The Great Family Outing

(Ito ay piyesang naisulat para sa isang Web magazine noong 2010, tungkol sa mga nangyari noong 2008)

Maraming disclaimer ang piyesang ito.  Una sa lahat, hindi naman talaga siya ganoon ka-great, lalo’t magbibilang tayo ng iba pang mga suliranin ng mundo na maaaring bigyan ng pansin.  Sa kabilang banda—ang pangalawang punto—may halaga ito, para sa akin, kasi buhay ko ito, buhay ng pamilya namin, at naniniwala akong baka may isang mambabasa na sa isang malungkot na araw ng buhay niya’y maihahatid sa mga pahina ng piyesang ito, at makukumbinsi ko siyang huy, hindi ka nag-iisa, may dumaan na sa kung ano ang pinagdaanan mo, na matatapos ang kuwentong ito sa pagiging okey ng lahat, o kung hindi man okey sa lahat-lahat, mas okey kesa sa kung ano ang pinagdadaanan mo ngayon.  Gusto ko lang ding panindigan ang palagi kong sinasabi sa mga naging estudyante ko sa pagsusulat, na ang pagkatha’y paglalatag ng sarili sa panganib, at sa pagsusugal na ito’y may potensyal ng mas mainam na estado ng buhay.

Tungkol ito sa pag-amin ko sa magulang ko na bakla ako.  Gusto kong gawing diretsahan ito, ayokong itago sa maraming pagkabulaklak.  Pero kailangan kong amining may pag-iwas ako sa ganitong paksa, sa pagkuwento ng sarili’t sariling seksuwalidad.  Kailangan kong amining minsan, iniisip kong baka naging mas madali ang lahat kung nakaayon ako sa isang mas karaniwang heteroseksuwal na setup at pamumuhay.  Kailangan kong amining may malabo akong nosyon ng pagiging matapat, na pakiramdam ko’y kailangan kong palayain ang sarili sa maraming kasinungalingan, na masama ang mga taong hindi kayang maging bukas na libro sa mga mahal sa buhay, lalo sa magulang.  Kahit pa minsan, nasabihan na ako ng “e bakit ba kailangan mong sabihin ang lahat-lahat sa mga taong mahal mo?  Pati ba ang paraan mo ng pagsupsop ng burat ay kailangan mong isiwalat sa magulang mo (“bale Nay, Tay, magsisimula po tayo sa may bayag, tapos paikot sa may katawan, tapos bahala na kayo kung didiretso sa ulo o magmamaniobra muna sa gitna o susundot muna sa may butas ng puwet…”)?”  Kailangan kong sabihing nasabihan ako nito’t napaisip din naman ako ng “oo nga ano?  Kailangan bang sabihin ang lahat?” pero napagdesisyunan kong may mga bagay mang hindi na dapat sabihin, o sabihin sa mga angkop na tao’t pagkakataon—seksuwal na hilig, mga pantasya, mga ganitong klaseng bagay—may mga utang akong katotohanan sa mga taong nag-alaga at nagpalaki sa akin.  Isa ang sexualidad ko sa mga napiling katotohanan.

Isa pang pasakalye: hindi ito ang orihinal na plano.  Ang orig na pagtatangka kong kausapin ang magulang ko’t mga malapit na kapamilya tungkol dito ay noong papunta pa lang ako sa ikadalawampu’t limang taon ko sa mundo.  Quarter life crisis siguro, kaya nagdadrama ako ng kung ano tungkol sa pagiging maiksi ng buhay, na ayokong mawala sina Mama at Papa nang hindi ako naging matapat sa kanila.  Dalawang taon pa ang lumipas, isang malamig na gabi ng Disyembre, dalawang taon na rin ang nakalipas.  Ayos a, dalawang taon na rin pala noong nangyari ito.  At oo, nagiging mabulaklak na  nga ako kahit ayoko.  Ninenerbyos siguro.

Ang Great Family Outing.  Isang post-Christmas bakasyon sa Baguio.  Isang tipikal na family vacation, kasama ang mga kamag-anak sa panig ng nanay ko, kasama ang tatay at kuya kong nagbabakasyon mula sa Saudi, kasama ang hipag at ang pamangkin, ang kapatid, ang maraming tita at bayaw  at pinsan at pamangkin.  Tipikal na yearender para sa amin, pangmalakihang lakad na pinag-iipunan ng tita ko para maging masaya ang pagtatapos ng taon namin, lalo’t nasa Pinas ang mga OFW na mahal sa buhay.  Siguro’y pangatlo o pang-apat na naming beses ang pagtigil sa lugar na iyon.

