Marunong na Akong Mag-unlitxt, pero hindi pa rin Marunong Umibig ang Puso Ko

(Mula sa mga lumang naisulat noong 2010)

Kapag tumibok ang puso,

Wala ka nang magagawa kundi sundin ito.

 “Napaglalaruan ba talaga ang puso?” Ito ang gusto ko sanang panimula sa isang librong binubuno ko.  Nakakaisang taon na rin, pero hindi pa rin nabuo.  Siguro, puwede kong sabihing nawala ang aking puso sa proyekto.

Nakakatawa at nakakapagtaka ito, itong “pagkawala ng puso.”  Una, dahil sa ang proyekto dito’y tungkol dito mismo, sa mga laro ng puso, sa kung ano ang nagpapatibok dito, kung ano ang nagpapadaloy ng dugo sa buong katawan, kung ano ang tumatapik dito para sabihing “sige, mabuhay ka pa, maganda ang mundo.”  Nakakatawang ang proyektong tungkol sa puso ay nawalan ng puso.  Pangalawa, marami sa atin ang may pasinasyon sa mga laro, laro ng puso, laro ng salita, simpleng laro.  May mga taya’t may tatayain, may mga patakaran, may mga hadlang at premyo, may pagtatahi ng mga suliranin.  Hindi tayo sinakop at ginahasa ng pagkarami-raming mga dayuhan para lang mawalan tayo nitong saysay ng pagmamahal, ng romansa.  Lumaki’t pinalaki tayo sa mga simbolo’t implikasyon nitong mga laro.  Sa mga kung sinong tauhan ang pagtatagpuin, sinong damdamin ang magtutugma, sa anong landas kumakabog ang malikot na dibdib.  

***

May isa akong titang nakabase ngayon sa Tate.  Idolo ko ang tita kong ito.  Siya ang una sa pamilya na nakatuntong sa Unibersidad ng Pilipinas.  Siya ang unang kamag-anak na iskolar ng bayan, iskolar ng bayan na manunulat pa, manunulat at aktibista.  Mataas ang pagtingin ko sa kanya, at bilib na bilib ako noong kinukuwentuhan niya ako ng kanyang mga pangarap.  Palagi akong madaling mahulog sa mga kuwento ng pangarap.  Tulad ng pangarap niyang maging isang sikat na manunulat o broadcaster, sa isang sikat na pahayagan o TV network.  Maaga pa lang ay hiniling ko nang sana’y maging katulad ko siya baling-araw.

Kaya lang, nauna ang buhay may-asawa, nauna ang buhay may-pamilya.  Naging isa siyang mabuting ina’t maybahay, nagpalaki ng dalawang malusog, bibo, talentadong mga anak.  Noong minsang bumisita siya dito sa Pinas, kahit hindi namin naitatanong ay nabanggit niyang ayos naman siya, wala naman siyang problema sa desisyong ginawa niya.  Malungkot minsan, pero kinikilala niya ang kanyang direksyong pinili.

Nitong nakaraang Pebrero, tumawag siya sa akin, gusto raw niyang mag-aral uli sa UP.  Kaya inasikaso namin ang kanyang distance education program sa UP, para makapag-aral siya kahit na nasa Tate siya, para matupad naman ang naudlot niyang mga plano.  Para masunod naman niya ang isa sa mga ibinubulong ng kanyang puso.

Nakakatuwa kung iisipin, kung magiging pilosopo lang.  Na susunod ang isang tao sa isang bahagi ng katawang nakakulong din naman, presinto sa sarili nitong ribcage at sa pumpon ng mga maselang organo, pero kahit ganito’y pagkalakas-lakas pa rin ng bulong, kay lakas mang-istorbo ng pangungulit na kumawala.  Nakakatuwang pansinin ang ganitong parikala, tulad ng nakakatuwang pansinin ang mga kaakibat na paralelismo.

***

Sa palabas na Private Practice—isang medical drama series na spin-off ng Grey’s Anatomy—nakaramdam ng matinding lungkot ang bidang psychologist mula sa kanyang mag-asawang pasyente.  Matagal-tagal na rin niya kasing pinakikinggan at idinadaan sa psychotherapy ang problema ng mag-asawa, na ang pinakaesensya ay ang paglamig ng loob ng lalaki sa asawang babae.  Pagkalipas ng napakaraming sesyon, malulutas lang ang problema noong nakialam ang isa pang bidang doktor.  Imbes na idaan sa therapy, ginamitan ng gamot ang lalaki para mabalanse ang kemikal sa katawan at manumbalik ang pagmamahal niya para sa asawang babae.  Tumalab ang panggagamot, ang paggamit ng gamot imbes na simpleng therapy lang.  Kaya naman na-depress din ang psychologist, kasi, parang lumalabas na walang silbi ang kanyang love counseling.  Lumalabas na ang panghihimasok sa puso ay usapin lang pala ng kemikal.

At sa ilang pagkakataon, puwede siyang maging totoo.  Sa mga taong sobrang lungkot, sa mga kaibigang nakaranas ng matinding trauma, nagahasa, namatayan ng kamag-anak, namatayan ng relasyon, may mga doktor na magrerekomenda ng ilang tableta’t pildoras.  Ilang piraso ng kemikal na tatapat sa mga kulang na emosyon, at pipigil sa mga sobra.  Ang ligaya, lungkot, ligalig, kapanatagan, lahat ay ididikta ng medisinang irereseta ng isang eksperto.

