Mga Ligalig sa Paglikha ng Kaligtasan

Si R. Jordan Santos ang nag-layout ng aming libro; si Tokwa Penaflorida naman ang gumawa ng cover artwork

(Introduksyon ito sa kalilimbag na isyu ng Likhaan: Journal of Contemporary Philippine Literature. Nagsilbi akong issue editor sa ikalabingtatlong labas ng journal na ito)

Sa katatapos lang ng 58th UP National Writers Workshop nitong Hulyo, ihinarap ng workshop fellow na si Sarah Lumba ang kanyang isinusulat na manuskrito—isang proyektong humahabi ng isang hinirayang hinaharap, kung saan nagtatahi-tahi ang ideya ng pagpapatawa, kalamidad, pag-iisa, libog, at ang pagbabalik sa pagkauso ng diktadura.  Isa itong kuwento kung saan nagsasala-salabat ang hampas ng bagyo, ang hindi mawala-walang problema sa pagbara ng trapiko sa lungsod, ang pagkakalibing ng diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at ang pagkatangay na dulot sa pagkakahuli ng mahal sa buhay na may katalik na iba.  Sa mas maraming pagkakataon, trahedya ang hatid ng ganitong mga imahen at kuwento.  Sa kaso ng manunulat na nagmungkahi ng kanyang proyekto, nasilip niya ang lahat ng ito sa lente ng pagpapatawa.  Ang mapanganib na hinaharap ay nahiraya bilang isang higanteng katatawanan at kabaliwan. Itong hinirayang kawalan ng kaayusan, itong pagkawala sa hulog, marahil ito ang atakeng naisip ng manunulat sa pag-atake din ng realidad na sa panahong ito, sa kasalukuyang ito, posibleng ihimlay at ituring na bayani ang isang diktador na naminsala ng isang bayan sa loob ng mahabang panahon.

Nitong nakaraang Agosto naman, naglabas ng pahayag ang UP Institute of Creative Writing kaugnay sa mga writing workshop bilang “safe spaces.” Tugon at komentaryo ito sa mga alegasyong nakapaligid sa mga kaso ng panggagahasa, sexual harassment, at iba pang anyo ng dahas sa konteksto ng mga pambansang palihan at iba pang mga pangunahing proyekto ng mga organisasyong pangmanunulat at pampanitikan sa Pilipinas.  Sa pinakamaliit at pinakasimple, naging mitsa ito ng maraming mga pasabog at pagsabog, mga tanaw at tanong tungkol sa pagiging ligtas o nanganganib ng mga manunulat na Pilipino sa mismong komunidad na ginagalawan nila.  Ang mga sirkulong dapat ay nagtuturo at nagdidiin sa malaya at mapagpalayang paglikha, may pahiwatig na dito rin nagmumula ang mga bakas ng pagsikil at pagpapatahimik. Kasi, sa pinakasimple (simple na ito, sa lagay ng mga bagay), paano magsusulat tungkol sa paglaya o pagpapalaya kung sa mismong sariling espasyo’y ginagahasa ang manunulat sa iba’t ibang anyo at paraan? At paano makikipagtalaban itong mga sigalot sa loob ng writing community sa mas malaking mga espasyo ng lipunang Pilipino?

Dito sa dalawang kaligirang nabanggit, dito ko nais silipin at bigyan ng pagtitimbang itong pagtitipon ng mga manunulat at akda sa Likhaan 13.

Bilang isang proyektong produkto ng isang institusyonalisadong grupong pangmanunulat, paano dapat basahin hindi lamang ang mga natipong akda kundi ang buong proyektong publikasyon?   Anu-ano ang mga kinakathang panganib ng bawat malikhaing piyesa, at paano ito sumasang-ayon o nagtataksil sa institusyong sumala at magtatanghal sa kanila bilang mga piniling manunulat ng taon? Tinutumbok ng mga naunang halimbawa at nitong mga umusbong na pag-uusisa ang pagharap ng manunulat sa iba’t ibang antas ng pagtatagpo o pagsasalubong. Itinatanghal ng manunulat, sadya man o hindi, ang mga isyu at usaping pinahahalagahan niya at kinikilingan, kasabay ng kung paano nakikipagtalaban ang mga pagkiling na ito sa iba’t ibang antas ng pagpapatron, na may talab o epekto rin sa kung paano mahuhulma ang anyo ng mga tauhan at mundong kinakatha. Klasikong diskusyon—gasgas na usapan tungkol sa personal at pulitikal, sa kawalan ng kawala ng anyo sa kanyang nilalaman.  Pero sa kasalukuyan, parang may nagbago, sa kung anumang dahilan.  Sa kung anumang dahilan, parang naging mas lantad ang mga nakaambang panganib.  Sa kung anumang dahilan, tila mas totoo para sa mga manunulat ang nakaumang na patalim ng kamatayan o pagkagunaw.

