.

“Tagasaan po kayo, Manang?”

Natigilan si Mai-Mai sa pagsasalita.

“A, ano, hindi ako tagarito.”

“Talaga po?”

“Oo.”

“Pare-pareho po pala tayong dayo.”

“A, oo.”

At nagngitian na lamang sina Mai-Mai at ang mga taga-Maynila. Mayamaya’y nawalan na rin ng interes ang mga bata sa pakikipag-usap sa kanya’t bumalik na sila sa kani-kanilang pagkukulitan. Napansin ni Mai-Mai ang dalawang malalaking bloke ng yelong dala ng isang pasahero. Walang kuryente sa pupuntahan ko, agad na pumasok sa isip niya. Pagkalipas ng tatlumpung minuto, natanaw na ni Mai-Mai ang dalampasigang nilalatagan ng puting-puting buhangin. Malinaw na asul ang tubig sa ilalim, asul ng langit.

Malayu-layo pa sa dalampasigan noong huminto ang makina ng lantsa. Masyadong mababaw ang tubig para sa malaking sasakyan, pero masyadong malalim naman para sa mga pasahero. Sa paghinto ng lantsa, sumalubong naman ang dalawang mas maliliit na bangkang de-sagwan. Doon sa mga maliit na bangka sumakay ang mga pasahero’t dinala sila nito sa mainit-init na puting buhangin ng Cagbalete. Sa wakas, nasa Cagbalete na si Mai-Mai.

Hinagilap ni Mai-Mai ang mga dala niyang bayong, pero nawawala na ang mga ito. Siniguro naman niyang dala niya ito sa maliit na bangka pero hindi na niya talaga ito makita. Hindi niya agad-agad napansin ang pagbabalik niya sa sarili niyang katawan, katawang walang saplot mula ulo hanggang paa. Nawala rin ang lantsa, ang mga maliit na bangka, nawala ang mga pasaherong kasabay niya sa pagpunta sa islang iyon. Tumingin-tingin siya sa paligid, napansin niya ang lalaking nasa malayong gilid ng dalampasigan. Nagtatatalon ang hubo’t hubad lalaki, kumakaway-kaway at sumisigaw sa kanya.

“Mai-Mai!”

Tumakbo palapit sa kanya ang lalaki. Saka lamang nakilala ni Mai-Mai ang lumalapit sa kanya noong mga ilang hakbang na lang ang layo nito.

“Julian?”

“Antagal mo naman! Kanina ka pa namin hinihintay!”

Bago pa makasagot si Mai-Mai ay nasunggaban na ni Julian ang braso niya’t hinatak siya papunta sa malayong gilid ng dalampasigan. Hinihingal at nagtataka man ay nakanakaw pa rin si Mai-Mai ng isang silip sa nakangiting mukha ni Julian. Nakaramdam ng kakaibang kilig si Mai-Mai noong natanaw niya ang maliit na biloy ng kanyang kasama.

Soulmates sila ni Julian, ganoon palagi ang ikinukuwento ni Mai-Mai. Nakatakda silang magsama, kung hindi man sa kasalukuyan nilang buhay ay sa nakaraan o hinaharap. Nilalamon ni Mai-Mai ang mga paniniwala niya tungkol sa free will at kawalang-silbi ng destiny kapag si Julian na ang pinag-uusapan. Parehong lumaki sa iisang subdivision, classmates simula elementary hanggang high school, coffee at film buddy noong nasa kolehiyo. Si Julian ang perenyal na tagaisip ng mga tukso para kay Mai-Mai, tulad ng Super Boink, Ms. Piggy, Titanic, Asteroid M. Si Mai-Mai naman ang perenyal na tagagawa ng mga papel at report ni Julian. Nagpa-Powerpoint Presentation at Flash Animation na si Julian habang cartolina at manila paper pa lang ang alam na teknolohiya ng mga kaklase nila. Si Mai-Mai ang one-woman cheering squad tuwing may swimming competition ang kanyang soulmate. Si Mai-Mai ang tagapili ng damit at tagaayos ng buhok ni Julian kapag may audition ito sa kung saang commercial. Minsan, sinabi ni Julian sa kanya, bakit kaya kahit kailan ay hindi nila naisip na maging mag-on?

