Marami akong gustong sabihin, at hindi mo ito magugustuhan. Tulad ng mga nais mong ihayag na hindi ko gustong mabasa o mapakinggan.
Gusto kong sabihing natatakot ako sa malakas na buhos ng ulan. Kapag sobra kasi’y lumilitaw ang mga butas ng isang istruktura, tulad ng sariling pugad. Nagiging lantad ang mga biyak at puwang na sa karaniwang maaliwalas na araw ay hindi mapapansin, at wala namang may gustong ipagmalaki ang kahinaan ng sariling tahanan.
Gusto kong sabihing magkakaiba ang mga bersyon natin ng kalamidad, at sa iba’t ibang mata at pagkakataon ay laging may lulutang na mas hungkag at mas mahalaga. Ang Custom Firmware sa PSP na aksidenteng napatungan ng Original Firmware, hindi na tuloy makapamirata. Ang nanay na sumakit ang ulo at uminom ng Mefenamic Acid, hindi malay na may aneurysm pala sa utak (nagbarang ugat na namilog at nagmukhang ubas). Katulong na hindi nagluto ng ulam para sa among kakauwi lang galing sa trabaho. Pagtatangkang makipagkasundo sa kaibigang lampas isang taon nang hindi iniimik. Yosing mailap sa mga tindahan sa loob ng smoke-free na campus. Paghawak sa kamay, daupang-palad na sa pakiramdam ay parang humawak ng baling sanga ng akasya, kinitil ng malupit na habagat. Ang malalim na pagmumunimuni kung wheat bread, pandesal o monay ba ang igagawad na donasyon sa mga biktima ng masamang panahon. Gusto kong sabihin, hindi, gusto kong isiping maaari tayong pumili ng mga haharaping sakuna sa ating pinakaangkop na panahon, sa oras at sitwasyon na tayo ay pinakahanda. Pero saan ba tayo nakasagap ng kalamidad na nagpaalam muna bago sumugod? Kailan ba humingi ng pahintulot ang pagkawindang, ang pagkagunaw?
Gusto kong sabihing hinahanap-hanap ko din ang pakiramdam ng kalma, naglalaro ako sa paghahanap ng ginhawa, gaya ng pagkusot sa matang napuwing, o pag-alis ng batong nagsumiksik sa loob ng sapatos habang naglalakad sa baha. Gusto kong sabihing umuurong-sulong ako sa pagbibigay at paghahanap ng tulong. Dahil naglalaro tayo sa pag-ipon at pagpapakawala ng kanya-kanya nating mga nakaraang trahedya: iniipon sa gunita, dahil ayaw nang maabuso uli ang kawalan ng paghahanda; pinakakawalan, dahil paano makakaahon kung magpapakalunod sa maraming alaala ng sakit? Gusto ko lang sabihin, ito lang naman, maraming pesteng iniluluwal ang pag-iipon ng sama ng loob, pero ayoko rin namang humarap sa mga panibagong aksidente na parang laging unang beses ko itong naranasan, na parang hindi pa ito nangyayari noon, na wala akong responsibilidad sa mga nangyari’t nangyayari. Gusto kong sabihing hindi ko nais maging biktima na lahat ay sinisisi maliban sa sarili, kasabay ng pagkahiya ko sa minsang pag-iisip na sa bawat trahedya—sariling trahedya—dapat laging may magligtas. Magligtas, o managot.
Gusto kong sabihing may unos sa aking loob pero walang makakakita nito. Bukas, babalik ako sa routine ng pagpasok sa opisina, sa pag-aasikaso ng papeles, sa pakikipagbiruan sa mga katrabaho sa pinapasukang departamento. Sa mga susunod na araw papasok ako sa aking mga klase, ipagpapatuloy ang mga napatdang leksyon na parang walang nangyari. Magbabato ako ng mga biro tungkol sa mga bastos na bagay, laging mabenta ang mga birong may sundot ng sex, magbibigay ng mga quiz, magpapagawa ng iba’t ibang ehersisyo. Yayayain ko ang mga kaibigang lumabas, kumain o kumanta sa videoke, magtsitsismisan tungkol sa mga kinaiinisang katrabaho o estudyante, magpaplano ng mga susunod na lakad, magtatawanan. Maghihiwa-hiwalay kami nang may mga ngiti, ngiting sisikaping mapanatili hanggang sa oras bago mahiga’t matulog. Pagkat kamerang nagmamasid ang mata ng mga katrabaho, estudyante, kamag-anak, kaibigan. Bawal magpakita ng lungkot o kahinaan. Sanay sa trahedya ang Pilipino, sabi nga ng iba, at kailangang ingudngod ito sa mukha ng buong mundo. Ang bukas ay panibagong araw. Walang espiritung nabasag. Walang natibag na paninindigan. Walang paslit na lumaki nang kaunti. Walang tiwalang nabawasan nang bahagya. Isang maaliwalas na araw ang sasalubong sa umaga. Mabuhay ang Pilipino. Mabuhay ang Pilipinas.
































