Sa Casa Fantastica*

So, ano pa ba ang makikita dito sa Casa Fantastica?

Makikita bukod pa dito?

Oo, bukod pa sa madilim na entabladong ito.  Bukod pa sa inuupuan nating dalawa.  Bukod pa sa ating dalawa.

Marami.  Maraming makikita.  Maraming dilim.  Maraming entablado.  Maraming de-gulong na piraso, gaya ng paikot na hagdang de-gulong na inuupuan natin ngayon, mga de-gulong na maliit na piyesang pang-entablado.  Ang mga telon, ang mga makapal na kurtina, napakarami pa nila.  Ang mga gaya mo, ang mga gaya ko.  Napakarami pang mga katulad natin at katulad nito sa paligid ng Casa.

Ayun lang?

Hindi naman siya kasi ganoon kasimple.  Nagbabagu-bago ang Casa.  Palagi siyang umaandar, nag-iiba ng bihis.  Hindi nito papayagang makabisado siya ng kahit na ano o kahit na sino.  Walang pwedeng makaalala sa mga nangyayari sa Casa, ipinagbabawal ang anumang anyo ng singularidad sa memorya.  Walang kahit na anong tiyak na bagay sa bahay na ito.

Wala?  Totoo?

Wala.  Maliban sa Limang Lagusan.

Limang Lagusan?

Oo, ang Limang Lagusan ng Casa Fantastica  May limang pintuang papunta sa isa pa, at sa isa pa at sa isa pa, at sa isa pa. 

Ang Limang Lagusan…

Oo, natatandaan mo ba ang mga pangalan nila?  Ang Limang Lagusan: Ang Lagusan ni Buendia, Lagusan ni Marasigan, Lagusan ni Adoro, Lagusan ni Zabala.

O, bakit kulang?  Apat lang yun a.

Ganoon nga.  Apat lang sa mga Lagusan ang may tatak.  Ang panglima, walang may alam ng tawag sa kanya.  Pero lahat ng apat na lagusan, galing sa kanya’t bumabalik sa kanya, kahit na wala siyang pangalan o walang nakakaalam kung sino ang makikita kapag siya’y napasukan na.  Isa lang ito sa mga napakaraming lihim ng Casa.   

Sikreto na hindi mo rin alam?

May hangganan ang mga bagay na nauunawaan ko.

Sige, kung ganoon ay kuwentuhan mo na lang ako ng mga bagay na alam na alam mo.

Sige.  Alam na alam ko na may mga leksyon na itinuturo sa loob ng bawat Lagusan.  Alam ko, halimbawa, na sa Lagusan ni Zabala, ituturo sa iyo ang maraming leksyon tungkol sa “halaga.”

“Halaga?”  Halaga ng ano?

Halaga ng lahat.  Ituturo niya sa iyo kung bakit mas mahal ang kamisetang may mukha ng nagpakamatay na bokalista ng Nirvana kesa sa kamisetang may mukha ni Nova Villa.  Ipapaliwanag niya kung bakit tayo magbabayad ng pitong daang piso para sa action figure ng Transformers, at kung bakit magkamukha ang mga laruang sina Prowl at Bluestreak, o sina Bumblebee at Cliffjumper, o sina Ratchett at Ironhide, magkakamukha pero magkakaiba lang ng lapat ng pintura sa plastik na balat, pero lahat sila’y bibilhin mo na parang sila’y tunay na magkakaiba.  Ituturo sa loob ng lagusan ang halaga ng pera, kung bakit hindi tayo magbabayad ng kabibe, perlas, ginto, dyamante, o buto ng hayop para makabili ng Krispy Kreme sa Trinoma, o  ng bag sa Louise Vuitton o Secosana.  O, kung bakit ang presyo ng concert ticket ng banda noong pa-disband na sila ay 100 pesos, pagkatapos ay magging 5000 pesos kapag reunion concert na.  Dito rin matututunan kung bakit kabutihan ang katumbas ng kulay puti, kasamaan para sa itim, kapayapaan sa asul, rebolusyon sa pula, buhay at pagpapalago sa berde.  Ilan lang iyan sa mga leksyon tungkol sa “halaga.”

At lahat ng ito’y dapat na kilala at natutunan ko na?

Huwag kang mag-alala.  Ganito ang kalikasan ng mga leksyon ng Casa.  Hindi sila nagpaparamdam sa memorya hanggang hindi dumarating ang angkop na pagkakataon.  Pero oo, ang lahat ng ito’y mga leksyong naipakilala at nasa loob-loob mo na.

Sige, mukhang wala naman akong ibang choice kundi ang paniwalaan ka.  Kaya sige, magkuwento ka pa.

