Ang Araw na Ipinagpalit Niya si Sailor Moon para kay Alanis

Nawawala ang Sailor Moon pic ko e 🙂

Tinawag siya ng mga kaklase namin bilang “Robeast,” dahil katunog ito ng apelyido niya.  Nagmula ang pang-asar dahil sa mahahaba niyang galamay.  Hindi naman siya ganoon katangkad noong unang taon namin, noong nasa First Year Venus siya at ako naman ay nasa I Earth.  Mabilis talaga ang mga pagbabago sa ganitong mga taon, kahit parang palaging napakabagal matapos ng panahon kapag naroon ka pa lang sa mismong mga sandali.  Dati, hindi kami magkakilala at marami siyang kaibigan.  Noong nagkakilala na kami, halimaw na siya’t iniiwasan na ng mga dating kinakasama.  Akala ko noon, hindi matatapos ang pakikipagtunggali ko sa aking halimaw.

Mula Kindergarten hanggang high school, sa iisang eskwela lang ako nagparoon at nagparito.  Sa paaralan na dalawang kanto lang ang layo mula sa bahay.  Sa edukasyong walking distance, lumaki ako sa paniniwalang ang lahat ng bagay ay kasingsimple ng paglalakad.  Ang mga pangarap, kayang sukatin sa mga maliliit na yapak.  Makabili ng palamig o fishball tuwing uwian.  Manalo sa quiz bee, pagkatapos ay makauwi nang maaga dahil wala nang klase pagkatapos.  Makabisado ang steps sa field demonstration para sa foundation day.  Arms forward raise.  Arms sideward raise.  Ang buhay at alaalang walking distance ay laging abot ng yapak, abot ng kamay.

Ganoon ang buhay hanggang sa grade six ng elementarya.  Palagi akong kasama sa top three noon.  Laging nananalo sa quiz bee.  Napakadaldal, magaling magbasa at magsalita lalo na sa wikang Ingles.  Napaka-creative, gumagawa ng mga laruan at props mula sa ginupit-gupit at pinagtagpi-tagping kahon ng corn flakes o anumang matirang basura mula sa mga pasalubong ng tatay na nagsa-Saudi.  Noong grade five, dinagdagan ng rampa ang entablado sa may basketball court, isang mahabang lakaran sa gitna, para lakaran ng mga may award sa araw ng rekognisyon.  Noong tinawag ang pangalan ko, umakyat ako sa entablado, dumiretso sa rampa.  Imbes na sundin ang utos ng adviser na mag-bow lang at umalis agad, kumaway-kaway ako at tumalon-talon sa dulo ng rampa.  Tawanan ang lahat.  Ang cute naman.  Second place na, marunong pa magpatawa.  Parehong istorya sa grade six, na mula sa ikalawang pwesto’y nakatsamba pang maging valedictorian.  Bilib na bilib ang lahat sa speech na kinabisa ko, akala nila ako ang gumawa at hindi ang tita kong nagsusulat sa dyaryo.  Walang masyadong problema.  Ang tanging suliranin lang ay humabol sa mga kaklaseng nagpatuli na bago magpaalam sa buhay-elementarya.

Tapos, pumasok ang high school.

Maraming bago.  Mga bagong-lipat na kaklase.  Mga bagong pagpapangalan sa mga seksyon—mula mga mabuting ugali (Honesty, Loyalty, Trustworthiness) ay naging mga planeta (Mercury, Venus, Earth).  Mula sa dalawang seksyon noong grade six, ikinalat kaming mga dati nang nag-aaral sa eskwelahang iyon, ikinalat sa apat na mga seksyong may mga bagong mukha.  Mas matangkad na ang mga tao sa paligid.  Ang mga lalake, inuugat ang braso, mas malalim ang boses, tinitigyawat.  Ang mga babae, nagbubuhos ng baby powder sa panyo bago ilagay sa mukha, mas marami na ang maumbok na dibdib.  Hindi ako masyadong nalula kahit nabigla.  Akala ko, makakasabay ako sa mga pagbabago.

Sa isang meeting para sa student council, unang taon bilang high schooler, mula sa section Earth, kasama ang mga bago at lumang mukha ng ibang year level, habang nakikipag-usap sa paraang alam at nakasanayan ko sa mga nakaraang taon ko, may isang bagong mukhang sumingit.  Isang bagong mukha.  Isang second year na lalaki, hindi ko pa kilala noon.  Galit at iritado ang kanyang tono:

“Ang ingay mo masyado.  Para kang bakla.”