Tumataas ba o bumababa ang tiwala sa pusong nasalinan ng romansang kemikal?

***

Mahilig kaming magkakaibigan sa mga laro’t pagbibiro.  Minsan ay harapan, minsan ay sa text.  Minsan ay kung saan-saan at kung anu-ano na lang.  Minsan, may magte-text, “marunong na akong mag-unlitxt pero hindi pa rin ako marunong magpatawad at magmahal muli,” at minsan may sasagot ng “ako nga, lagi naman akong umiinom ng Heartvit pero nasasaktan pa rin ang puso ko.”  Minsan, ginagawang ganito ang lahat, katatawanan.  Ang bahay na nakasangla dahil pinambayad ng utang, ang anak na pinag-dance lessons at ang katangi-tanging hindi sumayaw sa kanilang recital, ang tampo sa magulang na may favoritism, lahat ay tinatago namin sa mga kuwentong patawa’t lokohan.  Minsan, nakakagaan ng loob, kahit saglit lang.

Sa ibang pagkakataon, mas literal ang laro.  Noong isang araw lang, nagyaya ang isang kaibigan na magbisikleta.  Pumayag ako’t dumaan kami kasama ng kanyang kasintahan sa iba’t ibang mga bagong daan, mga bagong ruta.  Mga bagong taas-baba, mga bagong mabato’t madamong shortcut, mga bagong liko’t pasikut-sikot.  Sa bawat bagong teritoryong madadaanan namin, nararamdaman kong lumulukso ang puso ko.  May kaba sa pangangapa ng mga hindi kilalang daanan, pero sa pagtatapos, sa oras na nagpahinga na kami’t nagmeryenda ng halo-halong mabilis na natutunawan ng yelo, nakaramdam ako ng pagkapanatag.  Higit pa sa anumang corny joke, higit pa sa anumang gamot o bitaminang kumukumpuni’t nagpapatibay daw ng puso.

***

May ilang linggo na ring naka-confine sa ospital ang lola ko, nanay ng aking nanay.  Ipinasok siya sa ospital dahil sa hindi matumbok ang tamang pintig ng kanyang dibdib.  Iregular daw ang kanyang mga tibok, iregular at mahina.  Kung hindi maikakabit sa pacemaker, malamang ay mamatay na siya mula sa kanyang  pasirang puso.

Binisita namin siya isang araw pagkatapos ng ikapitong kaarawan ng pamangkin ko.  Doon sa may UN Avenue, pinanood namin siyang pinapalitan ng suero, pinaiinom ng maraming tabletas, ikinakabit sa pagkarami-raming alambre’t aparato.  May kasabay na pulmonya ang kanyang di-regular na puso, kaya kailangan siyang gamitan ng nebulizer.  Sa aking malikot na gunita, iniisip kong may mga nakatagong pork at shrimp siomai sa pagitan ng ilong ng aking lola at ng nag-uumusok na takip ng nebulizer.

Habang lango sa gamot at pinauusukan ng nebulizer, dumating ang iba pang kamag-anak, dala-dala ang pagkaing nabili sa labas.  Una-unahan sa plato, abot-abot ng mga piraso ng manok at mga supot ng kanin.  Narinig ng tita kong umuungol si Lola, may gustong sabihin.  Mahina ang boses ng lola kong pasyente kaya ngiti na lamang ng tita ko ang nakita kong bunga ng kanilang bulungan.

“Tinatanong lang ng lola ninyo kung nakakain na raw ba ang mga apo niya.”

Hanggang sa pagkakahimbing ay may mga nauuna pala talaga sa puso ng isang lola.

***

Tinuruan kaming mag-dissect ng palaka noong second year high school.  Siga ang lalaki naming guro, maangas.  Ang mga tunay na matapang daw ay hindi nagsusuot ng glove sa paghawak ng palaka, kaya hinubad namin ang gloves; ang tunay na matapang daw ay hindi gumagamit ng patay na palaka sa pag-dissect, kaya naubos ang mga unang minuto namin sa paghahabol ng mga palakang nagpipiglasan sa iba’t ibang sulok ng classroom; ang tunay na matapang daw ay papakuin ng malalaking pako ang buhay na palaka sa dissecting board, kay raming palakang naipako na parang kristo sa araw na iyon.

Matibay ang palakang binulatlat ng grupo namin.  Nakabukas na ang buong dibdib, nakaalsa na ang mala-strawberry na baga’t nakabuyangyang na ang mga bituka’y buhay pa rin siya’t kumukurap-kurap.  Ang puso, di mapakali sa pagkislot.  Tanggalin daw namin lahat, baga, bituka, puso, kasi ilalagay sa bote ng Cheez Whiz na inalkoholan, kasi babagsak kami pag hindi namin ginawa.  Kinuha ko ang kutsilyo, inipon ng mga kamay ang mamamasa-masang organo, kinapa ang tubo na nagkakabit sa katawan ng palaka’t sa puso nito, itinutok ko ang kutsilyo’t mabilis na pinigtas ang hugis-manggang bahagi.  Wala pang dalawang segundo’y lumawit na ang dila ng palaka’t tinakasan ng buhay.

Iyon siguro ang pinakamahalagang leksyon ko tungkol sa bayolohiya, tungkol sa buhay.  Na minsan, ganoon lang talaga ang puso.  Binubulatlat, hinahawakan nang walang paalam o paggalang, hinuhugot nang walang anumang bahid ng romansa, humihinto’t namamatay sa isang kurap lang.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.