You Want More Fans, I Want More Stage*

Gaya ng alam ng ibang kakilala, lalo iyong mga malapit sa akin, may karagdagan akong trabaho bukod sa pagtuturo. Isa akong administrador, tagagawa ng mga gawaing pang-opisina sa aming departamento. Sa loob-loob ko, alam kong may halaga at ambag ito, kaya naman hindi pa ako umaalis; sa kabilang banda, alam kong marami pa akong maaaring gawin bukod sa gumawa ng mga liham at makipag-meeting nang walang katapusan at tumingin sa mga Excel sheet hanggang sa dumugo ang mga mata para masigurong walang masasayang na puntos para sa gurong nagpapa-promote o nagpapa-renew o anumang baryasyon nito.

Kasama si Sir Neil Garcia, si Yani na isa sa mga nagpasimuno ng lahat, at mga kaibigan mula sa UP Press/ UPper Shelf Bookstore

Kaya ko siguro sinunggaban itong book signing, meet-and-greet the author event sa UP Press. Sa kalakhan, hindi ako masyadong excited sa mga ganitong event, lalo kung wala akong kasama o kasabay. Pero sa pagkakataong ito, sugod at confirm sa petsang napagkasunduan. Sumabay ito sa bugso ng merit promotions sa aming unibersidad–isa lamang sa napakaraming prosesong pang-opisinang lulunod sa mga sandaling mararamdaman mong may iba kang buhay bukod sa buhay-opisina. Baka kaya mas nararapat ang ilang mga sandali ng pagpapaalala. Baka iyon ang pagkakataon para makakita ng mga kaibigang magsisilbing pahinga mula sa mga nakaraang araw na hindi masyadong mabait sa tulog, pasensya at katinuan.

Siguro naroon nga rin ang patibong kung bakit iniiwasan ko ang ganitong mga pagtitipon. Sa pinakasimple, sa ganitong mga pagkakataon ay gusto mong makita lahat ng taong naging inspirasyon mo sa mga akdang isinusulat mo, silang mga pinag-aalayan ng lahat ng sentimiyento’t ninanais mo sanang maging katuwang sa pagdiriwang. Sa halos lahat ng pagkakataon, hindi lahat ng nais mong dumating ay pupunta, hindi rin lahat ng nais mong magparamdam ay magpaparamdam sa oras at paraan na ninanais mo. Palagiang digmaan naman ang paglalaban ng kung paano mo nahihiraya ang isang eksenang matagal mong inaabangan, at kung paano ito aktuwal na magaganap sa harap mo.

Kasama si Zion na naging bodyguard sa loob ng ilang minuto

Isang bagay din na iniiwasan ko marahil ay ang pagharap sa mga halimaw ng pagnanais maging popular o sikat. Sa maraming pagkakataon, gusto kong kumbinsihin ang sariling nagsusulat ako para sa mga mensaheng nais kong sabihin, na may maaabot ito at may maaantig o/at mamumulat. Nag-iisa man o bulto-bulto, ang mahalaga’y may makabasa. Pero kapag naisalang ka sa ganitong uri ng pampublikong pagtitipon, nagbubukas ang mga puwang ng duda–makakahatak ba ako ng mga taong dadalo, may nagbabasa/magbabasa ba talaga sa mga isinusulat ko, magkakaroon pa ba ng mga pagkakataong katulad nito, sa ibang mga pagkakataon? At naroon ang sabay na lungkot at pagka-guilty, kasi sa loob-loob mo/ko, minsan sumasagi sa isip ang maging hindi lamang manunulat na may gustong sabihin, kundi taong may di-maaming pagnanasang maging sikat o magpasikat. Pero baka masyado kong pinangungunahan ang sarili ko. Baka naman kailangan lang din tingnan ang sarili sa kung paano ako tingnan ng mga kaibigan, kapamilya, estudyante, at mga kasamang manunulat at artistang napadaan sa aking isang oras na pagiging bida/katuwang/kasama.

with Mama susan, syempre naman

Kaya masaya ako sa presensya ng aking Mama, na bumiyahe pa mula sa pagka-canteen sa Batangas; sa aking mga kasamang guro at kaibigang naging mga unang tagapanood din ng mga una kong dula; ang mga dating mag-aaral sa MA sa aming departamento, naroon din (hindi lang ako sigurado kung para sa akin talaga o para sa libreng pizza); ang mga kasamang manunulat na naka-engkuwentro sa ilang mga napuntahang palihan, naglaan ng panahon para sa ilang kuwento at litrato; at ang mga nakilala mula sa mundo ng teatro, hindi man nakadalo lahat ay naroon na ang mga kaibigan at katotong hiniling at inasahan ko. At, bilang extra, may isang nakapunta na hindi ko aktuwal na kakilala–talagang dumaan lamang dahil kasama ang mga naisulat ko sa gusto niyag mabasa (sana, sana). Nakakatuwa, noong nagyayari ang lahat ng ito, parang hindi ko pa naiisip kung paano ito ipoproseso. Ngayong patapos na ang aking pagkukuwento, aba, teka, oo nga, parang ayos naman, parang kahit isang oras lang ay nakaramdam ako ng pagkakumpleto.

At ayun, heto, balik sa mas mga pangkaraniwang gawain at buhay. Binabalikan ang mga larawang nagdaan, may pasasalamat sa mga halimaw at kimerang napagtagumpayan, habang dumadalanging sa susunod na engkuwentro’y lalo pang maging mas magaan ang mga pinapasan (sana, sana naman). At magsulat. Magsulat sa gitna at sa kabila ng lahat-lahat.

*Galing sa kanyang Anyone Else but You ng The Moldy Peaches

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.