Kay Princess Arguelles, Kung Bakit Kalilimutan Siya Pagkatapos Basahin Ito*

*Galing sa lumang blog (2004-2006)

I.

Walang ibang ipinapabili si Princess Arguelles kay Mark Joseph Reyla kundi softdrink tuwing recess.  Coke, yung nakalata dapat at hindi yung nasa bote.  Tuwing tumutunog ang 10 a.m. bell, nag-aabot na si Princess ng singkuwenta pesos sa katabi niyang si Mark Joseph, at dumidiretso naman sa canteen si Mark Joseph para bilhin ang inuutos ng kanyang kaklase.  Sa ganitong sistema binuo ang pundasyon ng kanilang relasyon sa loob ng section Ruby ng Saint John High School.

II.

Hindi mukhang prinsesa si Princess.  Mukha siyang professional wrestler, yung lalaki.  Matangkad, malaki ang katawan, maiksi ang kulot at naka-gel na buhok.  Mukhang matanda para sa isang first-year high school.  Si Mark Joseph naman, nasa tipo ng itsura ang pagiging kengkoy sa klase, ang class clown, ang kaklaseng hahayaang madapa o madulas ang sarili o magkunwaring hindi alam ang sagot sa recitation o magmamali-mali ng pagsasalita ng Ingles para mapatawa ang mga kaklase.  Hindi sobrang pangit, walang matingkad na kapintasan, may sapat lang na mga katangian para makutusan o maimbentuhan ng mga bagong pangalan paminsan-minsan.   

III.

Siguro’y dahil sa pareho silang transferee, o dahil sa mas malaki ang katawan ni Princess kay Mark Joseph, o kaya’y dahil sa palaging ibinibigay ni Princess kay Mark Joseph ang sukli sa pambili ng kanyang Coke-in-can, anuman sa mga ito ang dahilan sa pagiging magkasundo nila.  At palagi, kapag nagkukuwentuhan silang dalawa pagkagaling ni Mark Joseph sa canteen, palaging maririnig ang malakas na pagtawa ni Princess sa mga kakengkoyan na ginagawa ng bago niyang kaibigan.

IV.

Isang tipikal na Miyerkules, buwan ng Agosto, hindi dumating sa eskuwela si Princess.  Unang pag-absent sa loob ng lagpas sa dalawang buwan ng pasukan.  Hindi naman naalarma si Mark Joseph, nainis pa nga siya dahil wala siyang dagdag-baon noong araw na iyon.  Hindi dumating si Princess sa sumunod na araw, at sa sumunod, hanggang sa natapos ang buong Agostong hindi siya pumapasok.

V.

May sakit daw si Princess, yun ang kuwento ni Shiela Geronga, yung taga-ibang section na kapitbahay ni Princess.  Sabi ni Shiela, may problema raw sa regla si Princess.  Matagal daw na hindi madadatnan, mga dalawang buwan.  Pagkatapos ay magkakaroon, dire-diretso, walang tigil.  Mga lagpas isang buwan kung magkaroon, pagkatapos mawawala uli.  Minsan may lumalabas pang mga namuong piraso ng dugo.  Abnormal daw iyon, sabi ni Shiela.

VI.

Hindi totoo yun, yun naman ang sinasabi ni Mark Joseph.  Hindi mapagkakatiwalaan ang kuwento ni Shiela Geronga, dahil hindi siya nagpapalit ng panyong ginagamit araw-araw.  Napansin ito ni Mark Joseph noon pa, kapag nakikita niya si Shiela.  Iisa lang ang dalang panyo, yung may disenyo na parang balat ng tigre, palaging ganun araw-araw, hindi nagbabago.  Hindi dapat paniwalaan ang mga babaeng hindi marunong magpalit ng panyo, yun ang sinasabi ni Mark Joseph kapag naririnig niya ang mga kuwento tungkol kay Princess.

VII.

Kalagitnaan ng Setyembre, Lunes ng umaga, sa flag ceremony ng St. John High School, sinabi ng principal sa harap ng mga nakapilang estudyante na patay na si Princess Arguelles.  Namatay sa isang Uterine Fibroid Tumor, Myoma, cancer.  Dahil palaging hindi umaabot sa flag ceremony si Mark Joseph, sa kaklase na lang niya nabalitaan ang nangyari. 

VIII.

Buong araw na nag-lecture ang mga teacher nina Princess at Mark Joseph tungkol sa halaga ng buhay at kamatayan.  Iba-iba ang atake ng mga guro-biglang nag-lecture tungkol sa reproductive system si Ms. Lily Lopez ng Science; Nagpa-sharing si Mr. Patrick Roces ng Values Education; Pina-round robin ni Mrs. Tantioco ng Religion ang lahat ng mysteries sa Rosary at nagpakanta siya ng Lift Up Your Hands; Nagbigay ng bonus points si Mr. De Veyra ng Math; Nagpauwi nang maaga ang adviser na si Mrs. Elsa Salido.

IX.

Sumama si Mark Joseph noong nag-imbita ang kanilang adviser na pumunta sa burol ni Princess.  Kasama ng iba pang mga guro at kaklase, nakarating si Mark Joseph sa isang chapel ng isang subdivision na malayo sa kanilang village, isang lugar na hindi pa niya nabibisita.   At doon, sa isang puting ataul, nasilip ni Mark Joseph ang kanyang kaklaseng bigla-biglang nawala-malaki ang ipinayat nito, tagos sa makapal na foundation ang mga gatla sa pisngi at ilalim ng matang dulot ng biglang pagbaba ng timbang.  Naka-powder blue na bestida si Princess, bestidang gawa sa seda.  May suot din siyang pilak na kuwintas at hikaw.  Maayos ang pagkakasuklay ng buhok, mas humaba kesa sa natatandaan ng mga kaklase niya.  Pero hindi pa rin mukhang prinsesa, naisip ni Mark Joseph.  Hindi mukhang prinsesa.  

X.

Bukod sa panghihinayang sa pagkawala ng dagdag na baon tuwing recess, hindi naman gaanong naapektuhan si Mark Joseph Reyla.  Nagpatuloy siya sa pagpapakengkoy, sa pasadyang pagpapadulas o pagpapadapa sa sarili, sa pagkukunwaring hindi alam ang sagot tuwing recitation, sa pagpapakutos at pagpapaasar sa iba niyang mga kaklase.  Minsan, naisipan ng isang kaklaseng tawagin siyang “Regla” dahil sa katunog ito ng apelyido niya, at pinagtawanan siya kasama ng mga kaklase niyang may apelyidong tulad ng “Calib-og” o “Hadapon.”  Nagtawanan sila nang nagtawanan, sina Mark Joseph at ang kanyang mga kaklase.  At hindi na tumigil ang kanilang kasiyahan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.