Maraming tulak patungo sa pagiging mas totoo at konkreto nitong ideya ng kapahamakan sa kasalukuyan.  Maliit na bahagi pa lamang itong pagkakalibing ng dating diktador sa Libingan ng mga Bayani, at ang kasalukuyang pamunuang naglatag ng mga kondisyon para gawing posible ang lahat ng ito.  Tunay na malaki ang papel ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasakatawan ng mga kapahamakang unti-unting kumakalabit kahit hanggang sa mga gitnang-uring manunulat. Sa macho at palamurang dila ng pangulo umusbong ang iba’t ibang pagsasanga ng salita at gawa. Sa usapin ng droga, handang tokhangin ang lahat, basta nasa mababang bahagi ng tatsulok; pag mga kaalyado o nasa mataas na ahensya, kakampi ang turing niyang narkopolitikong babad sa Fentanyl. Sa usapin ng teritoryo, palalayasin ang lahat, maliban kung kaibigan mula sa Tsina at iba pang magdadala ng mabuting negosyo’t malaking pagpoporsyento; lahat ng kababayang sa temporaryong kontrata umaasa, endo ng trabaho at pangarap ang tanging matatanggap. May pera para sa intelligence fund at sa alkansya ng mga mambabatas para sa kani-kanilang pet projects; walang ni isang kusing para sa ating mga ospital, paaralan, at iba pang mga batayang pangangailangan—pugad daw kasi ito ng mga rebelde at komunistang kalaban ng bayan. 

Dito, dito sa ganitong pagtatagpo nagkukrus ang landas ng mga manunulat na umiiral din bilang mamamayan ng lipunang Pilipino. Ang mas masalimuot—kasingsalimuot marahil ng nalulusaw na polar ice caps o nasusunog na mga kagubatan o numinipis na mga pananggalang sa atmospera—marami sa mga kasamang kumakatha ng ating pambansang panitikan ang naniniwalang sa gitna ng lahat ng ito, ayos lang, walang ka-proble-problema.  Brasong nakataas, kamaong nakakuyom at matabil na dila ang ipinangtatapat ng ibang manunulat sa ganitong mga pagsasala-salabat.  Ito marahil ang ambag nitong Rehimeng Duterte sa atin—ang pagluluwal ng mga artista at mamamayang manhid sa kamatayan at dahas, lulong sa kamachohan at katabilan ng dila at diwa, malayo o ayaw sa rason.  Kaya naman nauuso rin ang kultura ng “call out.” Ito ang panahon kung kailan may pakiramdam na mas matingkad ang pangangailangang gumuhit ng mga linya. Manunulat ba ng bayan o ahente ng pamahalaan? Artistang makapadrino’t makasarili o tagalikha ng sining na naglilingkod sa masa? Tinig ba ng biktima o tagapagtanggol ng mga predator? At mula sa ganitong pagguguhit, umuusbong ang mga bagong pakikipagbuno sa mga kahon at kategorya, sa mga tangkang pangalananan ang mga tindig at tanaw na maaaring hindi pa nabibigyan ng panahon at pagkakataon upang timbangin at pagmunimunihan.  Pagkat ayun na nga, paano magmumunimuni sa mga isyu ng pagiging manunulat kung wala na namang tubig na lumalabas sa mga gripo ng kanya-kanyang tahanan? Paano lubusang makapagguguhit ng mga linya kung nasira na naman ang linya ng LRT at MRT?  Umiikot ang mundo, habang hinihintay matapos ang petsa de peligro—at pagdating ng suweldo, kukunin ito sa ATM na nakasulat sa wikang hindi na Ingles, hindi rin Filipino. Mas ramdam ang ligalig sa paligid, kapahamakang ang machong Malacañang at kamaynilaan ang sentro. 

