Limpak-limpak na Leksyon sa Ulan

(Mula sa mga lumang sulatin noong 2010)

Minsan, naisulat ko sa isang tulang hinugot mula sa kanta ng E-heads (para “maiba naman” ang lagi kong biro pag ganito, bilang paborito ko lang talaga ang E-heads at Beatles) na may sembreak ka lang naman kung nag-aaral ka pa, o nagtuturo ka pa, o bahagi ka ng buhay akademya.  Ilang saglit na pahinga tuwing Oktubre, o Marso hanggang Mayo.  Pagbalik ng Hunyo, ayan, ayan na uli, pasukan na naman.  Nakakasanay na rin, itong siklo ng pasok-bakasyon-raket on the side-pasok-bakasyon-raket uli-pasok uli.  May mga bagay-bagay na nagbabago, may mga bagay-bagay na hindi pa nawawala.  Tulad ng siklong nabanggit, ang pagpasok ng bagong akademikong taon, ang pagsalubong sa Hunyong namimigat ang mga ulap sa naghihimutok na ulan.

Maraming kuwento, madalas paulit-ulit, minsan may naiiba naman, katulad ng para maiba naman ay ipagpapaliban namin ng ilang mga kasamang guro ang pagpasok sa unang linggo ng klase para makapagmeryenda’t magkuwentuhan kung gaano kami hindi pa kahanda sa parating na pasukan.  Minsan may mainit na sabaw, minsan may malamig na serbesa (o iced tea, para sa aking hindi kaya ng tiyan ang alkohol), laging may kuwentuhan, laging may kaakibat na patak-patak na ulan.

May iba-iba kaming dahilan, halimbawa, noong nakaraang taon, dahil natakot ang unibersidad sa AH1N1.  Sa ilang pagkakataon, baka simpleng katamaran, baka nagtatago sa mga humahabol sa enlistment, baka inuunahan lang ang mga estudyanteng nag-iisip na hindi naman dumarating sina Ser at Mam sa unang linggo ng pasukan.  Pero anuman ang dahilan, laging kaabang-abang ang mga saglit na iyon.  Ang mga magkakaibigang nag-aastang guro, nag-uusap tungkol sa mga plano, sa mga isinusulat o hindi maisulat na libro, sa mga ihinahandang pangkakabog sa bagong silabus o lesson plan, mga huling TV series na napanood, mga nakaraang tagumpay, mga nakaraang kapalpakan.  Damay-damay na rin ang pag-uusap kung bakit wala si ganito, bakit nagpaklase agad si ganyan, kamusta kaya sila ano’t si kuwan, anong oras kaya titila itong ulan?  Minsan, kahit wala o sira ang payong, minsan kahit masarap tumalukbong na lang sa kumot at matulog magdamag, ipinagpapatuloy namin ang ganitong planadong di-planaong ritwal.  Paalala na tao pa kami, na buhay pa kami, na nakikita-naririnig-nararamdaman pa namin ang presensya ng bawat isa.

Pagdating sa tunay na klase, balik na naman ang teacher game face.  Ang masaklap, a, hindi, mas nakakatawa kesa masaklap, kahit nagpapakaseryoso na ay marami pa ring bloopers.  Noong mga dalawang taon na ang nakaraan, isang maulan na alas-kuwatro ng hapon, nagmamadali ako sa paglalakad papunta sa pangatlo kong klase sa araw na iyon.  Nagmamadali sa abot ng aking makakaya, na mahirap gawin dahil isinuot ko ang regalong bakya ng kaibigan.  Sosyal na bakya raw iyon, at dahil feeling sosyal ako noong araw na iyon ay sige, isuot ang sosyal na bakya, kahit pagkabigat-bigat, kahit na halos namamaltos na ang paa sa mga unang hakbang ko palabas ng aming village (mayroon daw kasi talagang “tamang” paraan ng pagsuot nitong sosyal-bakya, ang “supersusyal” way na hindi ko alam, baka hindi lang ako nakalaan sa landas ng kasusyalan).  Kaya hayun, sa gitna ng rumaragasang semi-bagyo rain, sa pagsalubong at pagsabay sa mga papasok/pauwi na estudyante’t guro, doon hagdan papasok ng building, pinagdikit ng tubig at lumot ang aking bakya at ang hagdan, at napatid ako’t naiwanan ang bakyang inaagus-agusan pa ng malamig na tubig.  Habang ako’y medyo namumula na, tumawa na lang para maitago ang kahihiyan.

Ilang taon na rin iyon, pero sariwa pa rin.  Parang sugat na biglang bumubuka kapag nagsisimula nang marinig ang tapik ng tubig sa mga bubong ng bawat edipisyong nilalabas-pasukan.  Sa tamang kombinasyon ng patak at lamig, naaalala ko ang araw na nagpapirma ng leave of absence slip ang dating estudyante.  May espesyal na kondisyon daw siya, sabi ng medical certificate.  Nasa likod ng estudyante ko ang tatay niya noong pumipirma ako ng mag kaugnay na dokumento.  

“Hindi ka na babalik sa UP?”

“Hindi na po, sir, doon na lang po ako sa amin mag-aaral.”

