Julia’s Kim Chiu UP Dream

Noong panahon namin, noong ako pa at ang mga pinsan ko ang mga bata, sa pelikula nina Claudine at Mark nagsimula ang ideya ng eskuwelahang papasukan ko’t pagtagal ay magiging lugar kung saan ako magtuturo.  Madagundong ang tugtog ng banda at malakas ang dating ng pagbirit ni Wency Cornejo: Mangarap Ka.  Sige, Wency, sabi ko noon, balang araw mararanasan ko rin ang UP na yan.

 

Marami nang naikuwento tungkol sa mga pangarap at sa UP.  Sa sariling pagsusulat ay nagasgas ko na ang mga salaysay na ito, kahit syempre’y palaging may kurot sa puso pag inaalala.  Isa sa lagi kong ikinukuwento, noong kumuha ako ng entrance exam, hindi na ako pinakuha ng nanay ko sa iba pang unibersidad.  Parang siguradong-sigurado siyang makakapasok ako.  Marami pang nangyari pagkatapos nito, may mga planong natupad at marami-rami ring nadiskaril; may mga bagong plano at pangarap na umusbong.  Pero sa ngayon, oo, pangalawang tahanan ko na ang UP, at pag nagkakaroon ng pagkakataon ay gusto kong ibahagi sa mga mahal ko ang lugar na kinalakihan ko.

Kaya isinama ang pinsang si Jinggay at ang anak niyang si Julia para makapamasyal saglit kani-kanina.  Kagaya ng ibang mga nadadaan doon, lalakad-lakad, pichur-pichur sa may Oblation, kain-kain sa isawan.  Biro ko kay Jinggay, dapat ay makapasa sa UP si Julia dahil kung hindi ay babalikan niya ang mga larawang nakuha namin at made-depress siya.  Pero malayo pa ang pamangkin sa mga pangarap ng pagiging Iskolar ng Bayan.  sa totoo lang, ang hinahanap niya sa pagpunta doon ay kung nasaan ang playground ng pagkalaki-laking school.  Playground, at laruan na parang bola na umiilaw.

Base sa mga larawan, nagtagumpay kami sa paghahanap ng isa niyang pangarap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Ilagay ang tamang sagot sa equation para makapagkomento * Time limit is exhausted. Please reload the CAPTCHA.