Pagkukumpuni

(Muli, galing sa serye ng mga naisulat ko bilang contributor sa isang Web magazine. Maraming sentimiyento tungkol sa buhay late 20s at buhay-pamilya)

Mayroon kaming mga mas karaniwang araw, mga araw ng pangangalikot at paghahanay: inilalatag niya ang mga naipong ball cap mula sa iba’t ibang kaibigan at kakilala, mga sumbrerong may tatak na Ferrari, Night at the Museum, War of the Worlds, Band of Brothers, lahat ay malinis na nakahanay sa sofa ng aming sala; sa paligid ng bahay, nakasabit ang mga itinabing banner mula sa mga liga ng basketball na pinasimunuan niya—Property and Maintenance Team 2003, Property and Maintenance Team 2007, Property and Maintenance Team 2009; nakikipagbiruan siya sa mga kapatid, sa asawa niyang nanay ko, sa mga kamag-anak at kaibigang ngayon ay permanente na niyang binalikan, tungkol sa kung paano naging sapat ang halos dalawampu’t walang taon ng pagkayod sa Riyadh, kung paano naging angkop na tuldukan sa ganitong punto ang bahaging iyon ng buhay niya, kung paano naging ito at ito na lamang ang tanging posibleng desisyong makabubuti sa lahat.

Samantala, mayroon kaming mga araw katulad nitong mga huling araw na nagdaan, itong mga araw ng pagdadalawang-isip: babangon at hihiga siya nang walang ngiti o kahit na anong imik na makukuha mula sa kanyang bibig; yayayain namin siya para kumain ng agahan o hapunan, tutugon siya ng isang malamig na “mamaya na” kung sinusuwerte kami’t wasiwas lang ng kamay habang nakasubsob sa mga unan kapag minamalas; lalabas siya ng kuwarto para manigarilyo, o pupuslit ng pagkain habang hindi kami nakatapat sa mesa, at dali-daling magkukulong, minsan ay ikakandado ang pinto kahit nasa labas pa ang asawa niyang nanay ko (na walang pangligo o pang-toothbrush o kahit na anong pampalit mula sa isang araw ng kanyang serbisyong asawa); maaabutan namin siyang nakatingin sa pader, o sa matandang punong mangga sa labas ng terrace, sa kadiliman, sa kawalan, hawak-hawak ang passport na minsa’y sinabi niyang “hindi na uli matatatakan,” at kapag napansin niyang napapansin na namin siya, sasabihan niya kami, huwag daw namin siyang pansinin, huwag daw namin siyang intindihin.  Na para bang kaya naming gawin sa isang minamahal ang ganoon.

Nitong nakaraang Enero’t Pebrero pinaglimian ng tatay ko ang kanyang pagreretiro bilang office worker sa kumpanya ng traktora sa Saudi.  Isa itong desisyong kinonsulta niya sa amin, at sinalubong namin nang may halong kaba at tuwa, pero pinagkasunduan ng pamilya na sabay-sabay naming bubunuin.  NItong Marso siya nakauwi, at sinalubong namin siya sa isang mabilisang hapunan ng hakao at asado rice sa malapit na Chinese Restaurant, at ng paulit-ulit na paniniguro mula sa amin na magiging maayos ang lahat, na aayusin namin ang lahat.  Ipinagdiwang namin ang 32nd wedding anniversary nila sa isang community pool na malapit sa village, nagpakasaya kami sa binagoongan at inihaw na baboy, sa mga tiglilimang pisong kantahan sa videoke machine, sa kakulitan ng apo niyang papunta pa lang sa ikapitong buwan ng pag-iral niya sa mundo.  Sa pagpasok ng Abril, nagsama-sama kaming mga magkakamag-anak sa pagtampisaw sa tubig ng Boracay.  Sa mga larawan, iisipin mong walang anumang tutuldok sa mga ligaya at posibilidad na paparating.

At dumating na ang mga araw gaya nitong mga araw na nagdaan.

Hindi ko kayang sabihing naiintindihan namin nang lubusan ang pinagdadaanan ng tatay ko, dahil sigurado akong hinding-hindi.  Paano ko ba naman ipipinta sa makitid kong isip ang napakaraming taon ng paglalabas-pasok sa sariling bansa, ang paglalaan ng mas malaking bilang ng sariling pagtanda sa lugar na labas sa tahanan, paano ko huhulaan ang pakiramdam ng pagtanaw sa isang karerang patapos na, paano ko titimbangin ang bigat ng pag-alis at pag-iwan, ang hinayang sa mga materyal na bagay na baka hindi na ganoon kadaling maipupundar?  Pinaghahandaan ng tatay ko ang pagpasok sa isang opisina sa Laguna, sa kompanya ng isang kamag-anak, sa panibagong trabahong magbibigay ng mapaglilibangan at suweldong mga limang beses ang liit sa kung ano ang sinasahod niya dati sa dayuhang lugar.  Paano ko masasabing lubos kong naiintindihan ang pangliliit niyang iyon?

