MPs 110: Ilang Tala tungkol sa Palihan hinggil sa Encantadia Fan Fiction, at mga Kaugnay na Usapin

Published on: Sep 14 2012 by vbgonzales

Noong nakaraang Martes, 11 Setyembre 2012, isinagawa namin sa aming klase sa Malikhaing Pagsulat 110 (Palihan I) ang second round ng palihan para sa mga kuwentong nakabase sa fantaseryeng Encantadia. Iikot ang fan fiction sa isang eksena ng pagpatay sa isang major na tauhan sa serye—si Alena.

Naging bahagi na ng silabus ng MPs 110 ang fan fiction at fan poetry. Halos apat na taon nang kasama sa pagtuturo ko ang anyong ito, na madalas ay kaakibat ng digital/interactive/hypertext writing. Sa kaso ng semestreng ito, tumutok sa fan fiction at fan poetry lamang ang klase. Ang rasyunal nito ay para mas ma-flesh out ang mga paksa o isyu na lalabas sa pagsusulat ng fan-based writing, na sa kaso naman ng klaseng ito ay lubos namang nailalapat at naisasagawa sa anyo ng maalab na diskusyon sa paghimay ng mga lakas at hina ng bawat akda sa klase.

May dagdag na alab sa pag-uusap sa pinakahuling palihan, pagkat nagkaroon ng malay na initiative ang grupong nakatakda sa pagsusulat ng kanilang fanfic, inisyatiba para magpasok ng tinataya nilang “bagong” atake sa pagsusulat ng fan fiction. Ang orihinal na restriksyon para sa piyesa ay isang fragmented, possibly non-linear na kuwentong nakatutok sa premise ng pagkamatay ni Alena sa tabi ng batis/talon. May given na introductory text, kung saan isinasalaysay ang pag-alis ni Pirena—panganay na Sanggre—mula sa Lireo, na sinundan ng di-inaasahang pagkakatagpo ng patay na katawan ni Alena. Magugulat din ang Reynang si Minea dahil ang mga brilyanteng ibinigay na niya sa mga anak niya’y nasa higaan niya’t magkakasama. At ang natitirang mga anak naman ay nawawala. Ipapagkuwento ni Minea ang apat na brilyante (na isusulat ng apat na magkakaibang manunulat) at mula sa kanilang hiwa-hiwalay na salaysay ay inaasahang mapagkakabit ng mga tagabasa ang sagot sa misteryo ng pagkamatay ni Alena. Ang atake ng grupong nagsulat ay isang kuwento na nagsasalaysay ng isang contest para sa pag-remake ng Encantadia, kung saan may apat na contestant na nagpadala ng kanilang entries at may isang director—si Thor Brillantes—na naglalagay ng kanyang mga komento rito, kung aprubado ba o hindi, kung ifa-file ba o ibabasura na lang. May pakiramdam ang piyesa na parang nakapulot ka ng isang work manuscript na may mga tala ng isang tao. May malaking posibilidad na isipin ng tagabasa na hindi ito kuwento, o hindi ang kuwentong itinakda sa klase.

Base sa mga komento sa klase, ito ang mga lumulutang na impresyon o usapin:

Positibo
• May impact lalo sa mga estudyanteng nag-aaral ng mga kurso sa CMC, dahil may dating na nagpapakita siya ng insider look sa industriya ng telebisyon, at napapahalagahan ito ng mga nasabing mambabasa.
• May dating din ang kuwento na hindi direktang kuwento, na parang found piece lang siya na nakalaan sa interpretasyon ng mambabasa ang ibig sabihin. Kahit ang mismong kahinaan ni Thor Brillantes bilang direktor ay pwedeng basahin bilang suporta sa ganitong pagbasa.
• May sense ng pagpaplano sa paraan ng pagsasalita ng bawat brilyante: mataray ang brilyante ng apoy dahil ang apoy ay mainit at padalus-dalos, madaling magpahayag ng galit; kaya gumagamit ng salitang pambakla ang brilyante ng tubig dahil sa fluid ang sexuality; malalim ang salita at mismong punto ng brilyante ng lupa dahil nga siya’y hango sa lupa; mailap ang punto ng hangin pero may puwersang ipinaglalaban dahil sa ganito ang esensya ng hangin.
• Maaaring basahin bilang komentaryo sa mismong pagsusulat ng fan fiction, kung hindi lang simpleng kuwento tungkol sa pagkukuwento.

