Trigger Warning

 

Isang normal na araw lang dapat iyon, sa pagkakatanda ko: nag-ehersisyo ako sa gym; kumain, pumasyal at bumili ng t-shirt sa katabing mall, bumiyahe pa-Los Baños para manood ng dulang isinulat ko para sa mga estudyante doon. Nag-message ako sa mga kaibigan, nagyayang makinood din. Sa partikular, kausap ko ang isang matagal nang kaibigang nakakatrabaho na rin sa kung saan-saang proyekto at raket. Sabi ko, magkita naman kami para maalala pa naming tao pa kami. Ganoon naman ako lagging magbiro, alam naman niya iyon. At kasabay ng pagpayag niyang manonood siya ng dula, magkikita kami saglit bago ang opening ng show. Tambay-tambay, chikahan nang kaunti. Masaya ring magkuwentuhan nang hindi tungkol sa trabaho, siguro ganoon lang ang takbo ng utak ko noon. Pero may trabaho din ako, may kailangang isulat pa. Buti’t maaga ang dating sa Elbi. Nagpadala ako ng mensahe sa kaibigan, sabi ko’y magsusulat lang ako bago kami magkita. Oks naman sa kanya.

Sa pagitan ng pagtatangkang makahabol ng mga talata sa di matapos-tapos kong disertasyon. Nagpapalitan kami ng mensahe ng aking kikitaing kaibigan. Sasama kami sa pasyal sa IRRI kasama ng iba pang mga kaibigan bago manood sa evening schedule ng play. Kitakits. Dadaan na lang din siya sa pinagtatambayan ko pagkalipas nang ilang minuto. Oks. Game diyan, tatapusin ko lang ang ilang pahina, sabi ko. Mayamaya, nagpasabi na siyang hindi na pala siya pwedeng maki-IRRI, saka hindi na rin siya makakanood sa panggabing palabas. Doon na lang siya sa panghapon na sked. May naoohan na pala siyang ibang lakad sa gabi, hindi lang niya naalala. Nawirduhan ako, pero sige, oks lang naman, pwede naming magkita na lang kahit bago magsimula ang panghapon na show. Bakante rin naman ako kaya baka pwede na rin akong manood sa hapon at umulit na lang sa gabi. Oks daw, natuwa naman siyang masasamahan ko siya. Mayamaya’y may message na uli na may nahatak na rin siyang makinood, na doon na lang kami magkita sa teatro at kakain na rin sila ng tanghalian. Sige, oks lang naman, ayos lang sabi ko. Tumingin na lang ako ng mga laruan doon sa isang tindahan malapit sa campus, dumiretso ilang minute bago mag-open house. Nag-abot naman kami doon ng kaibigang kikitain, nakapagchikahan nang ilang minuto. Pagkatapos ng palabas, nahatak din siyang sumama sa amin, kasama ng iba pang kaibiga, para magmeryenda bago sila pumunta doon sa lakad na naoohan niya. Inulit ko ang panonood kasama ng iba pang mga kaibigan kinagabihan. At habang natuwa ako sa suporta ng mga kasamang nanood noong gabi, may umaalingawngaw na pakiramdam ng lungkot para doon sa eksena ng pagpapalit ng mga plano doon sa kaibigang kikitain ko dapat ayon sa orihinal na plano.

Ilang buwan na rin ang nakalipas mula noong nangyari iyon, pero naiisip ko pa rin ang mga eksena paminsan-minsan at naroon pa rin ang di mapagpag na lungkot at pagkabalisa. Nagulat din ako—wala sa plano ang maging malungkot at mairita para sa kung tutuusin ay napakaliit na bagay. Maliit na bagay lang iyon, sa rasyunal na bahagi ng utak ko ay alam na alam ko naman ito. Sa dami ba naman ng pinagdaanan ng lahat, sa dami ng mga nakilala at nangyari, ano ba naman ang maliit na pagbabago ng plano? Pero eto, naiisip ko pa rin ang pangyayri, at pinag-iisipan kung bakit nga ganoon. Siguro, may ugali talaga akong nayayanig kapag may nalilihis sa plano; siguro, akala ko, sa pagpasok sa edad trenta’y nalagas ko na ang mga taong magse-set ng plano at bigla-biglang magpapalit; siguro sa pangkalahatan ay ayaw ko lang ng pakiramdam na di ka mahalaga, o na nakakaabala ka o nagpipilit ng sarilil; siguro’y masyado lang akong mapag-isip, tungkol sa buhay ng mga kaibigan at sa pagbibilang ng oras at iba pang mga bagay na di naman dapat ibinibilang.

Maraming siguro, at ang rasyunal na bahagi ko ay magdidiktang hindi marapat at hindi rin makabuluhan ang ilapit pa ito sa taong kinauukulan dahil maraming haka at pagkabalisang hindi angkop ipasa sa kanya o sa iba sa kasalukuyang panahon. Pero muli, nababagabag ako, naiistorbo hanggang sa ngayon, kaya heto’t nagsusulat sa munting sulok ng aking birtuwal na espasyo. Sa pag-iisip, naaalala ang parehong pakiramdam. Doon, doon sa mga araw pitong taon na ang nakaraan. Doon sa panahong pupunta ako sa dating karelasyon para magdala ng cake o ice cream o anumang pameryenda, pagkatapos ay maghihintay ako nang matagal sa labas ng gate dahil bigla siyang sumama sa isang kabarkada para mag-ukay-ukay kahit alam niyang magkikita kami. Doon sa mga araw na magyayaya akong mag-jogging sa campus at muli’y wala akong aabutan sa bahay dahil nauna na siyang umalis para tumakbo mag-isa, nadadiyaheng makasama o makasabay ako. Doon sa mga ganoong klase ng pagkakataong may pakiramdam ng kawalang-halaga, doon ako naibalik at naibabalik ng eksenang hindi ko napaghandaan nitong Mayo. At batid kong saliwa, may hindi pagtutugma, kaya nga ako rin mismo ay nahihiya. Ang itumbas ang danas ng dating karelasyon sa isang insidente kaugnay ng isang kaibigan, na may mga malinaw at matingkad na pagkakaiba sa konteksto at danas. Batid ko ang di pagtutugma ng rasyunal na isip at kaba ng dibdib. Sa konklusyon, sa pinakamaliit, ibinabalik ko sa pagpaalala sa sariling may mga sakit na di pa talaga lubusang gumagaling, at may mga pagkakataong magpapaalala muli nito nang hindi sumusunod sa dikta ng angkop na katwiran, pagtutumbas, o pagpapanahon.

Sana nga’y dumating pa ang pagkakataong maibahagi ko sa kaibigan ko ang mga naramdaman at naproseso ko mula sa nangyari. Sana nga’y may ganoon pang pagkakataon. Pero habang hindi pa nangyayari ito, mas mainam na nga sigurong dito na lang muna. Hanggang dito na lang. Ang dikta ng kanya-kanya naming mga alarm clock, kalendaryo, at to-do list ang mangangalampag sa sarili at magsasabing hindi ito ang panahon, walang panahon para sa ganitong mga pakiramdam at pagdaramdam.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.