Once More, with Feeling

Buffy Season 6, Episode 7 ang takbo ng maraming bagay ngayon: kumikilos para masabing kumikilos. Ginagalaw ang mga inaasahang galaw. Isang malaking musical ang palitan ng mga eksena, maliksi ang mga awit at mas magaslaw ang mga indak. Napagtagumpayan ng mga kaibigan ng bida ang paghugot sa kanya mula sa impyerno–ito ang cliffhanger na iniwan ng nakaraang season. Ang hindi alam ng mga mahal sa buhay ng bida, sa pagnanais nilang bumalik sa normal ang lahat ay hindi na nila napansing hindi impyerno ang pinaghugutan nilang mundo ng minamahal nilang superhero na kaibigan.

Simula noong nagkaroon ako ng karagdagang gawaing administratibo–o baka kahit naman noon-noon pa, itinatanggi ko lang o ayaw kong ipagyabang–tinatangka kong maging si Buffy sa Season 7, Episode 11, noong ipinakita ng bida sa kanyang mga kasama na kaya niyang pataying ang isang Turok-Han o Ubervamp. Dito sa huling season na ito kasi, nakaharap na ni Buffy sa isang episode ang Ubervamp na ito, itong bampirang gaya ng sinasabi sa pangalan ay mas malakas at mas mabilis, naiiba sa mga nakalaban ng bida sa mga naunang season ng serye. Bukod sa pagpatay ng mga bagong uri ng kalaban, kailangan ding pamunuan ni Buffy ang pagpasok ng potential slayers, ang mga dalagang nakapila para maging kasunod ni Buffy kung sakaling mamatay siya. Pero hindi basta-basta mamamatay ang bida. Namatay na siya, oo, at dalawang beses pa, pero laging nabubuhay. Ano ba naman ang panibagong kalaban, ano ba naman ang panibagong pagkagunaw ng mundo. Nalampasan na niya ang maraming pagsubok–pagkawala ng maraming mangingibig, pagyao ng mga kaibigan, ang pagbabago ng realidad upang itago niya ang isang mahiwagang nilalang at itrato bilang kapatid niya, ang mamatayan ng ina. Hindi na ito bago sa kanya. Kaya ito, ito rin ang sinisikap kong maging mantra. Ang labanan ang kalaban. Ipakita sa iba na kahit hindi halimaw ang makakabangga, kahit dambuhalang paperwork lang ito, o PhD, o deadline sa pagsunod sa mga quality assurance target ng Unibersidad, kaya kong ipakitang lahat ng ito ay madaling mapagtagumpayan. Pero, gaya naman ng naranasan ng iniidolo kong bida sa paboritong palabas, itinuturo rin naman ang leksyon tungkol sa iba’t ibang kondisyon ng iba’t ibang uri ng nilalang. Nagawa ni Buffy ang tingin niyang dapat gawin, baka nagawa ko ang sa akin, pero siguradong hindi namin nagawa nang mag-isa, at hindi rin nagawa nang walang kung anumang antas ng suporta o/at pribilehiyo. Ang bawat posisyon ng kapangyarihan ay ayun na nga, mga posisyong may kapangyarihan.

Kaya baka tama ang sabi kay Buffy sa Season 7, Episode 19, tungkol sa paggigiit ng sarili dahil may mga pinagdaanan at may pinagtagumpayan: “that doesn’t make you better than us. It makes you luckier than us.”

Pag tambak ng mga gawain at iba pang mga dapat isipin, sumasagi sa hiraya ang humiling ng ibang mundong gagalawan. Parang Season 3, Episode 9 lang. Pero sa palabas sa TV, sa mga aklat, sa iba pang mga palaruan ng imahinasyon, ang alternatibong uniberso ay palaging pansamantala lang; kung hindi pansamantala, laging may dulot na kapahamakan. Dito sa napanood ko, sama ng loob ang pinaghugutan ng pag-iiba ng mundo. May leksyon bukod sa huwag magdesisyon habang masama ang loob–naroon din ang paniniguro na anuman ang pagsasanga-sanga ng iba-ibang mga mundo, may mga realidad na magtatagpo, magsasala-salabat, sa akmang panahon.

Inaamin kong may mga araw na mas ramdam ang pagiging Season 4, Episode 10, ng mga gabing naghahabol ng tulog. Mas maingay ang kawalan ng tinig. Kung hindi mag-iingat, lumilitaw ang mga maginoong halimaw, maggagawad ng mga sugat kahit wala naman silang sinasabi. Darating ang panahong kakayaning isigaw ng bida ang tinig na gagapi sa mga ginoong ito.

At paano magiging maginoo ang halimaw? Iyon naman lagi ang kalakaran dito sa istoryang aking kinalakhan. Ang inaapi, bida pala; ang nag-iisa’t espesyal, magiging dalawa o tatlo o higit pa, basta hindi sugapa ang bida sa kapangyarihan; ang isip-bata, pipiliting tumanda; ang inakalang may pinagkatandaan na, mabibitag sa mga patibong na magmumula sa mga tauhang mahalaga sa kanya. Kaya nga inaasahan man–hindi naman na ako nasa edad ng kamangmangan (yata)–nagugurlisan pa rin ng mga hinanakit na pang-Season 2 Episode 14. Ito ang pagkakataong pagkatapos makaranas ng mga bida ng saglit ng ligaya, nanakawin ng uniberso ang kaluluwa at kabutihan ng isa. Maraming latay na iiwanan ang halimaw na ito sa gunita ng bida, ilang season man ang nalampasan.

Baka ang technique ay bumalik sa Season 1, Episode 13 na sensibilidad, noong binasahan si Buffy na mamamatay siya ayon sa propesiya. Sa una, natural, naluka siya. Nataranta. Namatay na nga’t naisalba lang. Sa huli, nabuhay para sa mas mga malapitang tanaw–panahon kasama ang mga kaibigan, pagkakataong makapagbihis nang maganda, makapagsayaw, kumain, magdiwang na parang habambuhay naroon ang kabataan. Kung kayang balikan sa Google o sa Youtube, kung kayang kalaykayin sa alaala at isipan, baka naman maraming banta ng kapahamakan ay usapin lang ng akmang pagtanaw. Sinasabi ko ito nang may pagkabatid na ang sarili at ang mga palabas na hinahangaan ay may kanya-kanyang pakikipagtunggali sa aming kanya-kanyang mga tanaw at paninindigan.

Nitong mga nakaraang araw, umuulit-ulit ang tanong na pang-Season 2, Episode 22: Walang armas. Walang kaibigan. Walang pag-asa. Tanggalin itong lahat, ano ang matitira? Hinahawakan ko ang sagot tulad ng dalawang palad na sumasalo ng patalim, akmang nagdarasal.

*ang featured image ay nagmula sa https://www.redbubble.com/people/nrsdesigns/works/31478777-buffy-the-vampire-slayer-once-more-with-feeling?p=poster

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.