Negatibo
• May pakiramdam sa ilang tagabasa na “nadaya” sila, dahil sa anuman ang pagkukulang sa pagsusulat ay pwedeng isisi sa istilong ginawa—pwedeng sabihing walang karakterisasyon dahil ganoon kasi ang karakterisasyon ng writer na nagpasa ng kanyang entry. Siguro’y may pakiramdam din ng nadaya dahil sa sumunod ang naunang writers sa parameters na ibinigay sa kanila para sa writing assignments, at kung nag-modify man ay walang malaking lihis sa hinihingi.
• Base sa komento sa palihan, mas napansin ang pagiging “kuwento tungkol sa kuwento” nito, hindi natutukan ang lakas at hina ng istoryang nakabase sa Encantadia.
• May inconsistencies na napansin, halimbawa sa isang komento’y nasabi ang pagkaasar ni Thor Brillantes sa pagpapasalita sa brilyante, samantalang ito naman ang instruction sa contest.
• May iba’t ibang bersyon ng “tungkol saan ang kuwento:” pwedeng kuwento tungkol sa TV industry, kuwento tungkol sa pagkukuwento, kuwento tungkol sa fan fiction. Ayos lang sana kung may malinaw na pagkakasalansan pero base sa mga komento sa klase ay hindi pa nagkakasundo ang lahat sa kung ano ang prayoridad sa mensahe.

Sa pagsasalita ng mga manunulat, nabanggit ang terminong “metafiction,” at ito ang direksyon ng proyekto (sa pagkakaintindi ko sa paliwanag). Nabanggit ng isang kasapi na kung siya ang masusunod, may dalawang bersyon sana ng kuwento—ang kuwento ng mga brilyante na walang mga komento ni Thor Brillantes, at isang may mga komento (o isang bersyon na hindi naka-peg sa scriptwriting contest, isang non-linear fan fiction na sumunod sa itinakdang gabay, at isang hindi? Hindi ko matandaan ang eksaktong dalawang bersyong tinutukoy pero mas may pagpanig ang memorya sa una kong sinabi)—para lang may isang bersyon na mas mapapansin ang aktuwal na kuwento ng mga brilyante. Naglatag din ng mga tanong ang grupo hinggil sa fan fiction: 1. Dapat ba ay fan talaga ng palabas para makagawa ng fan fiction; 2. Hanggang saan ba ang limitasyon para masabing fan fiction ang fan fiction?

Ang naihain kong tugon ay ang leksyon tungkol sa direksyon ng fanfic na inilatag sa klase at paulit-ulit na pinaalala sa iba pang mga leksyon (sa aking intindi, inulit-ulit ko naman ito, maaaring hindi). Una, nabanggit ko na gaya ko, marami sa mga guro sa malikhaing pagsulat ang umiiwas sa ganoong sitwasyon—iyong sitwasyong lumalabas na may punto ng di pagsang-ayon sa isang pagtatangkang maging bago, at magmukhang base sa mga komento ay pinipigilan ang pagkamalikhain ng mga manunulat. Madali kasing sabihing oo, ayos na iyan, maganda nga iyan na may bagong ginawa para sa klase, lahat naman ng bago ay dapat yakapin. Pero sa kaso ng klase, kahit sa paraan ng pag-moderate ko sa mga puna, kita namang may sariling bias ako laban sa piyesa, at kailangang maipaliwanag ko ito nang maayos. Kung saan nanggagaling, kung paano dapat iproseso. Pangalawa, natatandaan ko na ang paghain sa klase ng fan fiction at fan poetry ay ang pagtrato sa metatext ng palabas bilang isang klase ng tekstong iginagalang dahil may mga posibleng interpetasyon dito na maisisiwalat ng isang matalinong tagahanga, at nais ko sanang ito ang pigain o subukan nang subukan bago pa tumalon sa balidasyon kung ayos ba ito o hindi. Sa aking pagtataya kasi, ginagawa na naman ito sa proseso ng palihan, tinitimbang na naman ang halaga ng fan-based writing sa pamamagitan ng paghimay kung lapat ba o hindi ang atake sa bawat palihan. Handa na ba ang klase, at handa na ba ako bilang guro, na tanggapin at talakayin ang isang kuwento tungkol sa kuwento, bilang bahagi ng fan-based writing? Dito sa usapin ng kahandaan ako naputulan ng oras sa pagtalakay sa loob ng klase, kaya isinusulat ko ito ngayon.

