Ang Casa ni Lorena (at iba pa)

mula sa FB page ng Casa Sampaguita

Isa itong Casa Sampaguita sa mga palabas na hindi (muna) maisasaentabaldo, dahil sa mga pangyayaring kaugnay ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19. Isa itong dulang musikal na nag-umpisa bilang tangkang bagtasin ang buhay ni Maria Lorena Barros. Si Lorena ay isang manunulat, iskolar, aktibista at rebolusyonaryong tagapagtatag ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan. Habang tinatangkang buuin ang script na gagamitin ng mga mag-aarals a UP Los Baños, nabago ang direksyon ng proyekto. Naroon pa rin si Lorena, ang kanyang mga kuwentong-buhay at tula; pero ang mga ito ay nagsasala-salabat na sa iba’t ibang salaysay ng mga taong sa magkakaibang antas ay may mga salaysay na maikakabit sa salaysay ni Lorena. Nasa ibaba ang buod na nabuo para sa dula:

mula sa FB page ng Casa Sampaguitahttps://www.facebook.com/CasaSampaguitaUPLB/

Dito sa Casa Sampaguita mapupunta si L, isang babaeng hindi matandaan ang buo niyang pangalan maging ang kanyang pinanggalingan. Sa pagkalito, una siyang dadapuan ng takot sa napuntahang kakaibang mundo. Sa kanyang pagpapasikut-sikot, makikita niya ang isa pang L, isang babaeng magsisilbing gabay at katuwang ng bagong-dating na L. Madidiskubre ni Bagong L na ang Casa Sampaguita ay nilalagakan ng mga babaeng “L” din ang tatak—mga babae o tauhang ikinakahon din sa mga bintang ng kahinaan para sa mga babae—may iba-ibang kasaysayan ng buhay at sakit. Matutuhan ni Bagong L ang kalakaran ng buhay at ng mga tauhan sa Casa Sampaguita, maging ang kanyang papel sa pagbabago ng mundong ito. Sa dulo, ang leksyon ng Casa ay tungkol sa leksyon ng iba’t ibang katuturan at kakayahan ng mga nilalang na tinatangkang alpasan ang kanilang mga kahon at harang. Ang babae o/at ang mga tauhang ikinakahon din na parang babae (silang hindi pumapasok sa kahon ng tuwid na straight na lalake) ay mga tauhang maraming katauhan at kapangyarihan—banayad at mabango tulad ng talulot ng bulaklak, talulot na maaaring maging kasing talim ng wika sa isang tula o hiwa ng kutsilyo. Samantala, si L na gabay ay tutulong sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanyang mga tala, tula, at kuwentong-buhay. Sa Casa Sampaguita, ang kaligtasan ay nasa pag-alala, pagtala, pag-awit, pagtula. Makakalaya ang napakaraming L sa Casa Sampaguita, isa-isang ihahayag at mababawi ang kanilang mga inagaw o binurang pangalan at kasaysayan.

Alam kong may mas mahaba pang sulating nararapat para rito. Pero sa ngayon, ito muna. Isang pag-alala at pagkilala gamit ang kaunting salita, ilang larawan at video. Kinailangan lang magtala pagkat nadaanan sa pagbagtas ng iba’t ibang social media posts ang ilang pabatid na ngayong araw nga pala ang anibersaryo ng pagpaslang at pagmamartir kay Lorena. Sana’y manatiling buhay ang kanyang mga alaala at aral. At sana, pag nalampasan na natin ang mga hamon nitong sakit sa katawan at sakit ng bayan, maitanghal na ang nabiting mga salaysay na ito. Gusto kong isiping ang mga kuwentong napapatda o naaantala’y lagi namang maisasalaysay sa pinakaangkop niyang panahon, mukha mang hindi ganito ang dating sa pakiramdam at sariling pagtatantiya.

Narito ang mga larawan at video na nagmula sa kaibigang si Jeremy Dela Cruz, guros a UPLB at direktor ng mga dulang naisusulat ko para sa unibersidad na iyon.

Unang araw ng script reading (yata).
Video ng reading, tungkol kay “L,” isang high school student na trans woman.
mga mag-aaral ng UP Los Baños na bahagi ng music committee. Ang ilan sa kanila’y nakatrabaho ko na rin sa isang proyekto, ang Ang Pitong Pagaspas ng Adarna.
Music rehearsals. Nakapagsimula na silang bumuo ng musika para sa mga kantang ginawa para sa Casa Sampaguita.
Sa rehearsal space na maraming ibange estudyanteng dumadaan, paano’y hindi talaga ito kuwarto kundi lobby ng isang building sa UPLB. Palagian nilang panawagan ang mabigyan ng sapat na performance spaces ang mga klase at grupong nagtatanghal sa UPLB.
Pag-eensayo sa panimulang kanta ng Casa Sampaguita
Isang kanta tungkol sa kung paano kasingbagal ng susô ang pagtugon sa problema ng mga babae, o ang mga tauhang “may suso.”

Naniniwala akong darating din ang araw na makikilala ng mga manonood ang iba’t ibang mga tauhang “L” ng Casa Sampaguita–si Lorena, ang L na kanyang palagiang kausap sa kanyang mundo, ang L na nagbibihis-babae kahit tinatrato siya ng kanyang mundong high school bilang lalake, ang L na nais maging writer pero pinapakuha ng Biochemistry sa kolehiyo, ang nanay niyang si L din at nakukulong sa konserbatibong mga paniniwala tungkol sa mahusay na kurso at mahuhusay na trabaho, ang L na walang sariling tahanan at tinatrato nilang kriminal sa sariling bayan, ang L na binabagabag ng trabaho niya bilang nurse sa pampubikong ospital at bilang mangingibig na iniwan ng dating karelasyong hindi pa handang ihayag ang kanilang ugnayan at pagkatao. Ilan lamang sila sa mga tauhang narito sa binubuong kuwento. Sana’y may makakilala at may maging mga kaibigan sila kapag dumating na sila sa kanilang nararapat na entablado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.