Diyes Sentimong Senti Moments ni Ms. Ligaya Nazareno, Student # 1999-xxxxx

Galing ito sa librong A-Side/B-Side (Ang mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo) na inilimbag ng Milfores Publishing noong 2009.  Ang nakalagay dito ay huling bahagi mula sa sampung piraso ng kuwento ni Ligaya Nazareno, isang tauhang may mga salaysay na hinugot sa playlist ng unang reunion concert ng Eraserheads.

***

10.

Nakaupo si Ligaya Nazareno sa may Sunken Garden, sa ibabaw ng bakal na pantakip ng mga tubo at alambreng nag-uugat-ugat sa ilalim ng Unibersidad. Kakapatak pa lang ng alas-sais sa kanyang relo. Nagsimula nang mabawasan ng init ang hangin sa unang araw ng Abril. Pinagmamasdan niyang unti-unting mawala ang pagkadilaw ng mga bulaklak sa puno ng akasya, habang isinasabay sa pagdalaw ng dilim ang pagbuntung-hininga’t pagsabi sa sariling “matagal-tagal na rin pala akong hindi nakakabalik dito.”

Matagal-tagal na. Matagal-tagal nang hindi nakakatungtong sa Sunken si Ms. Ligaya Nazareno, matagal-tagal nang hindi nakakatapak sa UP. Siguro’y natapos na niya ang kanyang kurso’t kumikita na nang malaki. Siguro’y nagpalit siya ng kursong gustong aralin, tulad ng kanyang idolong si Felicity. Posibleng ni hindi pala siya nakapagtapos. Maraming posibilidad, lahat ay hindi pwedeng isiwalat. Baka maakusahan pa siyang nagiging masyadong defensive sa mga byahe sa kanyang buhay. Ang tanging malinaw, ang tanging pwedeng ikuwento, ay ang kanyang pagbabalik sa Unibersidad, ang kanyang pagtingin sa mga nagsusulputang bituin, at ang kanyang pagsesenti sa unang araw na nakatungtong siya sa mga kalye ng eskuwelahang nagpakilala sa kanya ng sanlaksang senti moments.

***

“Ano ang makikita sa Sunken kapag nagpaumaga ka?”

Nakaukit sa isang cabinet ng kanilang kuwarto sa Kalayaan ang tanong na iyon. Kakatapos lang nilang bumisita sa isawan. Amoy tinustang bituka’t ipot ng manok at suka ang hininga ni Ligaya at ng kanyang mga bagong kaibigan habang nagtatawanan at nag-aayos ng kanilang mga gamit sa kanilang bagong tirahan. Ano nga kaya, ito siguro ang tumatakbo sa utak ni Ms. Nazareno, na ang nag-iisang impormasyon na alam tungkol sa Sunken Garden ay mula sa Eat Bulaga, noong nag-guest ang papasikat pa lang na si Regine Velasquez at ibinalitang doon siya magko-concert.

“Sabi sa TV, lumulubog daw yun kada taon!”

“Sabi ng nanay ko, maraming nagse-sex dun!”

“Oo nga, may nagbanggit din sa akin, andaming nasisirang lawnmowers dun, kasi laging nasasabitan ng gamit na condom!”

“Di ba sa Lagoon din may ganun? Saan nga ba yun?”

At para matapos ang usapan, nagkahatakan sina Ligaya at ang kanyang mga kasama sa Rodic’s, nag-takeout ng tig-iisang tapsilog, at naligaw nang ilang ulit bago matunton ang kanina pang pinag-uusapan at hinahanap. Naakit sila ng nakaangat na bakal, ang kinakalawang na pantakip ng mga tubo at alambreng nag-uugat-ugat sa ilalim ng Unibersidad. Kasyang-kasya ang apat na magkakasama sa inimbentong upuan. Kinain nila ang kanilang takeout na tapsilog, natakot sa mga namamalimos na rugby boy, naglaro ng shaggedy-shageddy, at nang napagod ay nahiga, nakatingin sa mga maliit na ilaw sa langit habang kinukuyakoy ang mga nakalambitin na binti.

“Ano, Ms. Nazareno,” hirit ng kasama ni Ligayang iniaabot sa langit ang mga kamay, “naisip mo bang magiging ganito ang unang araw mo sa kolehiyo?”

Ginaya ni Ligaya ang kasama. Tiningnan niya ang mga maliit na ilaw sa langit, itinaas niya ang kanyang mga braso. Sa kanyang paningin, kinukurot ng kanyang mga daliri ang mga kumurap-kurap na bituin.

“Hindi, malayung-malayo.”

Iyon ang unang araw na inumaga si Ligaya sa Sunken Garden. Unang araw na napagalitan ng dorm manager. Pero, pagkatapos ng araw na iyon, kapag nakikita ni Ms. Ligaya Nazareno at ng kanyang mga kasama ang nakaukit na tanong sa kanilang cabinet, tulad ng mararanasan ng mga susunod na Ligaya Nazareno sa kuwartong iyon sa Kalayaan, napapangiti sila, napapabuntung-hininga. Nakita na nila kasi ang sagot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.