Sa personal na tingin, bilang manunulat na may interes sa fan fiction at fan poetry, at may interes din sa mga akdang sumisiyasat sa proseso ng pagsasalaysay, nahihirapan akong tanggapin nang buong-buo ang proyekto dahil sa pagbabasa ko’y nakukulangan ako sa piyesa. Kung kuwento ito tungkol sa pagsusulat ng kuwento, bakit kailangang ilapat sa konteksto ng TV prod? May karanasan ba sa TV ang mga manunulat? Kung oo man o hindi, sa output ay parang hindi. Hindi consistent ang mga puna ng direktor. Ang mechanics ng contest ay maaari pang palamanan para magmukha siyang mas may sense. Nakakapagtaka na matitira ang apat na entries na maraming pagkukulang, dahil sa kung contest ito, dapat ay pinakamahusay na ang matitira. Hindi kaya magiging mas madali kung ilapat sa konteksto ng creative writing classroom ang kuwento, tulad ng kuwento tungkol sa pagsusulat ng fan fiction? Kung magiging ganitong kuwento ito, gaano karami at kalalim ang pag-aaral ng grupo tungkol sa fandom, participatory culture, textual poaching, textual gaps, transmedia storytelling, Internet culture, at mga kaugnay pang usapin, ang naproseso na ng grupo para makabuo ng isang mabusising imbestigasyon ng pagsusulat ng fan fiction (dahil kung hindi mabusisi ang imbestigasyon, bakit pa nag-imbestiga? Kahit siguro sa tanong na, ano ba ang iniisip na mapupuntahan ng imbestigasyon, anu-ano ang mga desisyon ng grupo hinggil sa pagsisiyasat sa lakas at hina ng fan fiction?)? Kung ang kuwentong ito ay pagpuna o pagsubok sa mga limitasyon ng fan fiction, anu-anong mga limitasyon kaya ang naisiwalat ng kuwentong ito, at saang mga puwersa nanggagaling ang mga limitasyong ito? Na-exhaust na kaya ng grupo ang lahat ng pwedeng gawin sa given parameters ng writing task bago mag-level up at magdesisyong gumawa ng pagsasalaysay tungkol sa pagsasalaysay? Naiintindihan ba ng lahat ng kasapi sa grupo ang esensya ng metafiction?

Sa aking intindi, nagsusulat tayo ng mga kuwento tungkol sa pagkukuwento para maging malay tayo sa proseso ng pagkukuwento. Ginagawa tayong malay ng metafiction sa mga puwersang ginagamit natin sa ating pagbabahagi ng karanasan. Halimbawa, may nagsasabing ang kuwento ay nakasalalay sa magandang dialogue, kaya may magsusulat ng kuwento na walang dialogue para mapansin ng mga tagabasa ang ganitong proseso; sinasabi minsan na dapat mas maraming pagkilos kesa paglalarawan, kaya gagawa ng salaysay na isang mahabang pangungusap lang na paglalarawan lang ng paglubog ng araw; sinasabing dapat may consistency sa point of view, kaya magsusulat ng kuwentong may limampung point of view para mapansin ng mambabasa na “oo nga, BAKA PWEDE ngang magsulat ng kuwentong hindi lang iisa ang kumikilos o nagbabahagi ng kanyang pagsipat.” Minsan, isa itong imbestigasyon na ang punto lang ay gawing malay ang mga tagabasa sa proseso; minsan, gagawin ito ng manunulat para ilantad na ang mga umiiral na paraan ng pagkukuwento ay luma/lipas/paso na, at kailangan na itong palitan dahil sa marami nitong pagkukulang.

