Pinaalala ng pag-inom ko ng kape kanina kung bakit ako umiiwas sa pag-inom nito–bumibilis ang kabog ng dibdib at lumilikot din ang takbo ng isip. Bihira na akong atakehin ng acid, pero eto nga, mas sensitibo sa ingay ng paligid, nalilito rin kung ang kabog na nararamdaman ay kaba o inis o lungkot o insecurity. Isinusulat ko ito para may balikan kung sakaling maisipan kong magkape uli para matunawan sa dami ng kinain. Si Mama naman kasi, pag dumadalaw sa bahay gusto Sunday’s best palagi ang kainan.
Sisimulan ko ang istorya sa pagbabahagi na nanood ako kanina ng palabas na Masterchef. Madali akong maakit ng mga palabas tungkol sa pagkain, o pagpasyal, o anumang dokumentaryong may kaugnayan sa mga mas magandang biyaya ng daigdig. Pero kanina, naalala ko, naalala uli, na kasabay ng pagkaaliw at pagkatakam, minsan nakakaramdam ako ng inggit. Inggit o lungkot, minsan magkahalo, sa mga pagkaing sa tingin ko’y di ko makakain kahit kailan, o kung makakain man ay may mga kailangang isukong bahagi ng sarili, mga bagay na may kaugnayan sa kaluluwa o paninindigan. May mga araw talagang ang default na estado ko ay isipin ang lahat ng sariling kawalan at pagkukulang.
Noong mas bata ako, may katulad na pakiramdam akong nararamdaman kapag nanonood ng mga palabas gaya ng 5 & Up at Gameplan. Masaya na malungkot. Parang memoryang nakadaan na, hindi nangyari o hindi mangyayari, natapos kahit di pa nagsimula, hindi na maibabalik. Mas matindi ang atake kapag may mga segment sila kung saan nagbabalik-tanaw ang kanilang hosts, silang inaalala ang masasayang pakikipagsapalaran kasabay ang background na acoustic guitar. Ganoon naman daw talaga ang epekto ng TV, ng media, ang itampok ang maraming mayroon ang iba para mapatingkad naman ang lahat ng wala ka. Kahit alam ko na ito, kahit ilang ulit namang natutuhan na sa paaralan, nagtatalo pa rin ang dibdib saka isip.
Sa mga ganitong oras ng pagkamakitid, pinasasalamatan ko ang mga saglit na nakakaramdam ako na sapat na ako. Nitong nakaraang linggo, ang ganitong mga sandali ay ang pagpasyal kasama ng mga magulang sa Laguna, at ang pagpasyal naman sa Chinatown kasama ng ilang mga kaibigang tagateatro.
Sa Laguna, nagkandaligaw-ligaw kami sa paghahanap ng isang masarap pero murang restaurant; sa unang pagkakataon, mali ang napuntahan, doon sa malakasan ang napasukan. Gaya nga ng nasabi ko sa Twitter at FB, idinaan na lang namin sa attitude, pinanindigan na lang. Kinabukasan, bumawi sa paghahanap, at nakita naman ang nakaplanong puntahan.
Sa Chinatown naman, walang masyadong malaking problema maliban sa nagbabantang kumukulong tiyan. Mabuti’t maganda ang banyo doon sa aming nakainan. Biglaan ang lakad na ito, bigla-bigla lang nagkayayaan. Sa mga ganitong pagkakataon, bukod sa maiisip na namang ang mga di-planadong lakad ang natutuloy, naalala ko uli na masaya sa pakiramdam na mayaya o maimbitahan. Yung pakiramdam na kasama ka lang sa listahan, kahit wala naman talagang listahan o sa imahinasyon ko lang nagbubuo ng mga tala ng inuuna at hinuhuli. Siguro’y sinasabi ko ito para amining may mga ganito akong paglilimi. Nag-iisip ako tungkol sa mga kakilala’t kaibigan, nag-iisip tungkol sa mga narito’t nariyan. Inaaming minsan, nag-iisip ako tungkol sa mga pagpili, o sa mga pumipili. Minsan galit ako sa mga halatang may pinipili–mga babatiin sa kaarawan, sa mga sasabihan ng “salamat” o ng “magandang araw,” pero inaamin ko ring minsan ang ugat lang nito’y nahahalukay ang loob ko pag sa pakiramdam ko’y hindi ako naging kabahagi, pag sa ilang saglit ng kabaliwan ay natatantya kong hindi ako kasali sa kung anumang mahiwagang imahinaryong totoo pero hindi totoong listahan. Kung anuman ang kaguluhan, masaya ako na may pagkain, may kaunting larawan. Busog naman sa pagkain at kuwentuhan, kahit man lang sa nakaraang linggo, sa mga kaibigan at sa mga magulang.