Sa Lagusan ni Marasigan matutunan ang mga leksyon tungkol sa kaligayahan.  Itinuturo ang tamang tumbasan ng kaligayahan sa bawat produkto, tao, karanasan.  Ang kaligayahan sa amoy ng bagong-tabas na damong bermuda, ang kaligayahan sa nabiling hooded jacket na pinag-ipunan sa loob ng isang taon, ang kaligayahan sa pagpanaw ng isang dating karelasyon dahil sa kanser, lahat ng klase ng ligaya’y dito binabalanse’t ikinakahon.  Samantala, ang Lagusan ni Adoro ay Lagusan ng mga Realisasyon.  Dito ituturo ang leksyon tungkol sa mga leksyon.  Mga leksyon tungkol sa parikala at kabalintunaan.  Mga leksyon tungkol sa mga hindi nagtutugmang ekspektasyon.  Dito mo matututunan ang mga batas ng pagkakulang, ang mga pamantayan ng puwang.  Ipaliliwanag dito kung bakit ka maghahanap ng theme song sa bawat munting tagumpay na iyong mararanasan.  Dito isisiwalat na ang teleseryeng pinapanood mo’y base talaga sa iyong tunay na kuwento.  Dito, dito rin kukumpirmahin sa iyo na ang bida sa patalastas ng Mcdo—iyong tungkol sa lalaking naghintay sa pag-ibig na tunay, naghintay at nabigo sa saliw ng kantang “Ang Huling El Bimbo”—ay  walang iba kundi ikaw at ikaw lang mismo.

At ang Lagusan ni Buendia?

Ay, iyan, iyan ang Lagusang pinakakaabang-abang!

Talaga?

Siyempre naman!  Sa lagusang iyan ibibigay sa iyo ang iyong katawan, ang iyong kasalukuyan, ang iyong dapat patunguhan.  Isasalin sa iyo ang iyong anyo—kulay ng balat, laki ng mata, pagkakulot o pagkaunat ng buhok.  Aayusin dito ang bawat selula, isisiksik sa isip ang mga kulay, amoy at hugis na babagay sa ginawang sisidlan, ituturo sa iyo ang mga tatak na “panget” at “maganda” para sa mga nilalang na may magkakaibang antas ng bango, tangkad, kapayatan o katabaan.  Dito ituturo ang importansya ng “pangngalan.”

“Pangngalan?”

Oo, “pangngalan.”  Tingnan mo ito, itong hinahawakan ko ngayon, iyan ay tatawagin mong “kamay” pagkalabas ng Casa.  Ito, ito ang tatawaging “labi,” at ito, itong bahaging hinahagod ko ngayon ay tatawagin nang “leeg” sa iyong paglabas.

Parang natatandaan ko na hindi, itong mga “pangngalan” na ito.  Halos, parang mga bagay na matagal ko nang alam, tulad ng maraming ikinukuwento mo sa akin.

Hindi masasabing matagumpay ang mga leksyon ng Limang Lagusan kung hindi mo mararamdaman iyang pakiramdam ng pagiging natural.  Lahat ng iyan ay iginigiit ng Lagusan ni Buendia sa pinakabanayad na paraan.  Igigiit sa iyong gunita ang lahat ng harang, pader at lambat na magtatakda ng napakailap na estado ng pagiging “normal” at “karaniwan.”  Pupurgahin dito ang lahat ng saysay ng iyong kasaysayan, aalisin lahat ang perwisyo ng konteksto.  Mabubuhay ka para sa ngayon, para sa kung ano ang uso sa iyo bilang organismo.  At pagkatapos…

At pagkatapos?

At pagkatapos, papasok ka sa Ikalimang Pinto.  Mula sa pagiging “organismo” ay igagawad sa iyo ang tatak na “tao.”  At pagkatapos…

…at pagkatapos ay magkikita tayo dito?

Oo, magkikita tayo dito, dito sa madilim na entablado ng Casa Fantastica.  Mayamaya’y lalabas ka na sa tunay na mundo, tulad ng napakaraming mga tunay na tao na nagdaan at nag-abang din dito.

Iyon lang?  Walang kahit na anong motibo o plano?

Sinabi ko na sa iyong hindi ko naiintindihan ang lahat ng pagpapatakbo sa Casa.

Magkikita pa ba tayo?

Siguro.  Hindi naman ako ang nagtatakda ng sistema ng paglabas-pasok dito sa Casa.  Pero mas malamang ang posibilidad na, kung sakaling mag-abot man tayo sa labas nitong Casa, mas malamang na hindi na natin maaaninag ang kahit na anong alaala ng bawat isa.

Hindi nga?  Talaga?

Oo.  Ganyan ang batas ng Casa.  Kung isang araw man ay sabay tayong magkita doon sa labas, hindi na tayo katulad ng tayo dito sa loob.  Mag-aaksaya lang tayo ng oras sa mga sandali ng ating pagkikita.  Magpapalipad lang tayo ng mga walang kalaman-lamang salita, tulad ng pagkagusto mo sa mahabang diretsong buhok ng kaklase mong si Piya Constantino o ang hilig niya sa pagkain ng ice cream na gawa sa gatas ng kalabaw.  

Ha?  Sino si Piya Constantino?

Ayan.  Ayan na nga mismo ang tinutumbok ko.  Kaya magpakasaya tayo sa ating saglit na pagkikita, sa iyong pagiging tunay na tao, sa aking paghahatid sa iyo sa paglabas ng Casa.

Umaangat ang telon.  Nakikita mo ba?

Oo.  Nakikita ko.  Sana’y hindi ka kinakabahan.

May kaunting nerbiyos, aaminin ko.

Huwag.  Andito ako.  Hahawakan kita.  Eto, natatandaan mo kung ano ang tawag dito?

Kamay?

Bayag.  Hindi, biro lang.  Oo, kamay.  Tama.  Ayan ang kamay mo. Heto, heto’t hawakan mo naman itong kamay ko. 

*Mula sa librong A-Side/B-Side: ang Mga Piso sa Jukebox ng Buhay Mo (Milfores Publishing, 2009)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.