Sa aking intindi, matutuwa ako sa mga laro sa pagsusulat lalo kung makikita ko kung paano ito naitatahi sa bandang huli. Natutuwa ako sa pagsasalaysay sa Horoscope ni Eli Guieb dahil sa dinami-dami ng indibidwal na kuwento, na-appreciate ko ang pag-iisip tungkol sa mga koneksyon at diskoneksyon; napaisip ako tungkol sa pag-uutos ng may-akda sa mensahe ng kanyang trabaho, at ang mga pagkakataong ako bilang tagabasa naman ang may kontrol; napapaisip ako sa mga kaso ng relasyong labas sa mga harang na nakasanayan ko—sexualidad, edad, propesyon, katawan, panahon; humahanga ako sa pag-amin ng kuwentong teksto lang siya, mga bungkos ng salita tungkol sa iba’t ibang mga ugnayan na mahalaga pero sa iba ay hindi, mga bungkos ng salita na kung pipiliin ng tagabasa ay pwedeng maging bungkos ng salita lang o aktuwal na kuwentong-buhay. Iniisip kong nasabi sa akin ito ng kuwentong nabanggit dahil may malinaw siyang sistema, naiintindihan ng manunulat ang implikasyon ng kanyang mga salita, at ang impact nito depende sa tamang bitaw at pagrenda nito. Inaamin kong natatakot ako sa komento ng mga kamag-aral na natutuwa sa istilong ginawa sa INDIBIDWAL na fragment ng Encantadia fanfic kahit hindi naman nakikita ang silbi nito sa KABUUANG kuwento, natatakot ako kasi napipilitan akong manghusgang madali silang mabola ng mga gimik at pasabog na posibleng walang follow through (dahil di ko nga makita kung paano sila magkakabit-kabit sa dulo).

Ngayon, paano rerebisahin ang akda? Paano isusulat ang panibagong bersyon ng kuwentong dumaan sa palihan? Maaaring pag-usapan ng grupo, ano ba ang planong atake sa pagkukuwento? Paano ito mae-execute nang hindi direktang kumakalaban o lumilihis sa esensya ng fan fiction—na ito’y lehitimong panitikang pwedeng magtalakay nang may lalim/akademikong mga isyu, na ito’y umaagaw sa mainstream na negativity at bumubuo ng isang piyesang nagtatalakay sa mga isyung may saysay sa isang lipunang Pilipino? Given ang lahat ng intensyon ng fan writing na inilatag sa klase, sa gitna ng malaking class population at mga limitasyon ko bilang guro dahil sa ganitong sitwasyon, paano makakagawa ng realistikong proyektong nakasusunod sa main thrusts ng klase at kasabay nito’y nakakapagpasok pa rin ng sariling atake bilang mga manunulat? Tinutukoy ko ang “realistiko” bilang isang atake sa pagsusulat na nauunawaan ng LAHAT ng kasapi sa grupo, na kaya nilang gawin sa loob ng ibinigay na panahon.

Isinulat ko ito para mas maging malinaw ang paraan ko ng pagproseso ng ating mga palihan, na may pag-iisip na makapagbubukas ito ng diskusyon sa pamamagitan ng mga komento, sa Website na ito o sa pamamagitan ng pagpapadala ng private message. Maraming salamat sa pagbabasa at sana’y nakatulong ito sa inyo.

Filed under: MPs 110

Leave a Reply

*

*


seven − 5 =