Grade four pa lang, alam ko nang may iba sa akin.  Hindi na bago ang matukso ng kapatid at mga pinsan na malambot ako, na hindi ako kumikilos na parang lalaki, na kumpara sa kanilang lahat, lampa ako.  Kaya hindi ko kayang makipag-basketball kasama nila.  Kaya pag nagkukunwari kaming kami ang mga robot na leon sa Voltron, ako palagi si Green Lion, dahil si Green Lion ay sa ilalim lang ng lupa nanggagaling at hindi na kailangang tumalon sa mataas na pader ng bahay kasama ng mga pinsan.  Malay na ako sa ganitong mga bakas, pero ang mga bakas na ito, sa pagkakatanda ko, ay palagiang naiiwanan sa bahay.  Sa eskwela, iba ako, okey ako, o higit pa sa okey.  Sa eskwela, walang nagsasabing may mali sa akin, hanggang sa araw na iyon, sa student council meeting.

Kaya ang mga unang araw ng high school sa akin ang mga unang leksyon ko tungkol sa pananahhimik.  Masyado akong maingay.  May mali sa akin.  Bigla, naging mas sensitibo ako sa kung paano ako kumilos.   Sa mga kantang binabasa at inaawit sa songhits.  Sa mga larong nilalaro.  Sa mga binabanggit na crush.  Ang dating malikhain, masayahing bata, unti-unting nagsara at namuhay bilang isang tahimik at malungkuting binatilyo.  Bumagal ang usad ng oras, at maraming araw akong nanalanging sana’y nasa elementarya pa rin kami.

Sa mga pagkakataong hinahanap ko ang nawalang kabataan, bumabalik ako sa mga bakas na kaya kong balikan.  Naroon ang panonood ng cartoons na naabutan noong elementarya.  At kahit minahal ko sina Gambit at Storm sa serye ng X-men, isa sa mga hindi ko nabitawan ay ang pagsubaybay sa kwento ng anime na Sailor Moon.

Sa Sailor Moon, ang bidang babaeng si Bunny Tsukino ay biniyayaan ng mahiwagang brooch ng pusang si Luna, at sa pagsigaw ni Bunny ng “Moon Prism Power Makeup” ay nagta-transform ang iyaking dalagita at nagiging si Sailor Moon, ang magandang tagapaglaban ng pag-ibig at katarungan.  Kinikilig ako kapag sinasabihan niya ang kalaban ng “parurusahan kita, sa ngalan ng buwan!”  Kaya nga, sa loob-loob ko, alam ko na. Confirmed na confirmed, kumbaga.

Nakatulong sa akin si Sailor Moon na tiisin ang mga kaakibat na hamon sa pagpasok sa unang taon ng high school.  Ang mga machong CAT officers, mga mas matandang kaeskwela, mga gurong hindi sensitibo sa usapin ng sexualidad.  Sa mga pakikipagsapalaran ni Sailor Moon sa mga mahiwagang halimaw, sa tulong ng kanyang mga kaibigang sina Sailor Mercury, Venus, Mars at Jupiter, silang mga ordinaryong mag-aaral sa araw pero mga dakilang mandirigma sa gabi, marami akong natiis.  

At tinangka kong mairaos ang buhay.  Sinubukang magpatuloy sa mga pagpapabibo sa klase at extra-curricular activities, isinabay ang pag-aaral ng table tennis para may ibang larong alam bukod sa hindi-panlalaking volleyball, sumagot sa mga eksamen at homework at nakipagbiruan at nakipagtawanan hanggang sa abot ng makakaya, para magmukhang maayos ang lahat.  Ang mga tagapagtanggol ng buwan ay nag-aalaga ng dakilang sikreto. Hindi ko dapat ikalat sa mga tao ang aking secret identity.

