MPs 10: Pag-aalay ng Tula

Published on: Mar 19 2014 by vbgonzales

Patapos na ang semestre, at ang isa sa mga huling proyekto ng aking klase sa Malikhaing Pagsulat 10 ay ang pag-aalay ng tula sa kanilang kaklase.  Ipapadala nila sa akin ang mga tula nila, at ipo-post kosa Website nang hindi binabanggit kung sino ang nagsulat.  Narito ang dalawa sa mga nagtangkang gawin ang proyektong ito.

 

Jasper

Nakakatuwa lang talagang isipin
Sa kabila ng ‘yong pagiging tahimik
Ang dami mo pa palang kayang sabihin

Sa unang tingin ‘kala mo’y mahiyain
Tipid na tipid, walang kaimik-imik
Nakakatuwa lang talagang isipin

Introvert ka daw, madalas mong banggitin
Eh bakit pag sasagot, sabik ma sabik?
Ang dami mo pa palang kayang sabihin

Nabibilib lang ‘wag sanang masamain
Ang pagsasalita’y walang panginginig
Nakakatuwa lang talagang isipin

Naglahong hiya’y ‘wag na sanang hanapin
Kalimutan mo na, huwag nang ibalik
Ang dami mo pa palang kayang sabihin

Ok ka pare, ika’y napakagiting
Hanga ako sa kakaiba mong kisig
Nakakatuwa lang talagang isipin
Ang dami mo pa palang kayang sabihin

 

 

Rosas

Sa pagsapit ng ala-una
T’wing Martes o H’webes, sisinta
‘Di lamang isip ang bibigkas
Pati ika’y maaaninag

‘Di mapansin sa unang tingin
Dalagang sa tabi’y mahinhin
Bakit pa sa iba sisilip,
‘Di pa sapat ang nasa gilid?

At nang buong klase’y grinupo
Ika’y umupo sa tabi ko
At nang nasilayan, iyong ganda
Bakit ‘di ko ito nakita?

Pagkakaibiga’y umusbong
Hanggang sa lahat ay naputol
Bakit pa kailangang lumisan,
tanging rosas na nilingunan?

Filed under: MPs 10

Leave a Reply

*

*


seven + 9 =