May ipinabuwal na puno sa loob ng lote namin, pinaputol para hindi makasagabal sa itinatayong townhouse sa tabi. Kaya lang, pagkaputol ng puno’y nagkasakit ang pumutol, tinamaan ng trangkaso bago pa maialis ang mga kahoy mula sa construction site. Baka namaligno daw, sabi ni Mama, sabi ng mga nakukuwentuhan. Imbes na makatulong tuloy, naging sanhi pa ng pagkasagabal ang punong binuwal. Ilang araw din kaming kinakatok ng foreman mula sa kabilang lote, ilang araw ding kinukulit kung kailan ba namin iuusog ang mga kahoy. Nangyari ito ilang araw din pagkatapos hulihin ng pulis ang isang kaibigang manunulat. Pinaratangan ng vandalism sa MRT, na kahit walang maipaitang pruweba’y sa presinto napunta ang usapan. Sa parehong okasyon, napaalala na naman ang mga bagay na hindi ko kayang gawin. Walang mabilisang silbi ang pagiging guro at manunulat sa kaibigang manunulat na abogado o human rights expert ang kagyat na kailangan. Walang silbi ang pera sa wallet kung ayaw naman pumayag ng mga trak na dayuhin ang malayong village at maghakot ng mabibigat na piraso ng patay na puno habang binabayo ng malakas na ulan. Mas lalong walang magawa ang 34 anyos na may katabaang katawan para itaboy ang binuwal na puno sa malayong lupain, o pahupain ang ngitngit ng nangangatok na foreman. Sa huli, inabot din ng pagbisita ng magulang ang pakikipag-areglo sa foreman at sa mga tauhan ng barangay, habang ang kaibigan naman ay nakalaya habang nire-review ng awtoridad ang nasabing kaso.
Baka ito, ang biglaang pagkakape, ang mga balita’t pakikibalita sa mga tao’t mundong nasa labas ng sarili ko–kaibigang may sakit, namatay na katrabaho, pangkalahatang estado ng bansa–ito at ang malakas at kumakabog na hampas ng ulan. Baka ito ang dahilan ng pansamantalang pagkaengkanto.
So, ano ang plano? Una, aabangan ang mga kausap sa barangay, baka bukas ay makabalik na sila para hakutin ang natitirang mga piraso ng puno. Baka humina na ang ulan, siguro’y itutuloy ang panglilibre kina Mama at Papa doon sa lugar na may mga malaking piraso ng hipon, bago sila bumalik at umuwi sa Laguna. May mga tao akong naiisip na kamustahin at kausapin, baka yayain sa meryenda o tanghalian o hapunan, depende kung ano ang mas bagay sa kanya-kanyang oras. May nakapilang mga deadline sa ilang mga proyekto, may papanooring mga palabas at babasahing ilang mga libro. Patuloy na iikot ang mundo, tatantyahin ko pa ang susunod na mga hakbang. Kung anuman, alam at naaalala ko pa namang may iba pang mga tao at mundo bukod dito sa mga binubuo’t binubuno ko sa kukote ko. Malabo ano? Pero iyon pa lang ang malinaw sa ngayon, kaya siguro e iyon na, iyon na muna ang plano.