Nasa loob ako ng cottage, nagte-text ng mga kaibigang malayo sa Baguio.  Pinapanood ko ang mga pamangkin at pinsang nag-aagawan sa paglalaro ng Marvel vs. Capcom doon sa dala kong Asus Eee PC.  Sumisilip-silip ako sa nagpapalit-palit na estasyon ng TV.  Ang ibang kamag-anak, nakikinood, ang iba’y nakahiga na, itinutulog ang kakatapos lang na inuman session.  Sina Mama at Papa, ang bunso naming si Yani, nasa labas pa.  Nakakapa-kapa ng tenga ko ang mga bakas ng pag-uusap nilang tatlo, pero hindi ako ganoon kalapit para mapagtahi-tahi ang aktuwal na mga paksa.

Nakatanggap ako ng text kay Yani.  “Lumabas ka dito, pinapagalitan ako ni Papa.”  Parang ganoon ang nakalagay sa text niya.  Lumabas naman ako, kahit suot lang ay manipis na t-shirt at maiksing shorts at nakabalot lang ng manipis-nipis din na jacket.  Pinag-uusapan nila ang paglabas-labas ng kapatid ko.  Pinag-uusapan nila ang hindi malinaw na relasyon nila ng tatay ko.  Dapat daw maging matapat kami sa bawat isa.  Kahit nakainom.  Kahit malamig.  Kahit nasa Baguio at nagbabakasyon.  Kahit may ibang taong nasa compound.  Kahit may nagbabakasyon doon na hindi naman kamag-anak.  Dapat maging bukas kami sa bawat isa.

Kaya hayun, sabi ko, “ayan, tutal sabi naman ninyo e dapat maging matapat tayo sa bawat isa, may sasabihin ako.”  Pagkalipas ng ilang segundo, hayun, napasigaw ang tatay ko ng “ano, gay ka?”  Sabi ko, “oo, nagkaboypren pa nga ako dati e.”  Hayun, nagsimula na akong magkuwento sa tatay kong medyo nakainom, sa nanay kong medyo nakainom na rin, sa kapatid kong hindi ko matandaan kung nakainom pero natatandaan kong pinapagalitan noong mga oras na iyon.  Sabi ko, hindi ba ninyo alam talaga?  Sabi nila, may ideya naman, parang ganoon na naman daw kasi.  Sabi ko, huwag kayong mag-alala kasi wala naman akong ginagawang masama, na kung paano ko sila harapin ay ganoon din ako humarap sa ibang tao.  Sabi ko, magtanong lang sila nang magtanong kung may gusto silang linawin, tutal gusto naman nilang maging matapat, tutal nag-uusap na kami.  Hayun, pinigilan na ako ng tatay ko, huwag ko na raw ituloy, huwag na muna akong magkuwento.  Doon naming naalalang mataas nga pala ang blood sugar ni Papa, blood sugar at blood pressure.  Ang panganay naman namin, si Kuya Bryan, nagmamadaling dumating at may dala pang camera, akala niya kasi’y family picture moment ang nagaganap noong tinext namin siya para humabol papunta doon.  

Inalta presyon si Papa, napaiyak, nagyayang umuwi sa Maynila.  Sa totoo lang, iyon lang naman ang ikinabibigat ng loob ko kahit ngayon, na napaiyak ko ang magulang ko.  Wala naman sigurong kahit na sinong anak na sinasadyang magpaiyak ng magulang niya.  Naikuwento ng nanay ko sa mga tita ko ang nangyari, at sama-sama nilang kinumbinsi ang tatay ko na huwag munang bumaba, na tapusin muna ang bakasyon, at siyempre’y iproseso nang mahinahon ang pagtatapat.  Ako naman, napalakad-lakad, bawal pang pumasok sa cottage lalo’t magkakuwarto lang kami ng magulang ko.  Dumaan ako sa cottage ng hipag at kuya ko, ikinuwento sa hipag ang nangyari, sinabihan ng hipag na “ayos lang iyan, love ka namin.”  Parang ganoon ang sinabi niya.  Natatandaan kong lumabas pa ako ng cottage nila, nagpalakad-lakad uli, drama-drama portion, nag-text ng mga kaibigang nakakaalam at hindi nakakaalam.  Doon sa mga may alam na, sinabi kong hayun, umamin na ako.  Sa mga hindi nakakaalam, sinabi ko lang na nakapekpek shorts ako’t naglalakad sa malamig na kalye ng Baguio kasi may away sa pamilya.  Hanggang ngayon ay nagpapasalamat ako sa kanilang naglaan ng mga piso para sumagot at mangamusta sa mga susunod na araw.