Pinapaksa, binubuno at binubo ng mga natipong akda itong ligalig ng machong makalungsod na kamalayan. Ligtas nga ba ang paglikha sa Likhaan? Sa pinamabilis at pinakamadaling tugon, hindi. Una nang makikipagbuno ang mga may-akda sa posibilidad na maglilimbag sila ng libro na sa magkakaibang antas at paraan ay sumusuporta sa kasalukuyang mapanupil na pamunuan at sistema ng lipunan.  Silang mga produkto ng iba’t ibang pambansang palihan at pagsasanay, mga gawad, mga akademikong programang may ugnayan sa mga patron nitong binubuong panibagong diktadura. Makikipagbuno/nakikipagbuno ang mga manunulat sa bagahe ng kanilang mga pribilehiyo’t kakayahang gumalaw sa loob ng mga institusyong nagbibigay ng kapital sa sining at panitikan. Kasabay nito, tangan-tangan nila ang hamong lumabas sa ginhawa nitong mga tagapagbigay ng tatak na “manunulat,” at tangkaing isatinig ang mga istorya ng mga tauhang nasa gilid o ilalim o laylayan, ang pagkatha ng mga salaysay na may garantiyang hindi maaagaw ang mga katotohanang binubura’t nabubura sa iba’t ibang antas at paraan. Palaging pakikipaglaro sa nakaambang panganib ang pagsusulat sa loob ng mga institusyon.  Habang nagtatangka ang manunulat na maglugar ng kanyang tinatanaw na mundo sa mapa ng mga pahina, ibinubunyag din niya ang kanyang pagpoposisyon at mga pag pagtataksil, sadya man o hindi. Gusto kong isiping sa kung anong antas at paraan, ang mga manunulat at akdang natipon sa isyung ito ay malay sa ganitong mga tendensiya.  Sa pagiging malay, bukas sila hindi lamang sa pagpupuna sa kanilang mundo kundi sa pagpupuna sa kanilang mga sining, bilang mga gitnang-uring tagalikha ng kahulugan.

Ang ilan sa mga akda sa Likhaan 13 ay nagtatangkang mag-ugat at magtalakay sa mga umiiral na tradisyon sa panitikan, at kung paano naitatampok ang pagsasalubong sa problematisasyon ng pagsusulat at pag-unlad/kaunlaran. Mababasa sa mga sanaysay na Pag-ibig, Himagsikan, Katubusan ng Sambayanan: Sining, Etika at Politika ng Sining sa nobelang KALIGTASAN ni Faustino Aguilar ni E. San Juan, Jr. at Pormula Inc.: Mga Pagmamapa at Bisuwalisasyon ng mga Nagsasalubungang Ekolohiyang Pampanitikan ng Tradisyong Balagtasan sa Unang Hati ng ika-20 Siglo ni Amado Anthony G. Mendoza III ang pagtatagpo ng kasaysayan at ugnayan ng uri at lahi sa paglitaw ng mga pananaw at pagkilos na may kaugnayan sa produksyong pampanitikan sa Pilipinas, na sa dulo’y may tanaw tungkol sa isang inaasam na paghihimagsik sa pamamagitan ng mga salita.  Makikita ang pakikipagbuno para sa isang ideyal na lipunan mundo, sa pamamagitan ng panitikan at malikhaing pagsulat. Sa pakikipagbuno inuusisa ang ideya ng pag-unlad na ikinakabit sa usapin ng pag-angkin ng mga lupain o/at pagbabagong-bihis ng mga lupang taniman patungo sa ibang mas “maunlad” na istruktura. Itong mga bakas ng “moderno” sa panitikan ay interesanteng ilapat din sa lapit ng dalawang manunulat—habang ang isa’y naghahambing sa mas tradisyunal na paggamit ng nakalimbag na salita, ang isa naman ay umaangkop ng computer-aided na text analysis.  Maaaring ituring din ito bilang pagtatanghal ng mga interseksyong hinahanap sa paglikha at pagbasa ng panitikan sa kasalukuyan. O sa mas madali, maaaring itanong—ano ang intensyon ng mga lapit sa pagsusuri, at paano nakatulong o nakasagabal ang mga napiling lapit?