Sa pagtatahi-tahi ko ng mga dokumento, ng kuwento ng dating estudyante, nakuha ko ang sagot.  Doktor kasi ang mga magulang, hindi kursong pangdoktor ang inaaral ng estudyante sa UP.  Babalik na lang siya sa probinsya, doon sa malapit sa mga magulang niya, para mabantayan at masiguro ang kanyang pagdodoktor.  At kahit wala akong karapatang manghimasok sa pamilya ng may pamilya, sa tamang kombinasyon ng patak at lamig, oo, kahit ayoko ay nahahagip ng aking kamalayan ang kuwento niya.  Sana’y nagagawa na niya ang mga bagay na nakapagpapasaya sa kanya ngayon.

Ano nga ba ang makapagpapasaya sa mga taong naghahanap nito?  Dati, ang konsepto ko lang ng buhay-kolehiyo ay ang makapasok, makita ang UP Sunken Garden, at aksidenteng maabutan ang Eraserheads na nagja-jamming doon.  Wala pang konsepto ng hinaharap, wala pang paki o ayaw pang magkapaki sa kung magiging doktor ba o kung anuman sa kolehiyo.  Kaya hayun, sa mga unang buwan ng pagiging Isko, lost na lost na lang.  Parang sanggol na pinakawalan sa napakalaking gubat.  Minsan, habang nag-aabang ng sasakyan, habang nakatulala, hayun at nagsimulang umulan.  Hindi pa rin ako makaalis, paano’y nasa pila na ng dyip, mukha pa akong tanga, dahil walang payong o kapote na dala.

Maya-maya, nawala ang mga patak.  Ang babaeng nasa tabi ko, pinasukob ako sa malaki-laking payong na dala niya.  Ito ang unang araw na naranasan kong marami pang surpresang nag-aabang sa aking bagong buhay sa Diliman.  Salamat kay Miss na nagpasukob, napagdesisyunan kong huwag na munang umuwi agad at abangan ang libreng concert para sa Freshmen.  Unang concert na naabutan ang E-heads at si Ely Buendia.

May paborito akong pantasya, mga dalawa o tatlong beses  ko nang nailatag sa panulat ito: sa gitna ng malakas na ulan, nakikihati ako ng payong sa taong minamahal ko, hindi malinaw ang mukha niya, kung ano ang kulay, laki ng mata, amoy ng hininga, lahat-lahat, pero nagtatawanan kami.  Malakas ang buhos ng tubig, may sipa ang wasiwas ng hangin, pero sa pantasya ko, kalmado kami, nagtatawanan lang, naniniguro sa bawat isa na “okey lang iyan, ayos lang iyan.”  Matatapos ang pantasya sa pagkalma ng panahon, sa eksena ng mga nagbagsakang sanga at dahon, ang malamig na hanging nanunuot sa mga baga, ang minamahal na kahawak-kamay, dala ay kapanatagan.

At ang pinakamalapit sa pantasyang ito’y ang isang mahaba-habang panahon ng paghihintay ng sasakyan, isang gabing kakatapos lang ng pagwewelga ng mga motorista.  Dahil sa mga drayber ang nagwelga, mailap ang kahit ano.  Malakas ang ulan, at naghahati kami sa maliit na payong ng dating karelasyon.  Bumabaha sa paligid, bumibigat ang katawan sa pagod ng pagkahaba-habang mamasa-masa’t walang dyip o bus na araw.  Sabi niya, maglakad na lang muna kami, kesa nakahinto, mainit na ang ulo ko noon pero siya naman ang nagsasabing kumalma lang, na wala namang magagawa kung mainis at hindi kami gumalaw.  Lumipas ang mahaba-habang lakaran, nakasingit pa ang ilang sundot ng mga munting biruan, at sumulpot ang FX na nagbaba ng dalawang pasahero malapit sa may Ever Gotesco, eksakto sa harap namin.  “Kita mo,” sabi niya.  Kaya kahit hindi man naging mabait ang kapalaran sa amin, kahit umabot sa puntong hindi rin naman pala kami ang nagkatuluyan, sa mga oras na iniisip ko ang paboritong pantasyang ito, sumasagi rin siya sa aking isip.  At ipinagpapasalamat ko sa mga diyos na kung anuman ang nangyari at mangyayari, nagkaroon ng isang maiksing saglit na halos natupad ang pantasyang pinapantasya ko.

Pwede pa akong magkuwento tungkol sa minsang paghahanap ng napakailap na nilagang mais  sa kalagitnaan ng   class suspension dahil sa bagyo, o ang pakikinig sa programa sa State of the Nation Address habang nakikipagsiksikan sa mga panlabas na bubong ng Ever Gotesco, o ang pagmamasid sa isang kakilalang naglalakad sa gitna ng ulan habang ako’y komportable sa loob ng sasakyan, pero nasabi ko na ang mga iyan.  Ang hindi ko pa nasasabi, na magandang ngayon na iwanan, ay ang minsan naisulat ng dating estudyante sa kanyang sanaysay.  Kuwento ng kanyang dating propesor din, tungkol sa panahon, sa pagbabago, sa panahon at pagbabago.  Marami na raw talagang paglalapastangan ang naranasan ng ating mundo, kaya naman pati ang seguridad ng pag-araw o pag-ulan ay nakokompromiso.  Sa mga oras na pinakamaaliwalas, walang anu-ano’y didilim ang paligid, hahangin ng malakas, bibigat ang mga mata ng langit, dire-diretsong iiyak.

Pero ganoon din, parehong batas, sa oras na iniisip mo nang wala nang tigil ang pagpatak, magugulat na lang ang lahat sa pagdating ng mga sinag na kung anong init, lubos-lubos ang aliwalas.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.