Nairaos ang unang taon at nagkaroon ng panibagong pag-iikot ng mga estudyante sa magkakaibang seksyon.  Sa Saturn kami napunta.  Doon kami naging magkaklase ni Robeast, na galing naman sa section Venus noong nakaraang taon.  Si Robeast, napansin ko na noon dahil bagong lipat siya sa eskwelahan.  Si Robeast, mahusay sa volleyball, kaya kasama ang team nila sa mga inaabangan noong unang taon, samantalang kami sa team Earth ay binubuo ng mga manlalarong bokya at laglag agad sa liga.  Si Robeast, magaspang ang boses, parang laging mang-aaway.  Galing siya sa Venus pero noong una kaming nagkausap, hindi si Sailor Venus ang naisip ko.  Nagsimula ang lahat noong nasabi niyang nanonood din siya ng Sailor Moon tuwing Sabado.  Ayun ang magic words na nagpabago ng tingin ko sa kanya—mula sa isang maangas na binatilyong taga-Venus patungo kay Mamoru o Tuxedo Mask, ang bidang lalakeng kapareha ni Bunny/ Sailor Moon.

Marami kaming pinagsaluhan ni Robeast bukod sa pagkagusto kay Sailor Moon.  Ang namumuo kong pagmamahal sa Eraserheads.  Ang interes sa mga tugtog ng Wolfgang.  Pagkain ng goto at saba con yelo sa tindahan sa kanto.  Higit sa lahat, ang paglalaro ng volleyball.  Ako ang setter at siya ang spiker.  Paminsan-minsan, sabay kaming tumatalon at nagiging blocker.  Ipinagdiwang namin noong na-block ko ang maangas na kalaban mula sa mas mataas na batch.  Nakinig ako sa kanya noong naikwento niya ang tungkol sa kanyang hika, at noong nabanggit niyang nagtangkang mag-suicide ang nakatatanda niyang magkapatid.  Minsan, lalo sa mga ganoong pagkakataon, iniisip kong superhero ako, na aalagaan ko siya at ililigtas sa lahat ng gumagambala sa kanya.  

Samantala, ipinagkamali ng mga kaklase namin bilang pagkamayabang ang pagtatago ni Robeast ng kanyang mga kwentong-buhay.  Naging halimaw siya para sa marami, isang halimaw na hindi isasali sa dulang Florante at Laura, isang halimaw na hindi isasama sa year-end outing sa Grotto Vista.  Sa gitna ng pang-aaway sa kanya, ako ang naging tagapagtanggol niya.  Pinilit ang mga kaklaseng maisama siya sa mga lakad at gawain ng batch.  Sinagot ang mga may reklamo sa pagkasuplado at pagkamayabang niya.  Noong nagkaroon ng sleepover ang buong high school, siya ang dahilan kung bakit masaya ako kahit matutulog kami sa sahig ng classroom, kasama ng iba pang mga kaklase.  Nagkaroon ng saysay sa akin ang lyrics ng “Alapaap” ng E-heads na kakalabas lamang sa mga radyo noong panahong iyon.

Isa sa mga ipinagpasalamat ko noong sumunod na taon ay noong nadiskubre kong magkapareho pa rin kami ng section ni Robeast kahit nag-ikot na naman kami ng mga kaklase.  Mula sa mga planeta, binago muli ang pagpapangalan sa mga seksyon at ginawa nang mga pangalan ng mahalalagang bato.  Sa section Amethyst nagsimula ang Hunyo namin ni Robeast at ng ibang mga kamag-aral.  Natapos ang ikalawang taon nang wala ako sa Top Three, pero wala na akong paki.  Mas excited ako sa planong maging Cadet Officer at pumasok sa Cadet Officers Candidacy Course.  Plano ko ring makalahok sa student council, sa pwesto ng Vice President.  Excited ako sa mga posibilidad, lalo’t sa isip ko, makakapaglaro pa rin naman kami ng volleyball ni Robeast, at makakapagkwentuhan tungkol kina Sailor Moon habang kumakain ng lugaw at saba con yelo sa gate ng village.  Isang araw, kinamusta ko kung natuwa siya sa mga bagong-dagdag na Sailor Soldiers, kung gusto ba niya sina Sailor Neptune at Sailor Uranus.  Nayayamot ang boses niya noong sumagot siya:

“A, hindi na ako nanonood nun e.”

At habang nagsimula akong maghanda at mag-ipon para sa bagong album ng Eraserheads (na naantala dahil inutusan ako ng cadet officer na ibili muna siya ng cassette ng Rivermaya), may nakilala siya—isang bagong kaklase.  Bagong kaklaseng babae.  Ipinakilala ng bagong kaklase ang mga tugtog ni Alanis.  At kahit matututuhan kong magustuhan ang pait at sakit sa mga kanta ng dayuhang mang-aawit, palagi ko nang matatandaan ang mga kanta ni Alanis bilang kanta ng pagwawakas at pamamaalam.