May pagtatangi sa mga espasyong rural, o sa mga espasyong hindi pa napipinsala ng pag-unlad.  Ikinakabit ang mga lugar na ito sa mga paglalakbay at pagpaparoon at pagparito sa alaala.  Mababasa ito sa mga akdang gaya ng Bunso ni Bayani Macatiag Gabriel, Kalawang niMark Anthony S. Salvador, at That Distant Shore ni Sigrid Marianne Gayangos. Ang lamig at ginhawa ng pag-alala’y natatabunan ng mga salaysay ng pagsakop at pagkakait ng mga batayang karapatan.  Ang espasyong rural ay nailalarawan bilang sanktuwaryo, isang “last frontier” na nalalapit na—kung hindi man tuluyang naabot na—ng mga galamay ng halimaw. Nagpapatuloy ang ganitong pagbaybay sa alaala’t paghihimagsik sa mga piyesang Ayon ni M.J. Cagumbay Tumamac,  Tagtuyot at iba pang mga Tulani Ryan Cezar O. Alcarde, at Paghimlay sa Banig ng Apoyni Francisco Arias Monteseña.  Sa kanilang mga akda, pumipiglas ang mga tauhan at imahen mula sa mga inaasahang pagkakahon sa kalikasan bilang lunan ng pahinga at pagkapanatag. Ang mga nakasanayang alamat at kuwentong bayan ay ginagawang kuwento ng bayang ground zero para sa mga digmaang sa maraming pagkakataon ay malayong realidad, lalo sa mga nasa kamaynilaan. Ang kanilang mga pag-alala at pag-aalala’y tangkang pagsalubungin ang mga isinasagilid patungo sa isang mas matapat na larawan.  Ang kanilang pagkatha ng mga alaala ay ang kanilang tangkang ibalik ang mga nawawala sa mapa ng panitikan at ng bayan.

Samantala, inuusisa naman ng Bakla in the City: Toward a Reluctant (Queer) Poetics ni Glenn Diaz itong pagtitimbang kaugnay sa pagsasalubong at pagsasala-salabat. Na habang tinatangkang bunuin ang pag-unawa tungkol sa mga usapin ng uri, matatawag ang atensyon ng manunulat sa mga nakasanayang pagtingin sa sex at kasariang lumilihis sa mga nakasanayang pagkilala sa pagiging heterosexual na lalake at babae sa lungsod. Itong pulitikang “queer” ay may mungkahing maging mas malay sa iba’t ibang mga pagkakahon habang nakikipagtunggali sa pag-iwas o o pananatiling nakapaloob sa mga kahong ito. Isa itong pagpoposisyong kumikilala na may iba’t ibang antas ng opresyon, na lumilitaw at naglalaho sa magkakaibang paraan at pagkakataon.  Kapag may “binabakla,” may inuusisang kasaysayan at kaayusan, may tangkang lumaya at maging mapagpalaya pero may mga pagkakataong nagiging mapanupil din at nagiging bukas sa pagsupil, kahit inaakalang nakaligtas na. Siguro, sa panahong nakapadali na lamang ikahon ang anumang pagkilos at opinyon sa mga kahon ng “Dilawan” o “DDS” o “komunista,” baka itong binaklang pagtitimbang ang direksyong marapat tahakin. Pagkat posible naman, baka maaaring paunlakan, na ang tugon sa isang macho, war-freak at double-speak na pamunuan ay isang klase ng panitikang umaandar sa mga siklo at proseso ng pagtitimbang, paglilihis, pagpupuna, pagbabagong-bihis, hanggang sa muling pagtitimbang at pagpapatuloy ng proseso.