Kinabukasan, gumising ako’t pinaulanan ng pagkain.  Ipinagluto ako ng mga tita ko ng paborito kong chicken wings, inalok ng kape, ng tsokolate, sinalinan ng maraming vegetable salad, may pahabol na yapos sa ilang pagkakataon.  Hindi na high blood si Papa, pero hindi pa niya ako kinakausap.  Si Mama, kinausap ako noong nagkaroon ng pagkakataong kaming dalawa lang ang nasa isang lugar.  Naiyak siya, nagtanong ng ilang bagay, naglinaw ng ilang bagay.  Natapos ang usapan sa pagsabi niya ng “bakit hindi ka nagsabi agad, nahirapan ka pa tuloy.”  Tapos, nag-photo op kami, pumasyal-pasyal sa palengke’t sa iba pang mga lugar na pwedeng pasyalan sa Baguio, bumili ng pang-ulam, ng pampasalubong, nagsaya na parang halos walang nangyari.  Siguro ang pinakanaiibang bahagi ng umagang iyon ay hindi sumama ang tatay ko sa pamamasyal namin, at saka noong bumangon ako mula sa pagkakahiga’t lumabas ng cottage ay nakita kong nakatayo at nagyoyosi sa katabing cottage si veteran stage, TV, and movie director, Floy Quintos.

Pagkauwi namin galing sa pamamasyal, naghanda ang mga tita ng tanghalian.  Habang nakatambay pa rin ako sa labas, nakatanggap ako ng text galing sa tatay ko.  Pumasok na raw ako’t kakain na kami.  Pagpasok ko, hayun, niyakap niya ako, hinalikan sa noo, inalok ng pagkain.  Pagkatapos, hindi pa naman naging okey ang lahat, pero kailangan kong sabihing dalawang taon na nga pala simula noong mangyari iyon, pagkahaba-habang panahon na rin nga pala ang nagdaan.  Pero nandito pa rin kami, nandito pa rin ang sama-samang pamamasyal sa mall, ang pag-enjoy ng mga simpleng bagay tulad ng masarap na buffet breakfast, pag-jogging sa UP campus, pandaraot ng ilang mga kapitbahay at kamag-anak, pagkanta sa walang kamatayang videoke.  Hindi ko sinasabing okey na ang lahat, pero kanina habang pauwi kami galing sa routine family outing, ikinukuwento ng tatay ko na nabasa niya ang mga naisulat ko sa isang libro ko, na natutuwa raw ang mga kaopisina niya sa naisulat ko, na sana’y isulat ko naman iyong paliligo nila sa ulan ng nanay ko, ang kanilang pagtatrabaho ngayon sa Laguna, ang marami pa nilang mga kuwento.  Sabi ko, sige, isusulat ko ang lahat ng iyan.

Alam kong hindi pa naman okey ang lahat.  Pero oo, mas okey na ito kesa noong dalawang taon ang nakaraan.

Nga pala, may isa pa pala akong hindi nasabi.  Noong nag-one-on-one kami ng nanay ko doon sa Baguio, sinabihan niya ako ng “okey lang iyan, basta huwag na huwag kang magbo-boyfriend.”  Sigurado akong umabot hanggang Maynila ang pagsigaw ko ng “Hindi pwede yan!  Hindi pwede yaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaan!”

Pero ang totoo, ang dapat na sinabi ko sa kanya’y “hay nako, Ma, kung alam mo lang kung gaano kahirap makahanap ng matinong ganyan…”  At iyan ang isang istoryang hanggang ngayon ay malayung-malayo pa sa katapusan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.