Isang maulan na hapon, isang maulan na hapong nakalimutan kong magdala ng payong, naiwan akong mag-isa sa classroom sa III Amethyst.  Ang ibang kaklase, sinundo o nakauwi na.  Ang iba, nasa labas at nagpapatila.  Habang naghihintay ako sa loob, dumating si Robeast kasama ang mga kaklase sa Amethyst at sa ibang mga seksyon, halos lahat ay mga kaklaseng umaaway sa kanya noong nakaraang taon.  Naglolokohan sila, nag-aasaran kung sino ang bakla.  Tumatawa sila nang malakas, nagtuturuan kung sino, nagtatanggihan.  Walang bakla sa kanila.  Wala.  Mayamaya, nalagas ang mga kasama niya, at pumasok sa classroom ang kanyang bagong kaibigan, si kaklaseng maalam kay Alanis.  Nagpatugtog sila sa cassette player, sila sa isang sulok, ako sa kabila.  Nasaktan ako noong umandar ang lyrics sa kantang Perfect:

“Sometimes is never quite enough/ if you’re flawless, then you’ll win my love…”

Naglakad ako pauwi kahit na hindi pa tumitila ang ulan.  Doon ko naman naikabit sa ulan ang imahen ng pagtatangka sa paglimot.

Lumipas ang mga buwan.  Hindi ako nakipag-usap kay Robeast.  Sa sinalihan kong school paper, gumawa ako ng tulang ang pamagat ay “Kaibigang Ewan Ko Ba.”  Noong Christmas party, nakumbinsi ni Alanis na makipag-usap sa akin si Robeast at mag-sorry.   Mula sa pagkawala sa Top Three, naalis ako sa Top Ten, pero gaya ng dati’y wala na akong kaamor-amor sa pagsali sa honor roll.  Mas tumutok na lang sa pagiging mahusay na kadete, sa pagsali sa school paper, sa student council, sa lahat ng extra curricular activities na pwedeng pasukan.  Naglaro pa rin kami ni Robeast sa liga, nanalo sa ilang laban, natalo sa iba.  Dumating ang ikaapat na taon, ang pangalan ng mga bato ay naging pangalan ng mga sikat na lugar sa Pilipinas.  Sa IV Bagumbayan, naging magka-section pa rin kami ni Robeast, kasama ni Alanis.  Pero ibang babae na ang pinopormahan ni Robeast, at sa bandang huli’y hindi na rin sila nagkibuan masyado ng kaklaseng si Alanis.

At lumipas ang mga araw.  Nagtapos kami ng high school.  Nagpunta sa magkakaibang mga kolehiyo.  May isang araw, nakita ko si Robeast, sa loob ng grocery.  Bumibili sila ng lampin para sa baby nila ng aming batchmate noong fourth year.  Sa dyip pauwi, sa ibang araw, nakasabay ko uli siya.  Ang dating diretsong buhok ay napalitan ng dreadlocks, dahil bahagi na siya ng isang reggae band.  Lilipas ang mga taon, mauuso ang Multiply at Facebook, at makikita kong isa na siyang photographer na may iba nang asawa at pamilya.  Minsan, anim na taon na ang nakaraan, binati ko siya ng “happy birthday!”  Hanggang ngayon ay ang status na “seen” lang ang tanging sagot.

Anuman ang pinagdaanan ko kay Robeast, sa alaala ko, sa imahinasyon ko, kahit na hindi na siya madaling bagtasin gaya ng walking distance na paroon at parito sa dating paaralan, hindi ko pa rin maisip si Robeast bilang isang halimaw.  Sa hiraya ko, sa aking alaala ng mga bato at bayani at planeta, may isang maliit na bahaging iniisip ko na ako si Bunny, na sa totoong buhay ay si Queen Serenity, reyna ng buwan.  At si Robeast, siya si Tuxedo Mask na sa totoong buhay ay si Haring Endymion, hari ng mundo.  Si Endymion na napailalim sa isang sumpa, isang sumpa ng paglimot.  Isang araw, sa tulong ng mahiwagang kristal, sa pagdating ng isang mahiwagang panahon, mababalik ang mga alaala ng hari, at magbabalik ang mga kislap sa mata niyang pinadilim ng kawalang-alaala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.