Noong nakaraang Enero, tatlong buwan bago siya mapadpad sa Cagbalete, kinuha ni Julian si Mai-Mai na maging wedding planner ng kasal niya. Hindi pa sila nagkikita o nagkakausap pagkatapos ng engkuwentrong iyon.

Hanggang sa sandaling tumatakbo siya kasama ni Julian, hubo’t hubad, sa isla ng Cagbalete. Mga puno na lang ang nakapaligid sa kanila noong huminto sila sa pagtakbo, mga puno at ang malawak na dagat. Sa laot nakatutok ang titig ni Julian habang si Mai-Mai ay nakayuko’t hinahabol ang hininga, nakatukod ang mga kamay sa mga nanginginig na tuhod. Sandaling katahimikan.

“Ang labo ‘no?”

Napabuntung-hininga na lang si Mai-Mai.

“Oo nga, hindi ko maintindihan.”

Tumindig si Mai-Mai, at nabigla siya sa pagyapos ni Julian. Matagal. Mahigpit. Naririnig ni Mai-Mai ang pagtunog sa dibdib ng kayakap.

“Ganito talaga siguro.”

“Ang alin?”

Hindi na sumagot si Julian. Bumitaw lang siya sa pagkakayakap at hinalikan niya si Mai-Mai sa labi. Napapikit si Mai-Mai, at naramdamam niya ang pag-iipit ng mga kalamnan sa butas ng puwit niya kasabay ng pagpigil niya sa kanyang paghinga.

“Na-miss kita.”

Tumakbo si Julian, palayo kay Mai-Mai, papunta sa dagat. Mabilis ang pagtakbo ni Julian, hindi kayang habulin ng mabigat na katawan ni Mai-Mai. Pareho na silang malayo sa dalampasigan pero hindi lumalampas sa baywang ang lalim ng asul-langit na tubig. Sinisigawan ni Mai-Mai si Julian pero hindi ito lumilingon sa kanya’t hindi rin ito tumitigil sa pagtakbo.

Biglang napaluhod si Mai-Mai. Natusok ang talampakan niya ng kung anong matigas na bagay. Sinubukan niyang kapain ito, sinubukan niyang dukutin. Noong masunggaban ang bagay na tumusok sa kanya’y iniangat niya ito mula sa tubig. At nakita niya ang salarin—isang malaking kulay kahel na bituing-dagat, matigas at matalas ang mga maliliit na sungay sa katawan nito. Tatawagin sana ni Mai-Mai si Julian para ipakita ang napulot niya pero wala na si Julian. Wala nang kasama si Mai-Mai, maliban sa hugis-talang organismong hawak niya. Maglalakad na siya sana pabalik sa dalampasigan, pero bigla siyang sinakmal ng matinding hilo. Siya ba ang umiikot o ang paligid niya? Hindi niya alam, hindi siya sigurado. Nagpatuloy siya sa paglalakad, hindi batid kung papalayo siya o papalapit sa dagat na gusto niyang takasan. Lumipas ang ilang minuto’t hindi na nakayanan ni Mai-mai na balansehin ang katawan niya. Tumumba siya, humapas ang mukha sa tubig. Sa sandaling pagkakadilat habang nakalubog, nakita niya ang daan-daang bituing-dagat, tahimik na nakahiga sa buhangin, matiyagang naghihintay sa mga bisitang mapapadaan.

Pumikit si Mai-Mai. Sa kabilang panig ng dagat, nakaupo pa rin sa tapat ng rebultong nakabahag ang babaeng nakausap niya, umiiyak habang nakatingin sa kawalan. Sa likuran ng babae, patuloy na bumubungisngis sa dagat ang walang-buhay na estatwa.

 

***

Ang “Abot-talampakan ang mga Bituin sa Cagbalete ay kwentong naisulat ko noong 2005.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.