Ang panitikan at sining ay realidad na nagtitimbang at naglalabas-pasok sa kasaysayan, alaala, pag-ibig, pulitika at poetika.  Baka kaya ang alaala’y naglakbay mula sa Manila Bay hanggang kay Lean Alejandro sa Where We’re From ni Maricris D. Martin; baka kaya pamilyar ang pagtanaw sa buwan, ang pagtingin sa sarili, ang pagmumunimuni sa buhay at kamatayan, kasaysayan at pag-iisa, pag-alala at paglimot sa mga akdang Portrait of a Woman (Unfinished) ni Abner Dormiendo; Pentimento ni Rodrigo Dela Peña, Jr., at sa The End of Dementia ni Vincen Gregory Y. Yu; baka kaya may mga pising nagkakabit-kabit sa pantasya at tunay na buhay, sa tradisyon at sa mga bakas ng pag-unlad, sa mga piyesang Ang Pulbura sa Hangin at Ang Mga Tala sa Gabi ni Mubarak M. Tahir, Biray ni Perry C. Mangilaya, at Doktor ng Bayan ni Emmanuel V. Dumlao; ang pagtalakay sa pagiging bipolar sa  In Which the Moon Rises/The Wolf ni Maria Amparo Warren ay maaaring isang salamin sa pagtanggap sa imahen ng sariling itinatampok sa Remains ni Jennifer Mutia Eusebio , at sa  Potpot ni Israfel Fagela.   Kung paanong nagkakaroon ng lohika at saysay ang pagtatagpo ng lungsod at nayon, ng sining biswal at medisina, ng tradisyon at isyu ng mental health at kabataan/katabaan, at ang lahat ng mga nasa gilid at pagitan. Dito binubuo at binubuno ng mga manunulat ang kanilang pag-unawa at pagpapaunawa sa mundong wala sa ayos.

At mula sa mga kawalan ng ayos, maaaring maghagilap ng mga bakas ng kaayusan, o itodo-todo na ang “kabaliwan.” Maaaring dito naglalaro ang mga piyesang 4 prose poems ni Kristine Ong Muslim, kung saan nakikipaglaro sa imahen ng videogames ang ilang piraso nitong mga tulang parang kwento pero hindi, o kwentong parang tula pero hindi; sa Bayan ng mga Bangkay ni Chuckberry J. Pascual, nakipagbakbakan siya sa ideya ng mortalidad sa pamamagitan ng isang zombie apocalypse (at bakit hindi?).     Gagamiting materyal ni Christine V. Lao

 sa kanyang Ignorance of the Law ang mga teksto at konteksto ng hustisya at batas—na maaaring ihambing sa kung paano naman tumutula o tinutulaan ang mga biktima ng enforced disappearances o summary executions, o ang mga tumutula at tinutulaang bilanggong pulitikal. At mula sa blangkong pahina, saan ba dapat magwakas kundi sa isang hinaharap na walang ibang nangingibabaw kundi utang?  Itong hinaharap na hindi na malayong ma-build-build-build ay pinapaksa sa from dust you shall return with debt ni Ma. Doreen Evita L. Garcia. Kung hindi lunod sa utang, maaaring magbasa naman ng isang mundong nilalanguyan ng mga sirenang galit sa mga nagpapatag ng bundok at nagtatayo ng dam—isang piraso lamang ito ng surpresang nag-aabang sa All These ni Reil Benedict Obinque. May excitement sa posibilidad na ang mga tinitimbang na hamon ng manunulat sa kasalukuyan, kung nasusundan nga natin nang maayos ang mga bakas, ay naroon sa isang interseksyon kung saan nagtatagpo ang isang binaklang baliw na pakikibaka sa mga materyal na kondisyon at ugnayan, patungo sa isang pambansang panitikan na mas sensitibo at mapagbantay sa mga usapin ng kalusugang pangkaisipan, relihiyon, wika, identidad, kaunlaran, at kapayapaan.

Kasama nitong mga natipong malikhaing akda ang panayam ni Luna Sicat Cleto kay Ruth Elynia Mabanglo, gayon din ang listahan ng mga publikasyon at proyektong may kaugnayan sa panitikan at malikhaing pagsulat nitong nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan. Inaasahang makakatulong ang mga talang ito sa pagbaybay nating mga manunulat at mambabasa sa mga direksyong posible pang tahakin ng ating pambansang panitikan sa hinaharap.

Pagbati sa mga manunulat na nakasama sa koleksyong ito. Pagbati sa bawat engkuwentrong tinatrato nitong mga akda bilang pakikipagbuno sa buhay at kamatayan. Nawa’y naikakatha ng kanilang mga salita ang lahat ng mga tao, istorya at buhay na nararapat maibalik sa ating pabulok/nabubulok na mapa ng gunita. Hanggang sa mga susunod pang pagtitimbang at paglikha ng/sa ligalig at kaligtasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.