Nitong isang araw lang, habang nakatingin ang tatay ko sa kawalan, niyaya siya ng nanay ko na maglakad sandali, papunta sa malapit na talipapa.  Para naman hindi raw siya nakaupo lang, para mabawasan ang paghimas sa passport na hindi na matatatakan, para naman hindi maubos ang araw sa pag-upo at pag-iisip.  

Ang sagot niya, “ayoko, poor na ako e.”

At kapag ako na ang naiinis sa ganitong kuwento, kapag umuuwi ako galing sa sariling trabaho’t naaabutan ang nanay kong naiirita, pagod sa pag-intindi, pagod sa pagiging asawa at ina (na sa ibang kuwento ko na pahahabain), siya naman ang magbubuntung-hininga, siya ang magsasabi sa aking, “hindi anak, ganoon talaga, intindihin mo na lang din siya.”  At magkakasundo na lamang kami sa pagbato ng lahat ng sisi sa Kingdom of Saudi Arabia, para sa lahat ng kawalan ng pagkakaintindihang ito, para sa lahat ng pangangapa sa mga pagkataong hiniklat at ibinalik nang ilang beses, para sa lahat ng mga araw gaya nitong mga araw na nagdaan, mga araw na walang tunay na salarin, walang tunay na may kasalanan.

***

May mga araw kaming tulad ng pangkaraniwan, may mga araw kaming tulad ng araw na nagdaan, pero may araw din kaming katulad ng kahapon at kanina, isang araw na tipong aksidente lang:

Habang nagpaplanong magpaka-sporty at makisabay sa fitness mode ng karamihan, dinala ko sa eskuwela ang bisikleta ni Papa—latak ng kanyang mga huling araw sa Saudi’t naiuwi noong mga araw na mas masaya pa siya.  Wala pang limang segundo’y napigtal na ang kadena, at sa pagkapahiya’y nagmadali na akong umuwi’t nagsumbong sa aking magulang—parang walang dalawampung taon na pinagkatandaan.  Ang tatay ko, si Papa, nawala sa kanyang pagkatulala, tiningnan ang napigtas kong kadena.  Kakatapos lang nilang magsagutan ng nanay ko noon, paano’y nagsabi siyang ayaw na niyang magtrabaho muna sa Laguna.  Tiningnan niya ang kadena, at bumalik sa pagtanga sa kawalan.  Ang nanay ko naman ay nagpatuloy sa mga gawain niya, naghanda ng mga damit na dadalhin sa probinsya kahit hindi siguradong aalis nang may kasama, uminom ng beer na binili niya para kay Papa, pero natulog kaagad ang pinag-alayan kaya nanay ko na ang uminom nang mag-isa.  Umiyak saglit ang nanay ko, saka pumanhik para samahan ang tatay ko sa pagtulog sa kanilang kuwarto.

Kinabukasan—kanina—maagang gumising at naligo si Papa.  Pareho na silang nakabihis ng nanay ko noong ako’y napadilat na.  Maligo na raw ako’t sumabay sa kanila, idadaan muna namin sa pagawaan ang bisikleta bago sila pumunta sa Laguna.  Pinanood namin ang pagkumpuni, nakangiti ang tatay ko habang binabaklas at ikinakabit ng mekaniko ang mga maliit na piyesa.  Kami ng nanay ko naman, tumawid sa kabilang kalye, bumili ng gamot para sa high blood ni Papa.  Nagbayad kami (kami = sila) ng 650 pesos para sa mga bagong-kabit na piyesa, dumiretso kami sa may eskuwelang pinapasukan ko para subukan ang bagong-gawang bisikleta.  Sinubukan naming umiikot-ikot saglit, pansinin ko raw kung mabuway ba o may maling tunog sa mga piyesang bagong-kabit.  Pagkatapos ko’y si Papa naman ang pumedal, umiikot-ikot sa parking lot habang nakaupo sa isang sulok ang nanay ko’t naninigarilyo.  Bago kami naghiwa-hiwalay—sila papunta sa probinsya’t ako naman ay pabalik sa aking sariling pagbibisikleta—kumain muna kami ng tapsilog sa malapit na tindahan.  Sa maiksing biyahe mula parking lot papuntang tapsilogan, narinig ko ang pagsasalita ni Papa, tungkol sa mga bilin, tungkol sa mga plano.  

Tulad lang ng mga araw naming pangkaraniwan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.